Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Bihasang Manggagawa”
  • Bihasang Manggagawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bihasang Manggagawa
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Karpintero
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pag-ukit
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Platero
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Demetrio
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Bihasang Manggagawa”

BIHASANG MANGGAGAWA

[sa Ingles, craftsman].

Isang taong may kasanayan sa isang manwal na trabaho o sining. Ang salitang Hebreo na cha·rasʹ ay pinakamalimit na isinasalin sa pamamagitan ng pangkalahatang termino na “bihasang manggagawa,” ngunit kapag lumilitaw itong kasama ng ilang partikular na materyal, ang parirala ay isinasalin nang mas espesipiko, halimbawa, “manggagawa sa kahoy at bakal” (Deu 27:15), “mga manggagawa sa kahoy at mga manggagawa sa bato” (2Sa 5:11), “mang-uukit ng bakal,” “mang-uukit ng kahoy” (Isa 44:12, 13), gayundin bilang “panday” (1Sa 13:19), at “mga manggagawa.” (Isa 45:16; sa Ingles, “manufacturers.”) Ang mga kadalubhasaang nasa ilalim ng katawagang “kasanayan sa paggawa” ay makikita pa sa paglalarawan kay Bezalel, na kasama ni Oholiab, ay isang manggagawa sa metal, mahahalagang bato, at kahoy at isang manghahabi at magtitina, anupat bihasa “sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa.”​—Exo 35:30-35; tingnan din ang 2Ha 12:11, 12.

Maraming kasanayan, gaya ng paggawa ng mga kasangkapan, pagkakarpintero, paggawa ng laryo, pag-iikid, paghahabi, pagkikinis ng tela, at paggawa ng mga kagamitang luwad at alahas, ang dati ay mga simpleng gawaing-bahay na ginagawa ng ordinaryong mga lalaki o mga babae. Gayunman, dahil sa pamimirmihan at pamumuhay nang magkakasama sa isang lugar, nagsimula ang pagpapakadalubhasa sa partikular na mga kasanayan. Bago pa man ang Baha, mayroon nang mga lalaking nakilala bilang mga dalubhasa at bihasang manggagawa. (Gen 4:21, 22) Noong 617 B.C.E., dinalang bihag ni Nabucodonosor sa Babilonya ang mga bihasang manggagawa kasama ang mga prinsipe at mga inhinyerong pangmilitar mula sa Jerusalem. (2Ha 24:14, 16; Jer 24:1; 29:2) Sa ilang nayon, ang mga bihasang manggagawa ng isang partikular na trabaho ay nanirahang magkakasama sa iisang seksiyon, kung saan nang maglaon ay bumuo sila ng mga samahan at nakilala dahil sa kanilang hanapbuhay at nagkaroon ng malaking impluwensiya sa mga gawain ng bayan. (Ne 3:8, 31, 32; 11:35; Jer 37:21; Gaw 19:24-41) Walang gaanong naingatang mga detalye hinggil sa kung paano isinagawa ng mga dalubhasa at bihasang manggagawang ito ang kanilang mga gawain, maliban sa akda at gawang-sining na nagmula sa Ehipto, na malinaw na naglalarawan at nagpapakita ng iba’t ibang bihasang manggagawa habang sila’y nagtatrabaho.

Dahil nilakipan ng pagbabawal sa idolatriya ang Kautusan ni Moises, naingatan ang mga Judio mula sa pangkaraniwang sining noon na paggawa ng mga pigurin at mga katulad nito bilang mga bagay na pinag-uukulan ng debosyon. (Exo 20:4; Deu 4:15-18; 27:15) Walang alinlangan naman, magkasabay na lumago sa mga bansang gaya ng Asirya at Babilonia ang pagsamba sa imahen at ang pag-unlad ng sining at pag-ukit. (Aw 115:2, 4-8; Isa 40:19, 20; 44:11-20; 46:1, 6, 7; Jer 10:2-5) Ang paggawa ng mga pilak na dambana ni Artemis ay naging hanapbuhay noon ni Demetrio at ng kaniyang kapuwa mga bihasang manggagawa (o, artisano; sa Gr., te·khniʹtai) sa Efeso.​—Gaw 19:24-27.

Para sa detalyadong pagtalakay sa iba’t ibang kasanayan, tingnan ang indibiduwal na mga paksang gaya ng KARPINTERO; LARYO; MAGPAPALAYOK; MANGUNGULTI; MASON; PAGBUBURDA; PAGHAHABI; PAG-IIKID; PAG-UKIT; PLATERO; at TINA, PAGTITINA.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share