OBADIAS
[Lingkod ni Jehova].
1. Isang ulo ng pamilya sa tribo ni Isacar; anak ni Izrahias at inapo ni Tola.—1Cr 7:1-3.
2. Isang Zebulonita na ang anak ay isang prinsipe ng tribong iyon noong panahon ng pamamahala ni David.—1Cr 27:19, 22.
3. Isang makapangyarihang Gaditang mandirigma na tumawid sa Jordan habang kasalukuyan itong umaapaw at sumuporta kay David noong mamuhay ito bilang isang takas dahil sa poot ni Saul.—1Cr 12:8, 9, 14, 15.
4. Ang katiwala ng sambahayan ni Haring Ahab. Bagaman balakyot sina Haring Ahab at Jezebel, si Obadias ay may malaking takot kay Jehova, anupat itinago niya ang 100 propeta ni Jehova “nang lima-limampu sa isang yungib” noong ipag-utos ni Jezebel na pataying lahat ang mga ito. Noong panahon ng tagtuyot na pinasapit ng Diyos na inihula ni Elias, pinaghatian ni Obadias at ng kaniyang panginoong si Ahab ang isang teritoryo, at ang bawat isa ay naghahanap ng damong maipakakain sa mga alagang hayop nang masalubong ni Elias si Obadias. Hindi nakita ni Ahab si Elias noong panahon ng tagtuyot, na tumagal ng mga tatlong taon. Nang utusan si Obadias na ipaalam kay Ahab na bumalik na si Elias, dahil sa matinding takot ay nag-atubili siyang pumaroon hanggang noong bigyan siya ng katiyakan na hindi aalis ang propeta, sapagkat tiyak na papatayin ni Ahab ang kaniyang lingkod kung ang ulat na ito ay hindi totoo.—1Ha 18:1-16.
5. Isang prinsipe na isinugo ni Jehosapat upang magturo ng kautusan ni Jehova sa mga lunsod ng Juda.—2Cr 17:7, 9.
6. Isang malayong inapo nina Saul at Jonatan sa tribo ni Benjamin.—1Cr 8:33-38; 9:44.
7. Isang Meraritang Levita, isa sa mga tagapangasiwa sa pagkukumpuni ng templo na iniutos ni Haring Josias na gawin.—2Cr 34:8, 12.
8. Isang propeta ni Jehova at manunulat ng ikaapat sa tinatawag na mga aklat ng mga pangalawahing propeta. (Ob 1) Walang personal na impormasyon ang nalalaman tungkol sa propetang ito ng ikapitong siglo B.C.E.—Tingnan ang OBADIAS, AKLAT NG.
9. Isang Levita na bumalik mula sa Babilonya at nanirahan sa Jerusalem. (1Cr 9:2, 3, 14, 16) Maliwanag na tinatawag siyang Abda sa Nehemias 11:17. Posibleng siya rin ang Blg. 13.
10. Isang inapo ni David na nabuhay pagkatapos ng pagkatapon.—1Cr 3:5, 9, 10, 21.
11. Ulo sa sambahayan ni Joab sa panig ng ama na nanguna sa 218 lalaki ng pamilyang ito pabalik sa Jerusalem kasama si Ezra noong 468 B.C.E.; anak ni Jehiel.—Ezr 8:1, 9.
12. Isa sa mga saserdote (o kaniyang inapo) na lumagda bilang patotoo sa tipan ng katapatan na ginawa ng bumalik na mga tapon sa ilalim ng pagkagobernador ni Nehemias.—Ne 9:38; 10:1, 5, 8.
13. Isang Levitang bantay ng pintuang-daan noong mga araw nina Nehemias at Ezra. (Ne 12:25, 26) Posibleng siya rin ang Blg. 9.