KOMADRONA
Ang terminong Hebreo para sa “komadrona” ay isang pambabaing pandiwari ng pandiwang ya·ladhʹ (manganak; magsilang) at sa gayon ay literal na tumutukoy sa isang babae na tumutulong upang maipanganak o maisilang ang isang bata. (Tingnan ang KAPANGANAKAN.) Tinutulungan ng komadrona ang ina sa panahong naghihirap ito sa panganganak, at kapag naisilang na ang bata, pinuputol niya ang talimpusod nito at hinuhugasan ang sanggol. Noong sinaunang mga panahon, kinukuskusan din niya ito ng asin at binabalot ng mga telang pamigkis.—Eze 16:4.
Kung minsan ay naglilingkod bilang komadrona ang matatalik na kaibigan o mga kamag-anak at ang matatandang babae sa komunidad, ngunit yamang kailangan dito ang pantanging kaalaman, kasanayan, at karanasan, lalo na kung maselan ang panganganak, kaunti lamang ang nagkokomadrona bilang kanilang hanapbuhay. Nang isilang si Benjamin, habang ‘nahihirapan si Raquel sa panganganak’ ay tiniyak ng komadrona kay Raquel na mailuluwal niya ang kaniyang anak, bagaman si Raquel mismo ay namatay. (Gen 35:16-19) Noong panahon ng komplikadong panganganak ni Tamar sa kambal na sina Perez at Zera, alistong kinilala ng komadrona ang isa na inaasahan niyang magiging panganay. Kaagad niyang tinalian ng isang sinulid na iskarlata ang nakaunat na kamay ni Zera. Gayunman, iniurong nito ang kaniyang kamay at naunang lumabas ang kaniyang kapatid, anupat naging sanhi ng pagkapunit ng kulampang ng ina.—Gen 38:27-30.
Nalagay naman sa napakaselan at mapanganib na posisyon ang mga komadrona ng mga Israelita noong panahon ng kanilang pagkaalipin sa Ehipto. Espesipikong ipinatawag ni Paraon ang dalawa sa kanila, si Sipra at si Pua, at inutusan silang patayin ang bawat Hebreong sanggol na lalaki pagkasilang nito. Malamang na ang dalawang babaing ito ang nagsilbing mga ulo ng propesyong ito at pananagutan nilang itawid sa kanilang mga kasamahan ang mga utos ng hari. Gayunman, “ang mga komadrona ay natakot sa tunay na Diyos, at hindi nila ginawa ang gaya ng sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi pinananatili nilang buháy ang mga batang lalaki.” Dahil dito ay tinawag sila ni Paraon upang magpaliwanag, anupat nagtanong: “Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito?” Kunwa’y hindi nila kontrolado ang bagay na ito, nangatuwiran sila na ang mga babaing Hebreo ay “masisigla” at nakapagsilang na “bago makarating sa kanila ang komadrona.” (Exo 1:15-19) Dahil natakot kay Jehova ang mga komadronang ito at tumanggi silang patayin ang mga sanggol, pinagpala at ginantimpalaan niya sila ng sarili nilang mga pamilya.—Exo 1:20, 21.