HOSEA
[pinaikling anyo ng Hosaias].
1. Isa sa 12 na isinugo ni Moises upang tiktikan ang Lupang Pangako noong 1512 B.C.E.; anak ni Nun na mula sa tribo ni Efraim. Ngunit mas pinili ni Moises na tawagin itong Jehosua, nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” (Bil 13:8, 16) Sa Griego, ang katumbas ng pangalang ito sa Septuagint ay binabasa na I·e·sousʹ (Jesus). Bilang kahalili ni Moises, karaniwan siyang tinatawag sa pinaikling anyong Hebreo na “Josue.”—Jos 1:1.
2. Ang prinsipe sa tribo ni Efraim noong panahon ng paghahari ni David; anak ni Azazias.—1Cr 27:20, 22.
3. Ang baybay sa Hebreo ng Oseas, isang propeta ni Jehova, na nabuhay mula noong ikasiyam hanggang ikawalong siglo B.C.E. noong panahon ng mga paghahari ng mga hari ng Juda na sina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias.—Os 1:1; tingnan ang OSEAS.
4. Huling hari ng hilagang kaharian ng Israel, na sumapit sa kawakasan nito noong 740 B.C.E.; anak ni Elah. Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova, gayunma’y hindi sa antas na kasinsama ng ginawa ng kaniyang mga hinalinhan. (2Ha 17:1, 2) Walang karapatan si Hosea na manahin ang trono, ni tumanggap man siya ng pantanging pagpapahid mula sa Diyos upang maging hari. Sa halip, naagaw niya ang trono dahil sa pakikipagsabuwatan laban kay Haring Peka at sa pagpaslang dito. Sinasabi sa 2 Hari 15:30 na pinatay ni Hosea si Peka at “nagsimula siyang maghari bilang kahalili niya nang ikadalawampung taon ni Jotam.” Yamang 16 na taon lamang ang itinuturing na ipinaghari ng Judeanong si Haring Jotam (2Ha 15:32, 33; 2Cr 27:1, 8), maaaring tumutukoy ito sa ika-20 taon mula nang maghari si Jotam, na siya namang ikaapat na taon ng paghahari ng kahalili ni Jotam na si Ahaz.—Tingnan ang JOTAM Blg. 3.
Gayunman, lumilitaw na si Hosea ay hindi lubusang kinilala bilang hari ng Israel kundi pagkalipas pa ng ilang panahon. Sinasabi ng 2 Hari 17:1 na, noong ika-12 taon ni Ahaz, si Hosea “ay naging hari ng Israel sa Samaria sa loob ng siyam na taon.” Kaya maaaring noong panahong iyon ay lubusan nang nakontrol ni Hosea ang Israel mula sa Samaria. Malamang na nakatulong sa kaniya noon ang suporta ng Asirya, sapagkat inaangkin ng mga rekord ng Asiryanong si Haring Tiglat-pileser III na iniluklok niya sa trono si Hosea.—Tingnan ang tsart na “Tampok na mga Petsa Noong Kapanahunan ng mga Hari ng Juda at ng Israel” sa artikulong KRONOLOHIYA.
Pinilit ni Salmaneser V, kahalili ni Tiglat-pileser III, na magbayad ng tributo si Hosea, ngunit di-nagtagal ay nagsugo ng mga mensahero si Hosea kay So na hari ng Ehipto upang hingan ito ng tulong, at pagkatapos ay itinigil niya ang pagbabayad ng tributo sa mga Asiryano. Nang malaman ni Salmaneser V ang lihim na sabuwatang ito, inilagay niya si Hosea sa bahay-kulungan at kinubkob ang Samaria. Noong 740 B.C.E., pagkatapos ng tatlong-taóng pagkubkob, bumagsak ang lunsod, dinala sa pagkatapon ang mga tumatahan doon, at sumapit sa kawakasan nito ang sampung-tribong kaharian ng Israel.—2Ha 17:3-6.
5. Isa sa mga ulo ng bayan na ang inapo, kung hindi man siya mismo, ay sumang-ayon sa panukala ng mga Levita ukol sa isang mapagkakatiwalaang kaayusan noong panahon ni Nehemias.—Ne 9:5, 38; 10:1, 14, 23.