SADUCEO
Isang prominenteng relihiyosong sekta ng Judaismo na konektado sa pagkasaserdote. (Gaw 5:17) Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ni sa mga anghel.—Gaw 23:8.
Hindi alam kung kailan lumitaw ang mga Saduceo bilang isang sekta. Sa kasaysayan, una silang binanggit sa mga akda ni Josephus, na nagpapakitang sila’y kalaban ng mga Pariseo noong huling kalahatian ng ikalawang siglo B.C.E. (Jewish Antiquities, XIII, 293 [x, 6]) Nagbigay rin si Josephus ng impormasyon tungkol sa kanilang mga turo. Gayunman, pinag-aalinlanganan kung totoo ang lahat ng kaniyang iniulat. Sinabi ni Josephus na, di-tulad ng mga Pariseo, ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa tadhana. Naniniwala sila na ang indibiduwal, batay sa sarili niyang mga pagkilos, ang tanging may pananagutan sa anumang sumasapit sa kaniya. (Jewish Antiquities, XIII, 172, 173 [v, 9]) Hindi nila tinatanggap ang maraming bibigang tradisyon na sinusunod ng mga Pariseo, pati na ang paniniwala ng mga ito sa imortalidad ng kaluluwa at sa pagpaparusa o pagbibigay ng gantimpala pagkatapos ng kamatayan. Waring magaspang makitungo ang mga Saduceo sa isa’t isa. Sinasabing mahilig silang makipagtalo. Ayon kay Josephus, ang kanilang mga turo ay nakaakit sa mayayaman.—Jewish Antiquities, XIII, 298 (x, 6); XVIII, 16, 17 (i, 4); The Jewish War, II, 162-166 (viii, 14).
Gaya ng ipinakita ni Juan na Tagapagbautismo, ang mga Saduceo ay kailangang magluwal ng mga bunga na angkop sa pagsisisi. Ito’y dahil nabigo silang tuparin ang kautusan ng Diyos, gaya ng mga Pariseo. (Mat 3:7, 8) Inihalintulad ni Kristo Jesus sa lebadura ang kanilang nakasasamang turo.—Mat 16:6, 11, 12.
Ganito ang sabi ng Gawa 23:8 hinggil sa kanilang mga relihiyosong paniniwala: “Sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay-muli ni anghel man ni espiritu, ngunit hayagang sinasabi ng mga Pariseo ang lahat ng mga iyon.” Tinangka ng isang grupo ng mga Saduceo na lituhin si Kristo Jesus sa pamamagitan ng isang tanong hinggil sa pagkabuhay-muli at pag-aasawa bilang bayaw. Ngunit napatahimik niya sila. Sa pamamagitan ng pagsipi sa mga isinulat ni Moises, na diumano’y tinatanggap nila, pinabulaanan ni Jesus ang kanilang argumento na walang pagkabuhay-muli. (Mat 22:23-34; Mar 12:18-27; Luc 20:27-40) Nang nasa harap ng Sanedrin ang apostol na si Pablo, lumikha siya ng pagkakabaha-bahagi sa pinakamataas na hukumang ito ng mga Judio nang pag-awayin niya ang mga Pariseo at mga Saduceo. Nangyari iyon dahil sa relihiyosong mga pagkakaiba sa pagitan nila.—Gaw 23:6-10.
Bagaman nababahagi ng relihiyon, nakipagsabuwatan ang mga Saduceo sa mga Pariseo upang tuksuhin si Jesus sa pamamagitan ng paghiling sa kaniya ng isang tanda (Mat 16:1), at nagkaisa ang dalawang grupo sa pagsalansang sa kaniya. Ipinakikita ng katibayan sa Bibliya na mga Saduceo ang nanguna sa pagsisikap na ipapatay si Jesus. Ang mga Saduceo ay mga miyembro ng Sanedrin, ang hukumang nagpakana laban kay Jesus at nang maglaon ay humatol sa kaniya ng kamatayan. Kabilang sa hukumang iyon si Caifas, isang Saduceo at mataas na saserdote, at maliwanag na pati ang iba pang mga prominenteng saserdote. (Mat 26:59-66; Ju 11:47-53; Gaw 5:17, 21) Samakatuwid, kapag binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang isang pagkilos ay ginawa ng mga punong saserdote, maliwanag na mga Saduceo ang kasangkot. (Mat 21:45, 46; 26:3, 4, 62-64; 28:11, 12; Ju 7:32) Lumilitaw na mga Saduceo ang nanguna sa pagsisikap na pahintuin ang paglaganap ng Kristiyanismo matapos mamatay at buhaying-muli si Jesus.—Gaw 4:1-23; 5:17-42; 9:14.