MICAIAS
[Sino ang Tulad ni Jehova?].
1. Asawa ni Haring Rehoboam, anak ni Uriel ng Gibeah, at ina ni Haring Abias ng Juda. Tinatawag din siyang “Maaca.”—2Cr 11:18, 20; 13:1, 2.
2. Anak ni Imla at isang propeta ni Jehova sa hilagang kaharian ng Israel noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab. (1Ha 22:8) Habang dinadalaw ni Haring Jehosapat ng Juda si Ahab, inanyayahan siya ng Israelitang hari na sumama sa isang kampanyang pangmilitar laban sa mga Siryano upang matamong muli ang pagmamay-ari sa Ramot-gilead. Tinanggap ito ni Jehosapat pero hiniling niya na sumangguni sa salita ni Jehova. Kaya ipinatawag ni Ahab ang 400 propeta at tinanong sila: “Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead sa digmaan, o magpipigil ba ako?” Sumagot sila nang positibo, na sinasabing ibibigay ni Jehova ang lunsod sa kamay ng hari. Gayunman, nais ni Jehosapat ng higit pang katiyakan, kaya atubiling ipinatawag ni Ahab si Micaias, ang propeta na laging humuhula ng masama para sa kaniya. Hinimok ng ipinadalang mensahero si Micaias na magsalita kay Ahab ng mga salitang tulad ng sa isa sa iba pang mga propeta. Noong una ay gayon ang ginawa ni Micaias, ngunit pinanumpa siya ni Ahab na salitain ang “katotohanan sa pangalan ni Jehova.” Dahil dito, sinabi ni Micaias: “Nakikita ko nga ang lahat ng mga Israelita na nangangalat sa ibabaw ng mga bundok, tulad ng mga tupang walang pastol.”—1Ha 22:1-17; 2Cr 18:1-16.
Pagkatapos ay sinimulang ilahad ni Micaias ang kaniyang pangitain tungkol kay Jehova na nakaupo sa Kaniyang makalangit na trono at nagtatanong sa nagkakatipong mga espiritung nilalang: “Sino ang lilinlang kay Ahab, upang siya ay umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?” Isa sa mga espiritu ang nagboluntaryong yumaon at maging “isang espiritung mapanlinlang” sa bibig ng lahat ng propeta ni Ahab. Tumugon si Jehova: “Lilinlangin mo siya, at, higit pa riyan, ikaw ang magwawagi. Lumabas ka at gayon ang gawin mo.” Pagkatapos ay sinabi ni Micaias kay Ahab na naglagay ang Diyos ng isang espiritung mapanlinlang sa bibig ng lahat ng propeta nito, “ngunit si Jehova mismo ay nagsalita ng kapahamakan tungkol sa iyo.” Dahil doon ay sinampal ng bulaang propetang si Zedekias si Micaias sa pisngi at may-panlilibak na tinanong: “Alin bang daan ang dinaanan ng espiritu ni Jehova mula sa akin upang makipag-usap sa iyo?” May-katapangang tumugon si Micaias: “Narito! Makikita mo kung aling daan sa araw na iyon kapag papasok ka sa kaloob-loobang silid upang magtago.” Pagkatapos ay iniutos ni Ahab na ilagay si Micaias sa bahay-kulungan, kung saan ang propeta ay pakakainin ng binawasang mga tustos ng tinapay at tubig hanggang sa dumating ang hari nang payapa. Gayunman, hindi na nakabalik si Ahab, dahil noong panahon ng pagbabaka sa Ramot-gilead, “may isang lalaking naghutok ng busog sa pagbabakasakali,” anupat tumama ang palaso sa Israelitang hari, at sa kalaunan ay namatay ito. Ang huling mga salita ni Micaias kay Ahab ay: “Kung babalik ka man nang payapa, si Jehova ay hindi nagsalita sa akin.” Ang kamatayan ng hari ay nagpatunay na si Micaias ay talaga ngang propeta ni Jehova.—1Ha 22:18-37; 2Cr 18:17-34.
3. Isa sa mga prinsipeng isinugo ni Haring Jehosapat sa buong Juda bilang mga guro, kasama ng mga Levita at mga saserdote. Taglay nila “ang aklat ng kautusan ni Jehova” habang tinuturuan nila ang mga tao sa lahat ng mga lunsod ng Juda.—2Cr 17:7-9.
4. Ama ng Acbor (Abdon) na isinugo, kasama ng iba pa, ni Haring Josias upang sumangguni kay Jehova may kinalaman sa mga salita ng kasusumpong na aklat ng Kautusan. Tinatawag din siyang Mikas.—2Ha 22:12, 13; 2Cr 34:20, 21.
5. “Anak ni Gemarias na anak ni Sapan.” Naroroon siya sa silid-kainan ng kaniyang ama, si Gemarias, nang basahin ni Baruc sa madla ang balumbong naglalaman ng mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias laban sa Israel, sa Juda, at sa lahat ng bansa. Matapos marinig ang mensaheng ito, iniulat ni Micaias sa kalihim ni Haring Jehoiakim at sa mga prinsipe ang kaniyang narinig.—Jer 36:2, 9-13.
6. Ninuno ng saserdoteng si Zacarias, anupat itong huling nabanggit ay kabilang sa mga may mga trumpeta sa seremonya ng pagpapasinaya ng muling-itinayong pader ng Jerusalem. Tinatawag din siyang Mica.—Ne 11:22; 12:31, 35.
7. Isang saserdote na kabilang sa mga may mga trumpeta na tumugtog sa isa sa dalawang “koro ng pasasalamat” na nakibahagi sa martsa ng pasinaya para sa muling-itinayong pader ng Jerusalem noong mga araw ni Nehemias.—Ne 12:40, 41.