ALCAPARRA, BUNGA NG
[sa Heb., ʼavi·yoh·nahʹ; sa Ingles, caper berry].
Sa ilang salin ng Eclesiastes 12:5, ang terminong Hebreo na ʼavi·yoh·nahʹ ay isinalin bilang “pagnanasa” anupat ang teksto ay kababasahan ng ‘lipasan ng pagnanasa.’ (MB; tingnan din ang KJ; Ro.) Gayunman, yamang inilalarawan ng kabanatang ito ang mga kalagayan ng tao sa katandaan, ipinapalagay ng maraming makabagong salin (AT; JB; JP; NW; NC [Kastila]) na ang manunulat ng Eclesiastes ay gumamit dito ng metapora, gaya ng ginawa niya sa buong paglalarawan, at na ang ʼavi·yoh·nahʹ ay tumutukoy sa bunga ng alcaparra (na isang pampagana). Ang pangmalas na ito ay sinusuportahan ng mga saling Griegong Septuagint, Latin na Vulgate, Syriac na Peshitta, at mga saling Arabe.
Ang halamang alcaparra (Capparis spinosa) ay maaaring umabot sa taas na 1 m (3 piye) ngunit kadalasa’y gumagapang ito sa lupa tulad ng baging. Sagana ito sa Israel, anupat madalas ay tumutubo mula sa mga guwang ng mga bato o gumagapang sa mga pader o sa mga guho. Ang matitinik na sanga nito ay may biluhabang mga dahon na kulay matingkad na berde. Tuwing Mayo, ang halamang ito ay nagkakaroon ng malalaki at kulay puting bulaklak na may purpurang mga pilamento sa pinakagitna.—LARAWAN, Tomo 1, p. 543.
Di-tulad ng maliliit na buko ng halamang ito, hindi gaanong ginagamit ang mga bunga, o berry. Ang mga bungang ito ay ginagawang atsara at pampagana, at dahil dito kung kaya nakilala ang mga ito mula pa noong sinaunang mga panahon. Kaya naman waring sinasabi ng manunulat ng Eclesiastes na, kapag nawawalan na ng panlasa ang isang matandang lalaki at hindi na siya maganang kumain, ang kaniyang pagnanasang kumain ay hindi kayang gisingin kahit ng bunga ng alcaparra.