ONIX
Isang batong hiyas na di-gaanong mamahalin, isang matigas na uri ng agata; ang terminong ito ay kumakapit din sa guhit-guhit na calcedonia. Ang onix ay may mapuputing suson na kasalitan ng itim, kayumanggi, pula, abuhin, o berde. Maliwanag na ang mapusyaw na kulay na likha ng kombinasyon ng mapupulang suson na nababanaag sa mapuputing suson ng batong ito ay nagpaalaala sa mga Griego tungkol sa kuko ng daliri, na sa Griego ay oʹnyx. Mula pa noong unang mga panahon, ang onix ay pinakamimithi na bilang mga palamuti, mga singsing, at mga abaloryo. Dahil sa mga suson nito na may iba’t ibang kulay, naging napakapopular nito sa paglilok ng mga kameo.
Ang “lupain ng Havila” ay prominente bilang isang lugar na pinagkukunan ng onix noong sinaunang mga panahon ng Bibliya. (Gen 2:11, 12) Ang mga batong onix ay kabilang sa mahahalagang bagay na iniabuloy para sa paggawa ng mga bagay na may kaugnayan sa tabernakulo ng Israel. (Exo 25:1-3, 7) “Ang mga pangalan ng mga anak ni Israel . . . ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang kapanganakan” ay nakalilok sa dalawang batong onix (anim na pangalan sa bawat bato) na nakalagay sa ibabaw ng mga dugtungang pambalikat ng epod ng mataas na saserdote “bilang mga batong pang-alaala para sa mga anak ni Israel.” Sa isa pang batong onix ay inililok ang pangalan ng isa sa 12 tribo ng Israel at inilagay iyon sa panggitnang posisyon ng ikaapat na hanay ng mga bato sa “pektoral ng paghatol” ng mataas na saserdote.—Exo 28:9-12, 15-21; 35:5, 9, 27; 39:6-14.
Nang maglaon, personal na inihanda ni David ang maraming mahahalagang bagay, kabilang na rito ang mga batong onix, para sa pagtatayo ng templo sa Jerusalem. (1Cr 29:2) Kabilang din ang onix sa mahahalagang bato na nagsisilbing makasagisag na “pananamit” ng “hari ng Tiro” sa panambitang iniulat ni Ezekiel. (Eze 28:12, 13) Bilang pagkilala sa kahalagahan ng karunungan, sinabi ni Job na ang “pambihirang batong onix” at ang iba pang mahahalagang bagay ay hindi maipambibili ng walang-kasinghalagang makadiyos na karunungan.—Job 28:12, 16.