Ikaw ba’y May Pagmamahal kay Jehova?
ANG pag-ibig ay maraming “pitak.” Ang isang mapusok na binata ay baka umiibig sa isang magandang dalaga. Nariyan ang pag-ibig ng ina sa kaniyang anak. At nariyan ang pag-ibig na nagbubuklod sa mga Kristiyano sa isang pagkakapatiran na pambuong globo.
Lahat na ito ay “pag-ibig,” subalit ang mga Griego ay may bukud-bukod na mga salita para sa iba’t ibang uri ng pag-ibig. Ang éros ay pag-ibig na iniuugnay sa atraksiyon ng sekso. Ang storgé ay tumutugon sa pag-ibig na nakasalig sa pagkakamag-anak. At ang agápe—walang imbot na pag-ibig na salig sa prinsipyo—ay yaong pag-ibig na taglay sa isa’t isa ng mga tunay na Kristiyano sa buong lupa.—Juan 13:34, 35.
Malumanay na Pagmamahal
Gayunman, kung ang nais ay idiin ang pag-ibig ayon sa isang natatanging mainit at mapagmahal na paraan, ang salitang philía ang ginamit ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ay tumutukoy sa isang matibay, mainit, personal na ugnayan, tulad ng umiiral sa pagitan ng mga tunay na magkakaibigan. Si Jehova ay may gayong natatanging pagmamahal sa kaniyang bugtong na Anak. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat anumang mga bagay ang ginagawa ng Isang iyan, ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa katulad na paraan. Sapagkat ang Ama ay may pagmamahal sa Anak at ipinakikita sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa.” At, ganoon din, tungkol sa kaniyang mga tunay na tagasunod, sinabi ni Jesus: “Mahal nga kayo ng Ama, dahil sa ako’y mahal ninyo at naniniwala kayong nagmula ako sa Ama bilang kinatawan niya.”—Juan 5:19, 20; 16:27.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang “pagmamahal” ay tumutukoy sa isang mainit, personal na uri ng pag-ibig. Ito’y makikita buhat sa katunayan na kadalasan sa pagsasalin nito ay may kasamang salita na “malumanay.” Halimbawa, si apostol Pablo ay nagpapayo sa mga Kristiyano: “Sa pag-ibig sa mga kapatid ay malumanay na magmahalan kayo sa isa’t isa.” (Roma 12:10) Gayundin, binabanggit ng alagad na si Santiago ang pagtitiis na ipinakita ni Jacob at ang resulta na ibinigay ni Jehova bilang nagpapatotoo “na si Jehova ay lubhang malumanay sa pagmamahal at maawain.”—Santiago 5:11.
Posible ba ang Pagmamahal Para kay Jehova?
Kung gayon si Jehova ay maaaring magkaroon ng malumanay na pagmamahal sa nag-iingat-katapatan—bagama’t di-sakdal—na mga tao. Subalit yamang ang ibig sabihin ng pagmamahal ay ang pagkakaroon ng malapit, mainit na pagkamatuwain sa isa, posible ba para sa di-sakdal na mga tao na magkaroon ng pagmamahal sa Pansansinukob na Soberano, si Jehova?
Oo, ito ay posible. Ang isang litaw na halimbawa ng isang taong nagkaroon ng mainit na pagmamahal kay Jehova ay si David. Ito’y makikita buhat sa kaniyang maraming mga awit. Ganiyan na lang ang pagpapahalaga niya sa maibiging pangangalaga ni Jehova bilang isang Pastol.—Awit 18:1; 23:1-6.
Si Jehova ay maaaring maging napakalapit, tunay na tunay, sa atin na anupa’t maari tayong magkaroon ng personal na pagmamahal, o pagkamatuwain, sa kaniya. Sa katunayan, dapat tayong magkaroon ng malapit, mainit na pagmamahal na ito sa ating Maylikha at ito’y malinaw na makikita sa una at pinakadakilang utos. Ayon dito, kailangang ating ‘ibigin si Jehova ng ating buong puso, ating buong kaluluwa, ating buong isip at ating buong lakas.’—Marcos 12:29, 30.
Paglinang ng Mainit na Pagmamahal kay Jehova
Kung gayon, paano natin malilinang ang mainit na pagmamahal na ito kay Jehova? Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng patuloy na tumitinding pagpapahalaga sa isang maibigin, mapagmahal na makalangit na Ama. Ito’y magagawa natin sa pamamagitan ng pagtatabi ng panahon upang basahin ang kaniyang Salita, ang Bibliya, nang palagian. Lalung-lalo nang makabubuti na basahin natin ang mga bahagi na gaya ng mga Awit, mga Ebanghelyo at mga liham ng apostol.
