IMBAKANG LUNSOD, MGA
Mga lunsod na pantanging dinisenyo bilang mga sentrong imbakan ng pamahalaan. Upang magtagal, ang mga reserbang panustos gaya ng mga butil, pati ang iba pang mga bagay, ay iniingatan noon sa mga bahay-imbakan at mga imbakan ng butil na itinayo sa mga lokasyong ito.
Sa ilalim ng paniniil ng mga Ehipsiyo, ang mga Israelita ay sapilitang pinagtayo ng “mga lunsod bilang mga imbakang dako para kay Paraon, samakatuwid ay ang Pitom at ang Raamses.” (Exo 1:11) Nagtayo rin si Solomon ng mga imbakang lunsod. (1Ha 9:17-19; 2Cr 8:4-6) Nang maglaon, habang patuloy na nanagana si Haring Jehosapat, “nagtayo siya ng mga nakukutaang dako at mga imbakang lunsod sa Juda.”—2Cr 17:12; tingnan ang IMBAKAN, KAMALIG.