SEBNA(H)
[posibleng pinaikling anyo ng Sebanias].
Isang opisyal ni Haring Hezekias. Noong minsan ay si Sebna ang “katiwala . . . na namamahala sa bahay,” ipinapalagay na bahay ni Hezekias—isang maimpluwensiyang posisyon. Gayunman, inutusan ni Jehova si Isaias na tuligsain si Sebna, anupat inihuhulang ‘itataboy ito mula sa kaniyang kinalalagyan,’ lumilitaw na dahil iyon sa pagmamapuri nito at paghahanap ng kaluwalhatian, na ipinakikita ng pagpapatayo para sa kaniyang sarili ng isang marangyang puntod. Ang kaniyang mahabang damit, paha, at pamunuan, kasama na “ang susi ng sambahayan ni David,” ay ibinigay naman sa ‘lingkod ng Diyos na si Eliakim.’—Isa 22:15-24.
Gayunman, si Sebna ay hindi inalisan ng lahat ng pribilehiyo, sapagkat nang pagbantaan ni Senakerib ang Jerusalem noong 732 B.C.E. at si Eliakim ay naging katiwala, si Sebna ang maharlikang kalihim na isinugo kasama ni Eliakim at ng tagapagtala upang makipag-usap kay Rabsases. Hapak ang kanilang mga kasuutan, iniulat nila kay Hezekias kung ano ang sinabi, at sa gayon ay isinugo sila kay Isaias upang sumangguni kay Jehova.—2Ha 18:18–19:7; Isa 36:3–37:7.