SANTUWARYO
Isang dakong itinalaga para sa pagsamba sa Diyos o mga diyos, isang banal na dako; isang tirahan ng Diyos. (1Cr 22:19; Isa 16:12; Eze 28:18; Am 7:9, 13) Ang isang “santuwaryo” ay hindi naman laging isang espesyal na gusali, sapagkat ang santuwaryong nasa Sikem na tinukoy sa Josue 24:25, 26 ay maaaring isang dako lamang na pinagtayuan ni Abraham ng isang altar maraming siglo na noon ang nakararaan. (Gen 12:6, 7) Gayunman, kadalasan, ang pananalitang “santuwaryo” ay tumutukoy sa tabernakulo (Exo 25:8, 9) o sa templo sa Jerusalem. (1Cr 28:10; 2Cr 36:17; Eze 24:21) Kapag ikinapit sa tabernakulo, ang “santuwaryo” ay maaaring tumukoy sa buong tolda at sa looban nito (Exo 25:8, 9; Lev 21:12, 23), sa mga muwebles at kagamitan ng santuwaryo (Bil 10:21; ihambing ang Bil 3:30, 31), o maaari itong tumukoy sa Kabanal-banalan (Lev 16:16, 17, 20, 33).
Bilang isang banal na dako, dapat panatilihing walang dungis ang santuwaryo ng Diyos. (Bil 19:20; Eze 5:11) Samakatuwid, dapat ‘pagpitaganan’ ng mga Israelita ang espesyal na dakong iyon kung saan tumatahan ang Diyos sa makasagisag na paraan. (Lev 19:30; 26:2) Nang kunin sila mula sa Lupang Pangako at dalhin sa pagkatapon, wala na silang pisikal na santuwaryo. Ngunit nangako si Jehova na siya mismo, wika nga, ay magiging “isang santuwaryo” sa kanila.—Eze 11:16.
Sa isang malawak na diwa, ang terminong Griego na na·osʹ ay ginagamit upang tumukoy sa kabuuan ng mga gusali at bakuran ng templo (Ju 2:20) o sa pangunahing gusali nito, lakip na ang mga silid niyaon na dakong Banal at Kabanal-banalan na pinaghihiwalay ng kurtina. (Mat 27:51) Halimbawa, nang si Zacarias ay ‘pumasok sa santuwaryo’ upang maghandog ng insenso, pumasok siya sa dakong Banal, sapagkat naroroon ang altar ng insenso.—Luc 1:9-11.
Ang tahanang dako ng Diyos sa langit ay isang santuwaryo, o banal na dako. Sa makalangit na santuwaryong ito ay nakita ng apostol na si Juan, sa pangitain, ang kaban ng tipan matapos hipan ang ‘ikapitong trumpeta.’ (Apo 11:15, 19) Pagkatapos, nakakita siya ng mga anghel na lumalabas mula sa santuwaryong ito at nakarinig siya ng isang “malakas na tinig” na lumabas mula roon may kaugnayan sa pagbubuhos ng “pitong mangkok” ng galit ng Diyos.—Apo 14:15, 17; 15:5, 6, 8; 16:1, 17.
Hinggil sa makalupang looban ng dakilang espirituwal na templo ng Diyos, ganito ang sinabi sa apostol na si Juan sa pangitain: “Tumindig ka at sukatin mo ang santuwaryo ng templo ng Diyos at ang altar at yaong mga sumasamba roon. Ngunit kung tungkol naman sa looban na nasa labas ng santuwaryo ng templo, lubusan mo itong pabayaan at huwag mong sukatin, sapagkat ibinigay na ito sa mga bansa, at yuyurakan nila ng kanilang mga paa ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan.” (Apo 11:1, 2) Dito, ang templong tinutukoy ay hindi maaaring ang templo na nasa Jerusalem, sapagkat ang istrakturang iyon ay winasak halos tatlong dekada bago nito. Yamang ang mga bansa ay makalupa, tanging isang looban na nasa lupa rin ang maaaring ‘ibigay’ sa kanila. Kaya naman tiyak na lumalarawan ito sa isang kalagayang tinamasa ng mga pinahirang tagasunod ni Jesus habang sila’y narito sa lupa. Bagaman imposibleng mayurakan ng mga bansa ang isang lokasyon na nasa langit, magagawa nilang pakitunguhan sa kadusta-dustang paraan ang mga taong inianak ng espiritu ng Diyos at nakahanay na tumanggap ng makalangit na mana kasama ni Kristo. (Apo 3:12) Sa katulad na paraan, waring ang hula ni Daniel hinggil sa pagpapabagsak sa “tatag na dako ng kaniyang santuwaryo” (Dan 8:11) at sa paglapastangan sa santuwaryo (Dan 11:31) ay tumutukoy sa mga pangyayaring may kaugnayan sa mga naglilingkod bilang mga katulong na saserdote sa dakilang espirituwal na templo ng Diyos.
Ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano, na siyang katawan ni Kristo, ay isang templo, o santuwaryo, na tinatahanan ng Diyos sa espiritu.—1Co 3:17; Efe 2:21, 22; 1Pe 2:5, 9; tingnan ang TEMPLO (Mga Pinahirang Kristiyano—Isang Espirituwal na Templo).