TROFIMO
[Pagpapakain; Pagpapalusog].
Isang kamanggagawa ng apostol na si Pablo; isang Kristiyanong Gentil na taga-Efeso. (Gaw 21:29) Marahil si Trofimo ay naging isang Kristiyano noong tumagal ang ministeryo ni Pablo sa Efeso sa panahon ng ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. Pagkatapos nito, si Trofimo ay naging isa sa mga kasamahan ni Pablo sa paglalakbay sa biyahe pabalik na dumaan sa Macedonia patungo sa Asia Minor at pagkatapos ay sa Jerusalem. (Gaw 20:3-5, 17, 22) Doon ay nakita si Trofimo na kasama ni Pablo, at nang isama ni Pablo ang ilang iba pa sa loob ng bakuran ng templo, inakala ng mga Judio na si Trofimo, isang Gentil, ay lumampas sa Looban ng mga Gentil, sa gayon ay dinungisan ang templo. Salig sa maling palagay na ito ay inumog nila si Pablo. (Gaw 21:26-30; 24:6) Makalipas ang ilang taon, pagkatapos ng unang pagkabilanggo ni Pablo, si Trofimo ay muling naglakbay na kasama niya. Ngunit nang makarating sila sa Mileto, na di-kalayuan sa sariling bayan ni Trofimo, nagkasakit si Trofimo at hindi nakapagpatuloy.—2Ti 4:20.