Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Palma, Puno ng”
  • Palma, Puno ng

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Palma, Puno ng
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Puno ng Palma
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ang Maraming-Gamit na Oil Palm
    Gumising!—1992
  • Pagdalaw sa Isang Kakaibang Hardin
    Gumising!—1999
  • Ang Oil Palm—Isang Punungkahoy na Maraming Gamit
    Gumising!—1999
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Palma, Puno ng”

PALMA, PUNO NG

[sa Heb., ta·marʹ, toʹmer (Huk 4:5); sa Gr., phoiʹnix].

Ang palmang datiles (Phoenix dactylifera), bagaman sa ngayon ay matatagpuan na lamang sa ilang seksiyon, ay dating sagana sa Palestina at lumilitaw na karaniwan sa lugar na iyon gaya rin sa Libis ng Nilo ng Ehipto noon at ngayon. Pagkatapos ng ikalawang pagkawasak ng Jerusalem, nagpagawa ang Romanong si Emperador Vespasian ng maraming barya na may larawan ng isang tumatangis na babae na nakaupo sa ilalim ng puno ng palma at may inskripsiyong “Judaea Capta.”​—LARAWAN, Tomo 2, p. 751.

Ang mga palma ay iniuugnay sa mga oasis at isang kaayaayang tanawin sa mga manlalakbay sa disyerto, gaya ng 70 puno ng palma na tumutubo sa tabi ng 12 bukal ng tubig sa Elim, ang ikalawang lugar na hinintuan ng humahayong mga Israelita pagkatawid nila sa Dagat na Pula.—Exo 15:27; Bil 33:9.

Noong panahon ng Bibliya, maraming palma sa baybayin ng Dagat ng Galilea (The Jewish War, III, 516, 517 [x, 8]) gayundin sa ibabang mga bahagi ng mainit na Libis ng Jordan, at lalo nang sagana ang mga ito sa palibot ng En-gedi (Jewish Antiquities, IX, 7 [i, 2]) at Jerico, tinatawag na “lunsod ng mga puno ng palma.” (Deu 34:3; Huk 1:16; 3:13; 2Cr 28:15). Tumutubo rin ang mga ito sa matataas na lupain, gaya ng “puno ng palma ni Debora” sa bulubunduking pook ng Efraim. (Huk 4:5) Yamang ang sanga ng mga ito ay ginagamit kapag Kapistahan ng mga Kubol (Lev 23:40; Ne 8:15) at maging noong panahong pumasok si Jesus sa lunsod (Ju 12:12, 13), maliwanag na ang mga ito ay tumutubo noon sa palibot ng Jerusalem. Ang Tamar, isa sa mga lunsod ni Solomon, ay ipinangalan sa puno ng palma. (1Ha 9:17, 18) Nang maglaon, ang lupain ng Tiro at Sidon ay binigyan din ng pangalang Fenicia (malamang na mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “puno ng palma”) mula sa Griegong phoiʹnix (Gaw 11:19; 15:3), anupat posibleng gayundin ang nangyari sa lunsod ng Fenix sa pulo ng Creta.​—Gaw 27:12.

Ang mataas at maringal na palma, na tuwid at makinis ang katawan anupat umaabot sa taas na 30 m (100 piye) at may putong na mahahabang sanga na tulad-pakô, ay isang marikit na anyo ng natatanging kagandahan. Tiyak na nalugod ang mga batang babae na mabigyan ng pangalang Tamar, gaya ng manugang ni Juda (Gen 38:6), ng kapatid ni Absalom (2Sa 13:1), at gayundin ng kaniyang anak, na inilarawan bilang “isang babaing pagkaganda-ganda ng anyo.” (2Sa 14:27) Ang tindig ng dalagang Shulamita ay inihalintulad sa tindig ng puno ng palma at ang kaniyang mga suso naman ay sa mga kumpol nito. (Sol 7:7, 8) Dahil paikid ang mga hibla ng kahoy nito, isa rin itong puno na napakakunat at napakatibay.

Ang puno ng palma ay lubos na namumunga pagkaraan ng 10 hanggang 15 taon at patuloy na namumunga sa loob ng halos isang daang taon, pagkatapos ay unti-unti itong humihina at namamatay sa dulo ng ikalawang siglo nito. Ang taunang bunga ng mga datiles ay makakapal at nakalawit na mga kumpol at kadalasang inaani pagsapit ng Agosto-Setyembre. Sinasabi ng mga Arabe na ang mapaggagamitan sa puno ng palma ay sindami ng mga araw ng isang taon. Bukod sa maraming pakinabang sa bunga nito, ang mga dahon ay ginagamit bilang materyales para sa mga bubong at mga dingding ng bahay, gayundin sa paggawa ng mga bakod, mga banig, mga basket, at pati mga pinggan. Ang mga hibla nito ay ginagamit sa paggawa ng mga lubid at mga panaling gamit sa barko. Ang mga buto ng datiles ay ginigiling at ipinapakain sa mga kamelyo. Ang pagkit, asukal, langis, tanin, at resina ay pawang nakukuha mula sa punungkahoy na ito, at ang katas nito ay sinasahod at ginagawang isang matapang na inumin na tinatawag na arrack.

Ang nililok na mga ukit ng puno ng palma, na ang anyo ay tuwid, maganda, at mabunga, ay angkop na palamuti sa panloob na mga pader at mga pinto ng templo ni Solomon (1Ha 6:29, 32, 35; 2Cr 3:5) at pati sa mga gilid ng mga karwaheng ginagamit sa paglilingkod sa templo. (1Ha 7:36, 37) Mga puno ng palma ang nakita ni Ezekiel na nakapalamuti sa mga panggilid na haligi ng mga pintuang-daan ng templo sa pangitain at pati sa mga panloob na mga pader at mga pinto ng templo. (Eze 40:16-37; 41:15-26) Palibhasa’y tuwid, mataas at mabunga, ang puno ng palma ay naging angkop na sagisag ng ‘taong matuwid’ na ‘nakatanim sa mga looban ni Jehova.’​—Aw 92:12, 13.

Maliwanag na ang paggamit ng mga sanga ng palma ng pulutong ng mga tao na nagbunyi kay Jesus bilang “hari ng Israel” (Ju 12:12, 13) ay sumagisag sa kanilang papuri gayundin sa pagpapasakop nila sa kaniyang makaharing posisyon. Ang “malaking pulutong” sa Apocalipsis 7:9, 10 ay inilalarawan din na may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay, samantalang ipinatutungkol ang kanilang kaligtasan sa Diyos at sa Kordero.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share