BET-PEOR
[Bahay ng Peor].
Noong huling taon ng kanilang paglalakbay sa ilang, ang bansang Israel ay nagkampo “sa libis sa tapat ng Bet-peor.” (Deu 3:29) Maaaring ang Bet-peor ay isang bayan na nasa mga dalisdis ng Peor. Maaaring kapuwa ang bundok at ang bayan ay nauugnay sa pagsamba sa “Baal ng Peor.” Gaya ng iniulat ng Bilang 25:1-9, ang mga Israelita ay nasilo ng imoral na mga ritwal na kasangkot sa gayong pagsamba.—Tingnan ang BAAL NG PEOR.
Sa Kapatagan ng Moab, sa rehiyon ng Jordan, muling binigkas ni Moises ang Kautusan sa Israel, at pagkamatay niya, inilibing siya “sa libis sa lupain ng Moab sa tapat ng Bet-peor.” Lumilitaw kung gayon na ang Bet-peor ay nasa “lupain ng Moab,” samakatuwid nga, sa lupaing pinanirahan ng mga Moabita, ngunit sa teritoryong naging sakop ni Haring Sihon ng mga Amorita hanggang noong matalo siya ng bansang Israel. (Deu 4:46; 34:6) Nang maglaon ay iniatas ito sa tribo ni Ruben, at binanggit itong kasama ng ‘mga dalisdis ng Pisga at ng Bet-jesimot.’—Jos 13:15, 20.
Ipinahihiwatig ng lahat ng tekstong ito na ang Bet-peor ay malapit sa HS dulo ng Dagat na Patay at nakaharap sa Kapatagan ng Moab. Hindi matiyak ang eksaktong lokasyon nito. Gayunpaman, may binanggit si Eusebius na gayong lugar na mga anim na milyang Romano (9 na km; 5.5 mi) sa S ng Livias (makabagong Tell er-Rameh). (Onomasticon, 48, 3-5) Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na ang Bet-peor ay ang Khirbet esh-Sheikh-Jayil na mga 5 km (3 mi) sa KHK ng pinaniniwalaang lugar ng Bundok Nebo. Ang lugar na ito ay nasa dalisdis ng isang bundok na maaaring ang “Peor” na huling dakong pinagdalhan kay Balaam upang sumpain ang Israel. Kung tama ang nabanggit na lokasyon, ang “libis na nasa tapat ng Bet-peor” ay malamang na ang Wadi Husban.—Bil 23:28; Deu 4:46; tingnan ang PEOR.