BAYAG, MGA
Mga glandula ng ari ng lalaki. Sa kautusan ng Diyos sa Israel, pinagbawalang manungkulan sa pagkasaserdote ang isang lalaki na may mga bayag na durog, isa sa mga pisikal na depekto na magiging dahilan ng diskuwalipikasyon ng isa. (Lev 21:17-21, 23) Ang mataas na pamantayang ito para sa pagkasaserdote ay kasuwato ng kabanalan ng katungkulan ng mga saserdote bilang mga kinatawan ng kabanalan ni Jehova sa harap ng Israel. Kaayon din ito ng bagay na ang pagkasaserdote sa Israel ay sumasagisag sa makalangit na pagkasaserdote ni Kristo at ng kaniyang kongregasyon ng mga katulong na saserdote, na sa kanila ay walang sinumang kasusumpungan ng anumang dungis. (Heb 7:26; Efe 5:27; Apo 14:1, 5; 20:6) Karagdagan pa, ang nais ng Diyos ay mga saserdote na maaaring magkaroon ng mga anak na hahalili sa kanila. Gayunman, may probisyon ang Kautusan na ang gayong tao na may depekto ay maaaring kumain ng mga banal na bagay na inilaan bilang pagkain ng mga saserdote.—Lev 21:21, 22.
Sa ganito ring kadahilanan, hindi maaaring ihandog bilang hain ang isang hayop na ang mga bayag ay pisa, durog, putol, o hugót. (Lev 22:24; ihambing ang Mal 1:6-8; 1Pe 1:19.) Dahil dito, hindi kinakapon ng mga Israelita ang kanilang mga hayop, sapagkat hinihiling ng Kautusan na ang lahat ng mga alagang hayop na papatayin upang kainin ay dalhin sa santuwaryo upang doon patayin at kainin bilang handog na pansalu-salo. Sa Lupang Pangako, kapit din ang kautusang ito sa mga nakatira di-kalayuan sa Jerusalem.—Lev 17:3-5; Deu 12:20-25.
Sinasabi pa ng Kautusan: “Walang lalaking kinapon na dinurog ang mga bayag o pinutol ang kaniyang sangkap ng pagkalalaki ang makapapasok sa kongregasyon ni Jehova.” (Deu 23:1) Ang gayong ‘pagkapon’ ay hindi tumutukoy sa mga depektong mula pa sa pagkapanganak o sa kalagayang dulot ng sakuna. (Ihambing ang Lev 21:17-21; Deu 25:11, 12.) Samakatuwid, maliwanag na may kinalaman iyon sa sinasadyang pagpapakapon para sa imoral na mga layunin, gaya ng homoseksuwalidad. Ang isang iyon ay hindi dapat papasukin sa kongregasyon, anupat hindi siya pahihintulutang makiugnay rito upang mapangalagaan ang kadalisayan nito.
Idiniin ng Kautusan ang paggalang ni Jehova sa karapatan ng lalaki na magkaanak sa kaniyang asawa, at ang paggalang Niya sa kakayahan sa pag-aanak na inilagay Niya sa lalaki at babae. Ang pag-aasawa bilang bayaw ay inilaan upang magpatuloy ang linya, pangalan, at mana ng pamilya ng isang lalaki. (Deu 25:5-10) Karaka-raka pagkatapos banggitin ang kaayusang ito, nagpatuloy ang Kautusan sa pagsasabi na kung nag-aaway ang dalawang lalaki at sinunggaban ng asawa ng isa sa kanila ang kalabang lalaki sa mga pribadong bahagi nito upang matulungan niya ang kaniyang asawa (isang pagkilos na maaaring sumira sa kakayahan ng lalaking iyon na magkaanak), ang kamay ng babae ay puputulin. (Deu 25:11, 12) Kaya hindi kapit dito ang kautusang mata para sa mata. (Deu 19:21) Hindi hiniling ng Diyos na sirain ang mga sangkap ng babae sa pag-aanak ni yaong sa kaniyang asawa. Sa ganitong paraan, maaari pa ring maging mabunga ang kanilang pag-aasawa, anupat magpapatuloy ang linya ng pamilya ng kaniyang asawa sa pamamagitan niyaon.
Sa kongregasyong Kristiyano, ang mga taong kinapon ay hindi pinagbabawalang pumasok dito, sapagkat naisaisantabi na ang Kautusan salig sa hain ni Kristo. (Col 2:13, 14) Gayunpaman, itinatanghal ng mga kautusang sinipi sa itaas ang paggalang ng Diyos sa mga sangkap sa pag-aanak at mariing ipinakikita ng mga ito na mali ang sumailalim sa isang operasyon na sisira sa kakayahan ng isang tao sa pagpaparami dahil lamang sa wala siyang pagpapahalaga sa kaloob na iyon ng Diyos.
Ari. Sa Levitico 15:2, 3, ang salitang Hebreo para sa “laman” (ba·sarʹ) ay ginagamit sa Kasulatan may kaugnayan sa ari ng lalaki, ang titi, na naiiba sa mga bayag.—Tingnan ang MALINIS, KALINISAN; ihambing ang Isa 57:8, tlb sa Rbi8.
Sinamba ng mga pagano ang ari ng lalaki sa kanilang pagsamba sa sekso noong sinaunang mga panahon, gaya rin ng ginagawa sa ilang bansa sa ngayon. Maaaring tinutukoy ng Ezekiel 8:17 (tlb sa Rbi8) ang gayong pagsamba na nakahawa sa mga apostatang Israelita noong mga araw ni Ezekiel.