PAGTATAHIP
[sa Ingles, winnowing].
Ang panghuling hakbang upang maibukod ang mga binutil na gaya ng sebada at trigo mula sa kanilang ipa at dayami. Kapag ang mga butil ay nagiik na at humiwalay na sa ipa, at nagkapira-piraso na ang mga dayami, tinatahip ang lahat ng ito anupat isinasaboy nang pasalungat sa hangin sa pamamagitan ng pala o tinidor na pantahip. (Isa 30:24) Ang ipa ay tinatangay ng hangin, na lalo nang lumalakas kapag gabi, at ang dayami ay inililipad sa tabi habang nalalaglag naman pabalik sa giikan ang mga binutil. (Ru 3:2; LARAWAN, Tomo 2, p. 953) Pagkatapos na bistayin o paraanin sa isang panala ang butil upang maalis ang maliliit na bato at iba pang katulad na bagay, maaari na itong gilingin o kaya ay imbakin.—Am 9:9; Luc 22:31.
Makasagisag na Paggamit. Kadalasan, ang ‘pagtatahip’ ay ginagamit sa makasagisag na diwa. Halimbawa, nilayon ni Jehova na magsugo ng “mga mananahip” laban sa Babilonya at sa mga tumatahan sa kaniya upang tahipin siya ng mga iyon. (Jer 51:1, 2) Ang “mga mananahip” na iyon ay ang mga Medo at ang mga Persiano sa ilalim ni Ciro. Sa diwa, isinaboy nila sa ere ang Babilonya at ang mga tumatahan sa kaniya, upang ang mga iyon ay matangay ng hangin at liparing gaya ng ipa na susunugin. (Mat 3:12; Luc 3:17) Sa katulad na paraan, gaya ng inihula, bago pa ito ay ginamit ni Jehova ang Babilonya upang tahipin ang kaniyang bayan, anupat pinangalat niya sila sa pagkatalo. (Jer 15:7) At, sa pamamagitan ng propetang si Isaias, tiniyak ni Jehova sa kaniyang bayan na darating ang panahon na gagawin nilang gaya ng ipa ang kanilang mga kaaway at tatahipin nila ang mga ito. (Isa 41:14-16) Sa Jeremias 4:11 ang “nakapapasong hangin” na darating laban sa Jerusalem ay sinasabing “hindi para sa pagtatahip, ni para sa paglilinis man.” Yamang ang isang dumadaluyong at nakapapasong hangin ay hindi angkop para sa pagtatahip, tumutukoy ito kung gayon sa mapaminsalang katangian nito.