BUKAL NG MALAKING AHAS
Ang pananalitang Hebreo nito ay may diwa na isang bukal, o balon ng isang dambuhalang hayop sa lupa o sa dagat, at isinasalin ito sa iba’t ibang paraan bilang: “balon ng dragon” (KJ, Le); “Balon ng Serpiyente” (AT); “ahas-bukal” (Ro); “Bukal ng Malaking Ahas” (NW). Gayunman, “Bukal ng mga Puno ng Igos” ang mababasa sa Griegong Septuagint.
Ang bukal na ito ng tubig ay nasa rutang dinaanan ni Nehemias noong una niyang siyasatin ang gibang mga pader ng Jerusalem. (Ne 2:12, 13) Yamang ang pangalang ito’y hindi na muling matatagpuan sa iba pang bahagi ng Kasulatan, malamang na ang bukal o balon na ito, kung tinukoy man sa ibang talata, ay lumilitaw sa ibang katawagan. Karaniwang iminumungkahi ang En-rogel bilang isa pang pangalan nito. Maaaring ganito nga, sapagkat bagaman ang En-rogel ay malayo at nasa ibaba ng Libis ng Kidron, ang binabanggit lamang ng ulat ay dumaan si Nehemias “sa harap ng Bukal.” Maaaring ito’y nangangahulugang sa may sulok ng pader na nakaharap sa En-rogel at abot-tanaw ngunit may kalayuan mula sa bukal.—Tingnan ang EN-ROGEL.