DURA, I
Ang kapatagan kung saan itinayo ni Nabucodonosor ang isang gintong imahen.—Dan 3:1.
Binabanggit sa Bibliya na ito’y nasa “nasasakupang distrito ng Babilonya,” anupat maliwanag na malapit ito sa lunsod na iyon. Dahil dito, bagaman maraming lugar ang iminumungkahi bilang lokasyon nito, ipinapalagay ng ilang iskolar sa ngayon na ito ay ang Tulul Dura, 10 km (6 na mi) sa TS ng Babilonya. Ang mga guho ng isang bunton ng pinatuyong laryo, may sukat na 14 na m (46 na piye) kuwadrado, ay natuklasan doon at ipinapalagay ng ilan na siyang pundasyon ng imahen ni Nabucodonosor. Gayunpaman, ang terminong Akkadiano na duru, nangangahulugang “sirkito,” “pader,” o “napapaderang lugar,” ay madalas na lumilitaw sa mga pangalan ng lugar sa Mesopotamia, kung kaya imposibleng matiyak ang lokasyon ng Dura sa ngayon.