Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Esther”
  • Esther

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Esther
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Mardokeo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Aklat ng Bibliya Bilang 17—Esther
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Haman
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Esther, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Esther”

ESTHER

Isang ulilang dalagitang Judio mula sa tribo ni Benjamin na ang pangalang Hebreo ay Hadasa (nangangahulugang “Mirto”); isang inapo ng mga ipinatapon mula sa Jerusalem kasama ni Haring Jehoiakin (Jeconias) noong 617 B.C.E. (Es 2:5-7) Siya ay anak ni Abihail na tiyo ni Mardokeo. (Es 2:15) Ang tagapag-alaga niya ay ang kaniyang nakatatandang pinsan na si Mardokeo, isa sa “mga lingkod ng hari na nasa pintuang-daan ng hari” sa palasyo sa Susan noong panahon ng paghahari ng Persianong haring si Ahasuero (Jerjes I, noong ikalimang siglo B.C.E.). (Es 2:7; 3:2) Matapos patalsikin ni Ahasuero sa puwesto ang kaniyang reynang si Vasti dahil sa pagsuway, iniutos niyang tipunin ang lahat ng magagandang dalaga para sa isang yugto ng pantanging pagmamasahe at pangangalaga para sa pagpapaganda, upang ang hari ay makapili ng isa na papalit kay Vasti bilang reyna. Kabilang si Esther sa mga dinala sa bahay ng hari at ipinagkatiwala sa pangangalaga ni Hegai na tagapag-alaga sa mga babae. Dahil sa utos ni Mardokeo, inilihim niya na isa siyang Judio. (Es 2:8, 10) Si Esther ay napiling reyna noong ikapitong taon ng paghahari ni Ahasuero. (Es 2:16, 17) Sa buong panahong iyon, patuloy siyang nakipag-ugnayan kay Mardokeo, anupat sinusunod ang payo nito. Nagsalita siya sa hari sa pangalan ni Mardokeo nang matuklasan ni Mardokeo ang isang pakana laban sa hari.​—Es 2:20, 22.

Noong ika-12 taon ni Ahasuero, nagplano si Haman na Agagita, na noo’y punong ministro, na lipulin ang lahat ng mga Judio sa 127 nasasakupang distrito sa imperyo. Mula sa hari ay tumanggap siya ng awtorisasyon na magpalabas ng batas upang maipatupad ito. (Es 3:7-13) Bilang pagkilos kaayon ng impormasyon at payo ni Mardokeo, isiniwalat ni Esther sa hari ang balakyot na layon ng pakana ni Haman. Ang reaksiyon ni Haman ay nakaragdag sa pagngangalit ng hari, at si Haman ay ibinitin. (Es 4:7–7:10) Dahil sa kahilingan ni Esther, nagpalabas ang hari ng ikalawang batas na nagbibigay ng awtorisasyon sa mga Judio na makipaglaban alang-alang sa kanilang buhay sa araw na itinakda upang patayin sila. (Es 8:3-14) Dahil sa utos ng hari at sa takot nila kay Mardokeo, na siyang humalili kay Haman bilang punong ministro, tinulungan ng mga gobernador at mga opisyal ng imperyo ang mga Judio na magtamo ng lubusang tagumpay sa mga kaaway ng mga ito. (Es 9) Ang mga tagubilin ni Mardokeo, na pinagtibay ni Esther, ay nag-utos sa mga Judio na ipagdiwang taun-taon ang Kapistahan ng Purim, isang kaugaliang sinusunod hanggang sa araw na ito.​—Es 9:20, 21, 29.

Bagaman hindi binabanggit ng aklat ng Esther ang pangalan ng Diyos, maliwanag mula sa mga ikinilos nina Mardokeo at Esther na sila ay kapuwa tapat na mga lingkod ng tunay na Diyos na si Jehova. Ipinamalas ni Esther ang mga katangian ng isa na nagtitiwala sa kautusan ng Diyos. Siya ay “may magandang tindig at kahali-halinang anyo” (Es 2:7), ngunit ang higit na mahalaga ay nagpamalas siya ng kagayakan ng “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.” (1Pe 3:4) Sa gayon ay nagtamo siya ng lingap sa harap ni Hegai, ang tagapag-alaga sa mga babae, at gayundin sa harap mismo ng hari. Ang mapagparangyang kagayakan ay hindi niya itinuring na mahalaga kung kaya naman “hindi siya humiling ng anuman maliban sa binanggit ni Hegai.” (Es 2:15) Nagpakita siya ng malaking pag-iingat at pagpipigil sa sarili. Naging mapagpasakop siya sa kaniyang asawang si Ahasuero, anupat lumapit siya rito sa isang mataktika at magalang na paraan nang manganib ang kaniyang buhay at ang buhay ng kaniyang bayan. Nanatili siyang tahimik nang matalinong gawin ang gayon ngunit nagsalita siya nang may tapang at walang takot nang kinailangan iyon, at sa tamang panahon. (Es 2:10; 7:3-6) Tumanggap siya ng payo mula sa kaniyang may-gulang na pinsang si Mardokeo, bagaman ang pagsunod doon ay nagsapanganib sa kaniyang buhay. (Es 4:12-16) Ang kaniyang pag-ibig at pagkamatapat sa kaniyang bayan, ang mga Judio, na katipang bayan din naman ng Diyos, ay naipakita nang kumilos siya alang-alang sa kanila.​—Tingnan ang MARDOKEO Blg. 2.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share