HANA
[Lingap, Kagandahang-loob].
Ina ng propetang si Samuel. Si Hana, kasama ng kaniyang asawang Levita na si Elkana at ng isa pang asawa nito na si Penina, ay nakatira sa Ramataim-zopim sa bulubunduking pook ng Efraim. Sa kabila ng matagal na pagkabaog ni Hana, na kabaligtaran ng pagsisilang ni Penina ng ilang anak, si Hana pa rin ang mas mahal ni Elkana. Tinutuya ni Penina si Hana dahil sa pagkabaog nito, lalo na kapag isinasama ni Elkana ang kaniyang pamilya sa kanilang taunang pagpunta sa tabernakulo sa Shilo.—1Sa 1:1-8.
Sa isang pagdalaw sa Shilo, nanata si Hana kay Jehova na kung magsisilang siya ng isang anak na lalaki, ibibigay niya ito kay Jehova upang maglingkod sa Kaniya. Nang makita ng mataas na saserdoteng si Eli na gumagalaw ang mga labi ni Hana habang tahimik itong nananalangin, naghinala siya na nagpakalabis ito sa pag-inom ng alak at lasing. Ngunit nang mabatid niya ang kasigasigan at kataimtiman ni Hana, sinabi niyang ipagkaloob nawa ng Diyos na Jehova ang kaniyang pakiusap. Hindi nga nagtagal at nagdalang-tao si Hana. Pagkasilang kay Samuel, hindi na siya pumaroong muli sa Shilo hanggang sa maawat sa suso si Samuel. Pagkatapos ay dinala niya ito kay Jehova gaya ng kaniyang ipinangako, at nagdala rin siya ng handog na isang tatlong-taóng-gulang na toro, isang epa ng harina, at isang malaking banga ng alak. (1Sa 1:9-28) Mula noon, sa bawat taon, kapag pumaparoon siya sa Shilo, nagdadala si Hana ng isang bagong damit na walang manggas para sa kaniyang anak. Muli siyang pinagpala ni Eli, at muling binuksan ni Jehova ang kaniyang bahay-bata kung kaya nang maglaon ay nagsilang siya ng tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae.—1Sa 2:18-21.
Maraming mabubuting katangian ang ipinakita ni Hana. Siya ay mapanalanginin at mapagpakumbaba, at nais niyang paluguran ang kaniyang asawa. Taun-taon ay sumasama siya rito upang maghain sa tabernakulo. Siya mismo ay gumawa ng malaking pagsasakripisyo, anupat tiniis na hindi makapiling ang anak niya upang tuparin ang kaniyang salita at ipakita ang pagpapahalaga niya sa kabaitan ni Jehova. Patuloy siyang nagpamalas ng pagmamahal bilang ina, gaya ng ipinakikita ng paggawa niya ng isang bagong damit para kay Samuel taun-taon. Ang mga kaisipang ipinahayag niya sa kaniyang awit ng pasasalamat, nang dalhin nila ni Elkana si Samuel sa templo upang maglingkod doon, ay kahawig na kahawig ng damdaming ipinahayag ni Maria di-kalaunan matapos nitong malaman na siya ang magiging ina ng Mesiyas.—Luc 1:46-55.