GERSONITA, MGA
[Ni (Kay) Gerson].
Ang mga inapo ni Gerson o Gersom (na unang binanggit sa tatlong anak ni Levi) sa pamamagitan ng kaniyang dalawang anak na sina Libni at Simei. (1Cr 6:1, 16, 17) Ang mga Gersonita ay isa sa tatlong malalaking pangkat ng mga Levita. Noong unang sensus sa ilang, ang bilang nila ay 7,500 lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas. Yaong mula 30 hanggang 50 taóng gulang na naglilingkod sa tabernakulo ay may bilang na 2,630 lalaki. (Bil 3:21, 22; 4:38-41) Kabilang sa paglilingkod ng mga Gersonita sa ilang ang pangangalaga sa tabernakulo (tolda ng kapisanan), iba’t ibang mga pantakip nito, pantabing ng pasukan ng tabernakulo, mga tabing ng looban, pantabing ng pasukan ng looban, at mga pantoldang panali. (Bil 3:23-26; 4:21-28; Exo 26:1, 7, 14, 36; 27:9, 16) Sa ilang, sila ay nagkakampo sa K panig ng tabernakulo. Sa likuran nila, may kalayuan sa tabernakulo, ay nagkakampo naman ang tatlong-tribong pangkat ng Efraim. (Bil 3:23; 2:18) Nang maghandog ang mga pinuno ng Israel ng 6 na karwaheng may takip at 12 toro para sa paglilingkod sa tabernakulo, ibinigay ni Moises ang 2 karwahe at 4 na toro sa mga anak ni Gerson. (Bil 7:1-7) Kapag lumilipat ng kampo ang Israel, ang mga Gersonita ay humahayong kasama ng mga Merarita at nasa pagitan ng tatlong-tribong pangkat ng Juda na nasa unahan at ng tatlong-tribong pangkat ng Ruben.—Bil 10:14-20.
Ang mga Gersonita ay tinakdaan ng 13 lunsod na may mga pastulan sa mga teritoryo ng Manases, Isacar, Aser, at Neptali. Ang Kedes, sa Galilea, at ang Golan, sa Basan, na itinakda sa kanila, ay dalawa sa anim na kanlungang lunsod ng bansa. (Jos 21:27-33) Nang muling organisahin ni David ang mga Levita, ibinigay sa ilang Gersonita ang mga tungkuling may kaugnayan sa pag-awit at sa ingatang-yaman. (1Cr 6:31, 32, 39-43; 23:4-11; 26:21, 22) Noong mga araw ni Haring Hezekias, kabilang ang mga Gersonita sa mga Levitang nakibahagi sa paglilinis ng templo.—2Cr 29:12-17.