HIMENEO
[ipinangalan kay Himen, ang Griegong diyos ng pag-aasawa].
Isang nag-apostata mula sa Kristiyanismo noong unang siglo, ipinakilala ni Pablo si Himeneo bilang isang mamumusong, punô ng “walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal.” Sa paglihis niya mula sa katotohanan, si Himeneo, kasama ang isang Fileto, ay nagturo ng huwad na doktrina, anupat iginupo ang pananampalataya ng ilan. Ang isa sa kanilang mga bulaang turo ay na “ang pagkabuhay-muli ay nangyari na” noong kanilang mga araw. Lumilitaw na ito ang kanilang turo: na ang pagkabuhay-muli ay sa espirituwal na diwa lamang, isang uring makasagisag, at na tapos na ang pagkabuhay-muli ng nakaalay na mga Kristiyano, na ito lamang ang nasasangkot sa bagay na iyon at wala nang iba pang pagkabuhay-muli sa hinaharap sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos.—2Ti 2:16-18; ihambing ang 1Co 15:12-23.
Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, ang pangalan ni Himeneo ay iniugnay sa isa pang apostata, si Alejandro. Sinabi ng apostol na ibinigay niya sina Himeneo at Alejandro “kay Satanas,” maliwanag na tumutukoy sa pagtitiwalag ni Pablo sa kanila mula sa kongregasyon.—1Ti 1:18-20.