Ang isa pang malaking tulong sa paglinang ng mainit na pagmamahal kay Jehova ay ang pagpapaunlad ng espiritu ng pagpapahalaga at pasasalamat sa kaniyang maraming pagpapala. Ituring na lahat ng mabubuting bagay ay sa kaniya nanggagaling, sapagkat, “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay . . . bumababa buhat sa Ama ng makalangit na liwanag.” Oo, ang mga payo ng Kasulatan na magpasalamat sa Diyos ay napakarami, lalo na sa aklat ng mga Awit at sa mga liham ni Pablo. Ang isang halimbawa ay ang mga salita ng apostol: “Sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo [ay] magpasalamat na lagi para sa lahat ng bagay sa ating Diyos at Ama.”—Santiago 1:17; Efeso 5:20.
Ang isa pang tumutulong sa atin na magkaroon ng matimyas na pagmamahal sa Diyos na Jehova ay ang panalangin—taus-puso, taimtim at mapagpakumbabang mga panalangin at pagsusumamo na pinararating sa ating mapagmahal na makalangit na Ama. Sa panalangin ay binabanggit natin ang maiinam na katangian ni Jehova, ang kaniyang kabutihan sa atin at ang ating pangangailangan sa kaniya. At sa panalangin ay nagmamakaawa rin tayo sa kaniya na patawarin ang ating mga kasalanan, gaya ng panalangin ni David sa Awit 51. Kaya naman, lahat na ito ay naglalakip ng lalong higit sa atin kay Jehova at lalong pinatitibay ang ating pagmamahal sa kaniya.
Kung Paano Tayo Tinutulungan ng Pagmamahal kay Jehova
Kung ating nililinang ang mainit, personal na pagmamahal na ito sa Diyos na Jehova, na taimtim na iniibig natin siya ng ating buong puso, kaluluwa, isip at lakas, ano ngayon? Ito ay tutulong sa atin na lumakad sa daan na nakalulugod sa Diyos at maiiwasan din natin ang maraming mga kalungkutan at dalamhati. Yaong mga Kristiyano na nagkakaroon ng suliranin dahilan sa malubhang paglabag sa matuwid na mga batas ng Diyos ay malamang na hindi naglinang ng mainit na kaugnayang ito sa makalangit na Ama.
Halimbawa, nariyan ang isang kabataang Kristiyano, na halos kalalampas lamang sa kaniyang pagkatin-edyer, na nagkaroon ng pagkakataon na makilahok sa buong-panahong paglilingkod. Subalit siya ay naging pabaya tungkol sa “mga gawa ng laman” at kinailangan na siya’y disiplinahin. (Galacia 5:19-21) Nang mamulat siya sa kalubhaan ng kaniyang nagawang pagkakasala, siya ay taimtim na nagsisi. Subalit kaniyang nakaligtaan ang dapat sana’y nangibabaw sa kaniyang isip, samakatuwid nga, ang kadustaan na idudulot sa pangalan ni Jehova ng kaniyang ginawang kasalanan. Kung ang binatang ito ay nagkaroon ng isang mainit, personal na relasyon sa kaniyang makalangit na Ama, malamang na iyon ay nagsilbing panghadlang.
Tinanong ni Jesus si Pedro kung ito’y mayroon hindi lamang pag-ibig kundi pagmamahal sa kaniyang Panginoon. Nang tumugon ng oo si Pedro, sinabi ni Jesus, “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Ganiyan din kung tungkol sa ating pagmamahal kay Jehova. Ang gayong pagmamahal ay tutulong sa atin na pag-isipan na palugdan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod ng kaniyang mga utos. Pag-iisipan natin na siya’y huwag dulutan ng anumang hindi niya kalulugdan, upang huwag nating masaktan ang kaniyang damdamin. Gaya ng ipinaalaala sa atin ni apostol Pablo, kung tayo’y uurong ng paggawa ng kalooban ni Jehova, Siya’y hindi malulugod sa atin. Tiyak na hindi natin gustong mangyari iyan sa atin, di ba? (Hebreo 10:38, 39) Anong lalong higit na mabuti na magkaroon ng pananampalataya at tunay na mainit na pagmamahal sa ating maibiging Diyos!
Kung gayon, pagyamanin natin ang isang mainit na pagmamahal sa Diyos na Jehova. Magagawa natin sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, pagbubulay-bulay sa kaniyang kabutihan sa espiritu ng pasasalamat, ng pagtitiyaga sa pananalangin at pagsisikap na palugdan siya sa pamamagitan ng ating iniaasal at ng ating masigasig na ministeryo sa paghahayag ng kaniyang pangalan at kaharian.