USA, MALIIT NA
[sa Heb., yach·murʹ; sa Ingles, roebuck].
Lalaking roe deer, isang maliit na uri ng usa na kahawig ng gasela. Ang maliit na usa (Capreolus capreolus) ay may taas na mahigit sa 0.6 m (2 piye) hanggang sa balikat at may haba na mga 1.2 m (4 na piye). Mga lalaki lamang ang may mga sungay, at ang mga ito ay napapalitan taun-taon. Kapag tag-araw, ang balahibo ng maliit na usa ay mamula-mulang kayumanggi, at malamang na ito ang basehan ng Hebreong pangalan nito na yach·murʹ, na ipinapalagay na hinalaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “mamula.” Hindi gaanong mahilig makihalubilo sa iba ang hayop na ito. Makikitang nanginginaing magkakasama ang maliliit na grupong binubuo ng tatlo o apat: ang barakong usa, ang babaing usa, at isa o dalawang batang usa. Iisa lamang ang kapareha ng maliit na usa sa buong buhay niya.
Yamang ito’y ngumunguya ng dating kinain at may hati ang kuko, ang maliit na usa ay maaaring kainin ayon sa mga kundisyon ng Kautusang Mosaiko. (Deu 14:5, 6) Ang laman nito’y isa sa mga karne na regular na inihahanda sa mesa ni Haring Solomon.—1Ha 4:22, 23.