BUWITRE
[sa Heb., ra·chamʹ; ra·chaʹmah; sa Ingles, vulture], Buwitreng Itim [sa Heb., ʽoz·ni·yahʹ].
Isang malaking ibon na kumakain ng bangkay at napakalaki ng naitutulong sa mga lupaing may mainit na klima, palibhasa’y kinakain nito ang mga bangkay at nabubulok na laman na maaaring maging sanhi ng sakit. Ang ibong ito’y nakatalang kasama ng mga ibong ipinahayag na ‘marumi’ sa Kautusang Mosaiko.—Lev 11:13, 18; Deu 14:12, 17.
Sa Arabe, isang wikang nauugnay sa Hebreo, may isang salita na kahawig ng ra·chamʹ at tumutukoy sa Egyptian vulture (Neophron percnopterus), na madalas tawaging Pharaoh’s chicken. Ang ibong ito ay puti, maliban sa itim na mga pakpak nito at dilaw na tuka at mga binti nito. Ito ang pinakamaliit na buwitreng matatagpuan sa mga lupain sa Bibliya, anupat may haba na mga 65 sentimetro (26 na pulgada). Nakatatakot ang hitsura nito dahil sa kaniyang kalbo at kulubot na mukha, malalaking mata, hugis-kalawit na tuka, at nakakurbang mga kuko. Dahil kinakain nito kahit ang basurang tinanggihan ng ibang mga buwitre, ipinapalagay na ito ang pinakamaruming basurero sa Gitnang Silangan at, dahil din dito, siya ang pinakakapaki-pakinabang dahil sa serbisyong ginagawa niya.
Ang griffon vulture (Gyps fulvus) ay isang ibon na kayumangging manilaw-nilaw na mga 1.2 m (4 na piye) ang haba at mga 2.7 m (9 na piye) ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo. Ang griffon vulture ay sagisag ng Ehipsiyong diyosa na si Nekhebet at makikita rin sa mga estandarteng pandigma ng mga Ehipsiyo, Asiryano, at Persiano.
Ang lammergeier, o bearded vulture (Gypaetus barbatus), ay isang malaking ibong maninila na mga 1.2 m (4 na piye) ang taas. Dahil sa mahahaba at patulis na mga pakpak nito na kung nakabuka ay may sukat na halos 3 m (10 piye) mula sa dulo’t dulo, napakagandang lumipad ng lammergeier, at walang-kahirap-hirap itong nakapagpapaikut-ikot sa ere habang naghahanap ng makakain sa ibaba. Di-tulad ng ibang mga buwitre, ang lammergeier ay may mga balahibo sa ulo nito at balbas na kahawig niyaong sa kambing. Mahilig ito sa mga utak sa buto, anupat tinatangay niya ang mga buto nang napakataas sa ere at saka niya ibinabagsak ang mga ito sa batuhan upang mabiyak, sa gayo’y makukuha niya ang utak na nasa loob ng mga ito.
Maliwanag na ang salitang Hebreo na ʽoz·ni·yahʹ ay tumutukoy sa buwitreng itim (Aegypius monachus), ang pinakamalaking ibong maninila na makikita sa Israel. Bagaman mas kayumanggi sa halip na itim, kalbo ang ulo nito, na katangian ng mga buwitre. Asul ang leeg nito at hugis-tatsulok ang buntot.