LOLO’T LOLA, MGA
Mga magulang ng ama at/o ina. Ang terminong “mga lolo’t lola,” gayundin ang “lolo” at “lola,” ay bihirang matagpuan sa mga salin ng Bibliya. Ang “lola” sa 1 Hari 15:10, 13 ay isinalin mula sa salitang Hebreo para sa “ina” at angkop lamang na isalin bilang “lola” sapagkat si Maaca ay lola ni Asa at hindi niya ina. (1Ha 15:1, 2, 8) Lumilitaw na si Maaca ay nagpatuloy bilang inang reyna noong panahon ng paghahari ni Asa hanggang noong alisin siya dahil sa kaniyang idolatriya. (1Ha 15:13) Sa katulad na paraan, may mga pagkakataon na ang “ama” ay tumutukoy sa isang lolo o ninuno. (Gen 28:13; 2Sa 9:7) Ang mga lolo’t lola ay tinutukoy rin ng mga pananalitang gaya ng “ama ng iyong ina” at ‘ama ng ina.’—Gen 28:2; Huk 9:1.
Sinabi ng apostol na ang “mga anak o mga apo” ay dapat na “patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola [sa Gr., pro·goʹnois].” (1Ti 5:4) Ang isa pang anyo ng gayunding salita (pro·goʹnon) ay isinasalin naman bilang “mga ninuno” sa 2 Timoteo 1:3. Ang lola (sa Gr., mamʹme) ni Timoteo na si Loida ay pinapurihan dahil sa mayroon itong ‘pananampalatayang walang pagpapaimbabaw,’ at lumilitaw na nakatulong siya upang sumulong ang pananampalataya at espirituwal na paglaki ni Timoteo.—2Ti 1:5; 3:14, 15.