SAPAN
[Kuneho sa Batuhan].
Anak ni Azalias at isang maharlikang kalihim. Noong 642 B.C.E., isinugo ni Haring Josias si Sapan at ang dalawang iba pang opisyal sa mataas na saserdoteng si Hilkias taglay ang mga tagubilin para sa pagkukumpuni sa templo. Sa pagkakataong ito ay ibinigay ni Hilkias kay Sapan “ang mismong aklat ng kautusan,” malamang na ang orihinal pa nga, na nasumpungan sa templo kamakailan. Hindi pa natatagalang basahin ni Sapan kay Josias ang isang bahagi ng Kautusan nang siya at ang kaniyang anak na si Ahikam, kasama ng iba pa, ay isugo ni Josias bilang isang delegasyon upang sumangguni may kinalaman sa layunin ni Jehova para sa Juda. Pumaroon sila sa propetisang si Hulda at nang makabalik ay iniulat sa hari ang hula ni Jehova na darating ang pagkawasak, ngunit hindi sa panahon ng paghahari ni Josias.—2Ha 22:3-20; 2Cr 34:8-28.
Ang mga anak ni Sapan na sina Ahikam (Jer 26:24), Elasa (Jer 29:1-3), at Gemarias (Jer 36:10-12, 25) ay lumilitaw na mga tagapagtaguyod din ng tunay na pagsamba. Gayunman, hindi gayon ang kaniyang anak na si Jaazanias. (Eze 8:10, 11) Ang apo ni Sapan na si Gedalias ang may-takot sa Diyos na gobernador na inatasan pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem.—2Ha 25:22; Jer 39:14.