LAODICEA, MGA TAGA-LAODICEA
Isang lunsod sa kanluraning bahagi ng Asia Minor, ang mga guho nito ay malapit sa Denizli, mga 150 km (90 mi) sa S ng Efeso. Nakilala ito noong una bilang Diospolis at Rhoas ngunit maliwanag na muli itong itinayo noong ikatlong siglo B.C.E. ng Seleucidong tagapamahala na si Antiochus II at ipinangalan sa asawa niyang si Laodice. Palibhasa’y nasa matabang libis ng Ilog Lycus, ang Laodicea ay nasa pinagsasalubungan ng pangunahing mga ruta ng kalakalan at iniuugnay ito ng mga daan sa mga lunsod na gaya ng Efeso, Pergamo, at Filadelfia.
Ang Laodicea ay nagtamasa ng malaking kasaganaan bilang isang lunsod na may mga pagawaan at bilang isang sentro ng pagbabangko. Mahihiwatigan ang malaking kayamanan ng lunsod mula sa bagay na noong dumanas ito ng malaking pinsala dahil sa lindol noong naghahari si Nero, muli itong nakapagtayo nang hindi tumatanggap ng anumang pinansiyal na tulong mula sa Roma. (Annals ni Tacitus, XIV, XXVII) Ang makintab at maitim na lana ng Laodicea at ang mga kasuutang yari sa mga ito ay kilalang-kilala noon. Bilang sentro ng isang bantog na paaralan sa medisina, malamang na ang lunsod ding ito ang gumawa ng gamot sa mata na kilala bilang pulbos ng Frigia. Ang isa sa mga pangunahing bathala na pinapakundanganan sa Laodicea ay si Asclepius, isang diyos ng medisina.
May malaking disbentaha ang lunsod na ito. Di-tulad ng karatig na lunsod ng Hierapolis na may maiinit na bukal na bantog sa mga katangian nitong nakapagpapagaling, at ng Colosas na mayroon namang nakarerepreskong malamig na tubig, ang Laodicea ay walang permanenteng suplay ng tubig. Mula sa malayu-layong distansiya, ang tubig ay kinailangang paraanin sa lagusan patungong Laodicea at malamang na malahininga na pagdating sa lunsod. Sa panimulang bahagi ng distansiyang ito, ang tubig ay pinadadaloy sa pamamagitan ng isang paagusan at pagkatapos, mas malapit sa lunsod, ay pinadaraan sa kubikong mga bloke ng bato na binutasan sa gitna at sinemento.
Waring may malaking bilang ng mga Judio sa Laodicea. Ayon sa isang liham mula sa mga mahistrado ng Laodicea (na sinipi ni Josephus), ang mga Judio, bilang pagsunod sa utos ni Gaius Rabirius, ay pinahintulutang mangilin ng kanilang mga Sabbath at iba pang sagradong mga ritwal. (Jewish Antiquities, XIV, 241-243 [x, 20]) Sa paanuman ang ilan sa mga Judio ay talagang mayayaman. Ito ang mahihinuha mula sa bagay na, noong iutos ni Gobernador Flaccus na kumpiskahin ang taunang mga abuloy na para sana sa templo sa Jerusalem, ang halagang iniulat ay mahigit sa 20 libra ng ginto.
Noong unang siglo C.E., nagkaroon ng isang kongregasyong Kristiyano sa Laodicea at lumilitaw na nagtitipon ito sa tahanan ni Nimfa, isang Kristiyanong kapatid na babae roon. Walang alinlangan na nakatulong ang mga pagsisikap ni Epafras sa pagtatatag ng kongregasyong iyon. (Col 4:12, 13, 15) Gayundin, malamang na ang mga epekto ng gawain ni Pablo sa Efeso ay nakaabot hanggang sa Laodicea. (Gaw 19:10) Gayunpaman, bagaman hindi siya personal na nagmiministeryo roon, nababahala si Pablo para sa kongregasyon ng Laodicea at sumulat pa nga siya ng isang liham sa kanila. (Col 2:1; 4:16) Ngunit naniniwala ang ilang iskolar na ang liham ni Pablo ay kopya lamang niyaong ipinadala niya sa Efeso. Sabihin pa, iyan ay isang teoriya lamang, isang pagsisikap upang maipaliwanag kung bakit sa Bibliya ay walang liham mula kay Pablo para sa mga taga-Laodicea, bagaman sumulat si Pablo sa kanila. Maaaring ang liham sa Laodicea ay naglaman ng impormasyon na hindi natin kailangan ngayon, o maaaring inulit lamang nito ang mga punto na tinalakay na nang husto sa iba pang kanonikal na mga liham.
Ang kongregasyon sa Laodicea ay isa sa pitong kongregasyon sa Asia Minor na pinatungkulan ng niluwalhating si Jesu-Kristo, sa isang pagsisiwalat kay Juan, ng personal na mga mensahe. (Apo 1:11) Noong panahong iyon, sa pagtatapos ng unang siglo C.E., walang gaanong maibibigay na komendasyon sa kongregasyon ng Laodicea. Bagaman mayaman ito sa materyal, dukha naman ito sa espirituwal. Sa halip na literal na ginto na ginagamit ng mga bangkero ng Laodicea, sa halip na mga kasuutang yari sa makintab at maitim na lana na gawa roon, sa halip na gamot sa mata na walang alinlangang ginawa ng mga manggagamot ng Laodicea, sa halip na kumukulo sa init at nakagagamot na tubig mula sa mga bukal ng karatig na Hierapolis, ang kongregasyon ng Laodicea ay nangangailangan ng ganitong mga bagay sa espirituwal na diwa. Nangangailangan ito ng “gintong dinalisay ng apoy” upang mapagyaman ang personalidad nito (ihambing ang 1Co 3:10-14; 1Pe 1:6, 7), puting panlabas na mga kasuutan upang mabigyan ito ng di-madurustang Kristiyanong kaanyuan na walang di-maka-Kristiyanong katangian na kahiya-hiyang tulad ng pisikal na kahubaran. (Ihambing ang Apo 16:15; 19:8.) Kinailangan itong mapahiran ng espirituwal na “pamahid sa mata” upang maalis ang pagkabulag nito sa katotohanan ng Bibliya at sa mga pananagutang Kristiyano. (Ihambing ang Isa 29:18; 2Pe 1:5-10; 1Ju 2:11.) Makabibili ito ng mga bagay na ito mula kay Kristo Jesus, ang isa na kumakatok sa pinto, kung magiliw nitong papapasukin at aasikasuhin si Jesus. (Ihambing ang Isa 55:1, 2.) Kinailangan nitong maging nakapagpapasigla sa init (ihambing ang Aw 69:9; 2Co 9:2; Tit 2:14) o nakapagpapaginhawa sa lamig (ihambing ang Kaw 25:13, 25), ngunit huwag manatiling malahininga.—Apo 3:14-22.