Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Mepiboset”
  • Mepiboset

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mepiboset
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Pakiramdam Mo ba’y Hindi Ka Tanggap ng Iba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ziba
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Ang Tapat na Pag-ibig ni David
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2022
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Mepiboset”

MEPIBOSET

1. Isa sa dalawang anak ni Haring Saul kay Rizpa na anak na babae ni Aias. (2Sa 21:8) Kabilang siya sa pitong inapo ni Saul na ibinigay ni David sa mga Gibeonita upang magbayad-sala sa pagtatangka ni Saul na lipulin sila. (Tingnan ang GIBEON, MGA GIBEONITA.) Inilantad ng mga Gibeonita si Mepiboset at ang anim pang miyembro ng sambahayan ni Saul “sa bundok sa harap ni Jehova,” matapos patayin ang mga ito “nang mga unang araw ng pag-aani, sa pasimula ng pag-aani ng sebada.” (Ihambing ang Bil 25:4.) Gayunman, kumilos si Rizpa upang hindi lapitan ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga ito, at nang maglaon ay iniutos ni David na tipunin ang mga buto ng mga ito at ilibing na kasama niyaong kina Saul at Jonatan sa dakong libingan ni Kis.​—2Sa 21:1-14.

2. Anak ni Jonatan; apo ni Haring Saul. Nang dumating ang ulat mula sa Jezreel tungkol sa pagkamatay nina Saul at Jonatan, takót na takót na tumakas ang yaya ni Mepiboset buhat ang limang-taóng gulang na bata. Noong pagkakataong iyon, ang bata ay “nahulog at napilay” ang dalawang paa. (2Sa 4:4) Sa loob ng ilang taon pagkatapos nito, si Mepiboset ay nanirahan sa bahay ni Makir na anak ni Amiel sa Lo-debar. Nalaman ito ni David mula kay Ziba, isang dating lingkod sa sambahayan ni Saul. Tiyak na dahil naalaala niya ang kaniyang tipan kay Jonatan (1Sa 20:12-17, 42), nais ni David na magpakita ng maibiging-kabaitan sa sinumang “natitira sa sambahayan ni Saul.” Dinala si Mepiboset sa harap ni David, at nang ipaliwanag ng hari na nais niyang magpakita ng maibiging-kabaitan kay Mepiboset kung kaya isasauli niya rito ang “lahat ng bukid ni Saul” at inaanyayahan niya ito na ‘palagiang kumain ng tinapay sa aking mesa,’ mapagpakumbabang tumugon si Mepiboset: “Ano ang iyong lingkod, anupat ibinaling mo ang iyong mukha sa asong patay na gaya ko?” Gayunman, kaayon ng kagustuhan ni David, si Ziba at ang lahat ng tumatahan sa kaniyang bahay (kabilang ang 15 anak at 20 lingkod) ay naging mga lingkod ni Mepiboset, na siyang binigyan ng ari-arian ni Saul. Pagkatapos ay nanirahan siya sa Jerusalem at palagiang kumain sa mesa ng hari.​—2Sa 9.

Nang tumakas si David mula sa Jerusalem dahil sa sabuwatang binuo ni Absalom, sinalubong siya ni Ziba, na naglaan sa kaniya ng mga panustos. Nang itanong ni David kay Ziba kung nasaan si Mepiboset, sumagot ito: “Doon siya nananahanan sa Jerusalem; sapagkat sinabi niya: ‘Ngayon ay isasauli sa akin ng sambahayan ng Israel ang maharlikang pamamahala ng aking ama.’⁠” Dahil dito ay sinabi ng hari kay Ziba: “Narito! Sa iyo na ang lahat ng pag-aari ni Mepiboset.” (2Sa 16:1-4) Pagbalik ni David sa Jerusalem, sinalubong ni Mepiboset ang hari, anupat sinasabi ng ulat na “hindi niya inasikaso ang kaniyang mga paa ni inasikaso man niya ang kaniyang bigote ni nilabhan man niya ang kaniyang mga kasuutan mula nang araw na umalis ang hari hanggang sa araw na dumating siyang payapa.” Nang itanong ni David kung bakit hindi sumama sa kaniya si Mepiboset, ipinaliwanag ni Mepiboset na dinaya siya ng kaniyang lingkod at sinabi pa: “Sa gayon ay siniraang-puri niya ang iyong lingkod sa panginoon kong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng tunay na Diyos” (samakatuwid nga, makikita niya ang katotohanan tungkol sa bagay na ito). Maliwanag na nakita ni David ang kawalang-sala ni Mepiboset, kung kaya binago niya ang una niyang utos at sinabi: “Ikaw at si Ziba ay dapat maghati sa bukid.” Tumugon si Mepiboset: “Kunin niya kahit pa ang kabuuan, ngayong ang panginoon kong hari ay nakarating na nang payapa sa kaniyang bahay.”​—2Sa 19:24-30; ihambing ang Kaw 18:17; 25:8-10.

Nang hingin ng mga Gibeonita ang kamatayan ng mga inapo ni Saul bilang pambayad-sala sa pagtatangka ng haring iyon na lipulin sila, nahabag si David kay Mepiboset dahil sa sumpa kay Jehova sa pagitan nina David at Jonatan kung kaya pinaligtas niya si Mepiboset. (2Sa 21:7, 8) Wala nang iba pang sinabi ang Kasulatan tungkol kay Mepiboset, bagaman patuloy na nabuhay ang pamilya ni Saul hanggang sa isang mas huling salinlahi sa pamamagitan ng anak ni Mepiboset na si Mica (Mikas). (2Sa 9:12; 1Cr 9:39-44) Maliwanag na si Mepiboset ay may isa pang pangalan, Merib-baal, gaya ng ipinahihiwatig ng 1 Cronica 8:34 at 9:40.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share