EPAFRAS
[pinaikling Epafrodito].
Isang tapat na ministro ni Kristo na, sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita, nagpakilala sa mga taga-Colosas ng tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sa gayon ay malamang na nakatulong sa pagtatatag ng kongregasyon sa Colosas. Noong panahon ng unang pagkabilanggo ni Pablo, si Epafras ay pumaroon sa Roma, anupat may dalang isang nakapagpapatibay-loob na ulat may kinalaman sa pag-ibig at katatagan ng kongregasyon sa Colosas. (Col 1:4-8) Lumilitaw na nanatili siya sa Roma, kahit mga ilang panahon lamang, yamang inilakip ni Pablo, sa pagsulat ng kaniyang liham sa mga taga-Colosas, ang mga pagbati ni Epafras at tiniyak sa kanila na ang aliping ito ni Jesu-Kristo ay laging nagpupunyagi “alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin, upang sa wakas ay makatayo kayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.” Gaya ng pinatotohanan ni Pablo, ang minamahal na kapuwa aliping ito ay gumawa rin ng malaking pagsisikap alang-alang sa mga kapatid sa Laodicea at Hierapolis. (Col 4:12, 13) Gayundin naman, sa pagsulat kay Filemon, ipinaabot ni Pablo ang mga pagbati ni Epafras at tinukoy ito bilang “aking kapuwa bihag kaisa ni Kristo.” (Flm 23) Hindi dapat ipagkamali si Epafras kay Epafrodito na mula sa Filipos.