REPAIM, MABABANG KAPATAGAN NG
Isang malawak na kapatagan o libis na malapit sa Jerusalem. Ipinapalagay na ang pangalan nito’y kinuha mula sa matatangkad na tao na tinawag na Repaim na malamang ay nanirahan dito. Nakatala ito bilang hangganan ng mga teritoryo ng Juda at Benjamin. (Jos 15:1, 8; 18:11, 16) Sa hilagaang dulo nito ay may isang bundok o tagaytay na nakaharap sa Libis ng Hinom. Ang kinikilalang lokasyon ng Mababang Kapatagan ng Repaim ay ang kapatagan ng Baqaʽ sa dakong TK ng Temple Mount. Papalusong ito sa distansiyang mga 1.5 km (1 mi) at pagkatapos ay papakitid tungo sa Wadi el Werd (Nahal Refaʼim).
Malamang na dahil mataba ang kapatagang ito (Isa 17:5) at malapit ito sa Jerusalem at Betlehem kung kaya nagustuhan ito ng mga Filisteo. (2Sa 23:13, 14; 1Cr 11:15-19) Pagkatapos na mapahiran si David bilang hari sa Israel, gumawa ng mga paglusob ang mga Filisteo sa Mababang Kapatagan ng Repaim. Gayunman, sinunod ni David ang mga tagubilin ng Diyos at nagtagumpay siya laban sa kanila.—2Sa 5:17-25; 1Cr 14:8-17; tingnan ang BAAL-PERAZIM.