PABOREAL
[sa Heb., tuk·ki·yimʹ (pangmaramihan); sa Ingles, peacock].
Isang malaking ibon na matitingkad ang kulay, mula sa pamilya ng mga pheasant at halos kasinlaki ng pabo (turkey). Ang paboreal (Pavo muticus at Pavo cristatus) ay kilalang-kilala dahil sa maringal na buntot nito na may mga balahibong makikisap na berde at ginto na may malalaking “mata” na kulay asul. Naibubuka ng paboreal ang buntot na ito upang magmukhang isang kahanga-hangang abaniko na ang magkabilang dulo ay sumasayad sa lupa. Ipinapagaspas ng paboreal ang nakabukang buntot na ito, na lumilikha ng makaluskos na tunog at nagpapakinang sa mga balahibo. Maganda rin ang kulay ng leeg at dibdib nito na metalikong asul na maberde-berde. Dahil sa maringal na kagandahan nito, lubhang pinahahalagahan ang paboreal noon pa mang sinaunang mga panahon.
Noong panahon ni Haring Solomon, ang kaniyang pangkat ng mga barko ng Tarsis ay nagbibiyahe nang minsan sa bawat tatlong taon at nagdadala ng mga kargamentong “ginto at pilak, garing, at mga unggoy at mga paboreal.” (1Ha 10:22) Bagaman ang ilan sa mga barko ni Solomon ay naglakbay patungong Opir (maliwanag na sa lugar ng Dagat na Pula; 1Ha 9:26-28), binabanggit ng 2 Cronica 9:21 na may mga barkong “pumaparoon sa Tarsis” (malamang ay sa Espanya) para magdala ng nabanggit na mga kalakal, kasama na ang mga paboreal. Dahil dito, hindi matiyak kung saang lugar o rehiyon inaangkat ang mga paboreal noon. Ang magagandang ibong ito ay ipinapalagay na katutubo sa TS Asia at sagana sa India at Sri Lanka. Naniniwala ang ilan na ang pangalang Hebreo (tuk·ki·yimʹ) ay dapat iugnay sa tokei, na pangalan ng paboreal sa Matandang Tamil. Maaaring nakuha ng pangkat ng mga barko ni Solomon ang mga paboreal nang maglayag sila sa kanilang karaniwang ruta at tumigil sa isang sentro ng kalakalang may pakikipag-ugnayan sa India. Kawili-wili ring malaman ang sinabi ni Frederick Drimmer sa The Animal Kingdom: “Sa loob ng maraming siglo, inakala ng mga siyentipiko na walang mga paboreal sa Aprika—ang kilalang mga tahanan ng mga ito ay ang East Indies at timog-silangang Asia. Gumuho ang paniwalang ito ng mga naturalista noong 1936, nang ang Congo peacock [Afropavo congensis] ay matuklasan sa Belgian Congo.”—1954, Tomo II, p. 988.
Mas gusto naman ng iba na iugnay ang salitang Hebreo na tuk·ki·yimʹ sa ky ng Ehipto, isang uri ng unggoy.