TIMON, I
Isang mahalagang bahagi ng kasangkapan ng barko para sa pagmamaniobra. Iba’t iba ang istilo at bilang ng mga timon ng sinaunang mga sasakyang-dagat. Ang ilan ay may iisang gaod. Gayunman, kadalasan, ang mga barkong Griego at Romano ay may dalawang sagwan sa popa, anupat bawat isa ay magagamit nang bukod at nakausli mula sa isang bukasan sa gilid ng barko. Kapag nakaangkla ang sasakyang-dagat, ang mga sagwan na panimon ay nakaangat sa tubig at nakatali.
“Mga sagwan na panimon” (“mga ugit,” MB) ang ginamit sa barkong sinakyan ni Pablo patungong Roma na nawasak sa Malta. Pagkaputol sa mga angkla, at bago itaas ang layag sa unahan, kinalag muna ng mga magdaragat ang mga tali ng mga sagwan na panimon upang maigiya ang barko patungo sa dalampasigan.—Gaw 27:40.
Ipinakita ni Santiago (3:4, 5) kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng dila sa pagkontrol sa buong katawan ng isang tao nang ihalintulad niya ito sa isang timon (“sagwang panimon,” Int) na napakaliit kung ihahambing sa malaking barko ngunit napakamakapangyarihan.