LALAKING MAY SUNDANG, MGA
Ang ‘mga lalaking may sundang’ ay mga miyembro ng isang panatikong pulitikal na paksiyon ng mga Judio noong unang siglo C.E. Nagsagawa sila noon ng organisadong mga pagpatay udyok ng pulitika. Nang magkagulo ang mga Judio sa Jerusalem laban kay Pablo noong kaniyang huling pagdalaw roon, naghinala ang kumandante ng militar na si Claudio Lisias na si Pablo ang Ehipsiyo na nanulsol ng sedisyon at nagsama sa ilang ng 4,000 “lalaking may sundang.”—Gaw 21:30-38; 23:26, 27.
Ang pananalitang Griego na isinaling ‘mga lalaking may sundang’ ay literal na nangangahulugang “mga lalaki ng Sicarii.” Ang salitang Griego para sa “Sicarii” (si·kaʹri·oi) ay nagmula sa Latin na sicarii, na hinango naman sa sica (sundang).
Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, partikular na kapag may kapistahan, ang ‘mga lalaking may sundang,’ o Sicarii, ay nakikihalubilo sa mga pulutong sa Jerusalem nang may nakatagong mga sundang sa kanilang mga kasuutan at sinasaksak nila ang kanilang mga kaaway samantalang araw na araw. Pagkatapos, upang hindi sila mapaghinalaan, kunwari ay kasama sila sa mga nagagalit dahil sa gayong mga pagpatay. Sinabi pa ni Josephus na ang Sicarii ay nanguna sa paghihimagsik laban sa Roma. Noong 66 C.E., sa pangunguna ni Eleazar na anak ni Jairo, sinakop at minasaker ng isang pangkat ng Sicarii ang garison ng mga Romano sa Masada. Ipinagpatuloy ng pangkat na ito ng mga makabayang panatiko ang pagsalansang sa Roma hanggang noong 73 C.E. kung kailan winasak ang mga depensa ng Masada. Gayunman, hindi na kinailangang lusubin ng mga Romano ang mismong tanggulan. Upang hindi sila mabihag, sistematikong minasaker ng Sicarii ang 960 lalaki, babae, at bata sa isang lansakang pagpapatiwakal. Ang nakaligtas lamang ay dalawang babae at limang bata na nagtago sa isang yungib.