GABRIEL
[Isa na Matipuno ng Diyos].
Ang tanging banal na anghel, maliban kay Miguel, na ang pangalan ay binanggit sa Bibliya. Sa mga anghel na nagkatawang-tao, siya lamang ang nagsiwalat ng kaniyang pangalan. Makalawang ulit na nagpakita si Gabriel kay Daniel. Una, malapit sa Ilog Ulai “nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsasar” upang ipaliwanag ang pangitain ni Daniel tungkol sa kambing na lalaki at sa barakong tupa. (Dan 8:1, 15-26) Ikalawa, “nang unang taon ni Dario” na Medo, upang ihatid ang hula hinggil sa “pitumpung sanlinggo.” (Dan 9:1, 20-27) Dinala ni Gabriel kay Zacarias na saserdote ang mabuting balita na si Zacarias at ang matanda nang asawa nito na si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, si Juan (na Tagapagbautismo). (Luc 1:11-20) Ipinahayag naman niya kay Maria, ang dalagang nakatakdang ikasal kay Jose, ang ganito: “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.” Pagkatapos ay sinabi niya kay Maria na ito’y magsisilang ng isang anak na lalaki, si Jesus, na “tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, . . . at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”—Luc 1:26-38.
Mula sa rekord ng Bibliya, matututuhan natin na si Gabriel ay isang anghelikong nilalang na mataas ang ranggo at may malapit na kaugnayan sa makalangit na korte, isa na “tumatayong malapit sa harap ng Diyos.” Siya’y “isinugo” ng Diyos upang maghatid ng pantanging mga mensahe sa mga lingkod ni Jehova dito sa lupa. (Luc 1:19, 26) Kaayon ng kahulugan ng kaniyang pangalan, ang hitsura niya sa pangitain noong siya’y magkatawang-tao ay “gaya ng isang matipunong lalaki.”—Dan 8:15.