SIMBALO
Noong panahon ng Bibliya, isa itong panugtog na pinupukpok o pinag-uumpog at nakakatulad ng makabagong mga simbalo; isinasaliw ito sa alpa, trumpeta, at iba pang mga panugtog. (2Sa 6:5; 1Cr 15:28; 2Cr 5:12, 13) Ang dalawang salitang Hebreo para sa simbalo (tsel·tselimʹ at metsil·taʹyim) ay nagmula sa salitang-ugat na tsa·lalʹ, nangangahulugang “mangilabot; manginig.” (1Sa 3:11; Hab 3:16) Ayon sa 1 Cronica 15:19, ang mga simbalong para sa templo ni Jehova ay yari sa tanso, ngunit bukod dito ay wala nang iba pang paglalarawan ang Kasulatan hinggil sa mga iyon. May nasumpungang isang pares ng simbalo sa isang sinaunang libingan ng mga Ehipsiyo, at maaaring kahawig ng mga ito ang mga simbalo sa Bibliya. Humigit-kumulang ay 14 na sentimetro (5.5 pulgada) ang diyametro ng mga ito anupat may mga hawakan sa gitna, at yari sa tanso na hinaluan ng kaunting pilak.
Ipinahihiwatig ng Awit 150:5 na maaaring mahigit sa isang uri ng simbalo ang kilala noon sa Israel. Ang unang paglitaw ng termino sa tekstong ito ay naglalarawan ng “mga simbalo na may malamyos na tunog,” samantalang ang ikalawang paglitaw ay tumutukoy sa “mga tumataguntong na simbalo.” Yamang ang bawat taludtod ng talata 3 at 4 ng awit na ito ay tumutukoy sa isa o mahigit pang iba’t ibang uri ng mga panugtog, posible na maging ang dalawang taludtod sa talata 5 ay tumutukoy una sa mas maliliit at tumataginting na mga simbalo at, ikalawa, sa mga simbalong mas malalaki ang diyametro anupat mas malakas at mas mababa ang tono kapag mapuwersang pinag-uumpog.
Ginamit ng apostol na si Pablo ang “isang tumataguntong na simbalo” bilang sagisag upang ilarawan ang kawalang-saysay ng pagsasalita ng isang tao ng mga wika, kung wala itong pag-ibig. (1Co 13:1) Gayunman, ang iba pang mga pagtukoy sa mga simbalo, bukod pa sa mga nabanggit na, ay may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. (1Cr 13:8; 16:5, 42; 25:1, 6; 2Cr 29:25; Ezr 3:10; Ne 12:27) Kapag may kaugnayan sa paglilingkod sa templo, mga sinanay na Levita ang mga manunugtog. (1Cr 16:4, 5, 42) Bagaman mas naniniwala ang ilang iskolar na ang simbalo ay isang panugtog na para lamang sa mga Levita o sa mga saserdote, maaaring ipinahihiwatig naman ng Awit 150:1, 5 na ginagamit din ito ng iba pang mga tao: “Purihin ninyo si Jah! . . . Purihin ninyo siya ng mga simbalo.”