BUKOL
Karaniwan nang tumutukoy sa isang pigsa (sa Ingles, furuncle), isang makirot na pamamaga ng balat sa isang bahagi ng katawan na hindi resulta ng dating sugat kundi ng impeksiyong dulot ng baktirya na pumapasok sa mga follicle ng buhok o sa mga glandula ng pawis o ng taba; sa Hebreo, shechinʹ. Ang bukol ay nagsisimula sa maliit at mapulang pamamaga; sa kalaunan, nilalabasan ito ng nana at, kasunod nito, lumalabas ang matigas na mata nito. Kung minsan, hindi lamang isang bukol ang tumutubo sa isang apektadong bahagi. Ang “karbungko” (sa Ingles, carbuncle) ay mas delikado pa kaysa sa “pigsa,” anupat mas malaki, kung minsa’y mas makirot, at maaaring may kasamang mga sintomas na gaya ng sakit ng ulo, lagnat, at panlulupaypay. Nakamamatay ito sa ilang kaso.
Noong panahon ng ikaanim na dagok ni Jehova laban sa Ehipto, ang mga Ehipsiyo at ang kanilang mga hayop ay sinalot ng makikirot na “bukol na nagnanaknak.” (Exo 9:8-11) Maaaring ang mga ito ay malulubhang singaw sa balat na nakaumbok at punô ng nana, at posibleng tumutubo sa malawak na bahagi ng katawan ang gayong tulad-paltos na mga pustule. Gayunman, dahil maikli ang paglalarawan ng Kasulatan, imposibleng iugnay ang mga ito nang tiyakan sa isang espesipikong makabagong-panahong karamdaman.
Binabalaan ang mga Israelita na isa sa magiging resulta ng pagsuway sa Diyos ay ang pagpapasapit niya sa kanila ng “bukol ng Ehipto.” Nang dakong huli ay sinabi pa: “Pasasapitan ka ni Jehova ng malubhang bukol [sa Heb., bish·chinʹ raʽ] sa magkabilang tuhod at magkabilang binti, na mula roon ay hindi ka mapagagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa tuktok ng iyong ulo.”—Deu 28:15, 27, 35.
Sinabi ng Kautusan na ang bahaging gumaling sa bukol ay maaari namang tubuan ng singaw o pantal ng ketong. Sa ilang kaso, kitang-kita ang mga sintomas anupat ang biktima ay kaagad na ipinahahayag na marumi at ketongin; ang iba naman ay ikinukuwarentenas muna nang pitong araw. Pagkatapos nito, kung makitang hindi kumalat ang karamdaman, tutukuyin lamang ito bilang “pamamaga ng bukol” at ipahahayag ng saserdote na malinis ang taong iyon.—Lev 13:18-23.
Pinasapitan ni Satanas si Job ng “malulubhang bukol [sa Heb., bish·chinʹ raʽ] mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” (Job 2:7) Hindi matiyak kung ano ang espesipikong medikal na katawagan sa sakit na dinanas ni Job. Dahil sa matinding paghihirap, isang bibingang luwad ang ipinangkayod ni Job sa kaniyang sarili. (Job 2:8) Nabalot ng mga uod ang kaniyang laman, naglangib ang kaniyang balat (Job 7:5), naging karima-rimarim ang kaniyang hininga (Job 19:17), nalipos siya ng kirot, at nangitim at nabakbak ang kaniyang balat (Job 30:17, 30).
Si Haring Hezekias ng Juda ay tinubuan ng bukol at ‘nagkasakit at nasa bingit na ng kamatayan.’ Dahil sa mungkahi ni Isaias, isang kakaning pinatuyong igos na pinipi ang inilagay sa bukol bilang panapal, anupat pagkatapos nito ay unti-unting gumaling si Hezekias. (2Ha 20:1, 7; Isa 38:1, 21) Magkagayunman, gumaling siya hindi lamang dahil sa natural na panggagamot, kundi dahil sa pagpapagaling ni Jehova.—2Ha 20:5.