Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Yamang may tinutukoy ang Bibliya na mga “pinahiran” sapagka’t sila’y pantanging pinili ng Diyos, lahat ba ng tagapangasiwa ngayon ay maaaring tawaging “mga pinahiran”?
Ang salitang Hebreo at Griego para sa “pinahiran” ay may diwa na kulapulan, halimbawa ng langis. Ang “pahiran” ay maaari ring gamitin nang ibuhos ang banal na espiritu, kay Jesus at sa mga Kristiyano na mga kasamahang tagapagmana ni Jesus.—Genesis 28:18, 19; 31:13; Awit 133:2; 45:7; Isaias 61:1; Lucas 4:18; Hebreo 1:9; Efeso 1:13, 14.
Kung minsan ang “pinahiran” ay ginagamit may kaugnayan sa isa na pinili para sa isang pantanging papel o tungkulin. Si Elias ay inutusan na “pahiran si Hazael bilang hari sa Siria” at ‘si Eliseo bilang propeta na hahalili sa iyo.’ (1 Hari 19:15, 16) Walang tekstong nagsasabi na sila’y pinahiran ng literal na langis, gaya ni Jehu. (2 Hari 9:1-6) Si Ciro na Persiyano ay hindi binuhusan ng literal na langis o ng banal na espiritu, subali’t siya’y tinagurian na pinahiran ni Jehova sapagka’t binigyan siya ng espesipikong papel na gagampanan. (Isaias 45:1) Si Moises ay maaaring tukuyin bilang “ang Kristo [pinahiran]” sapagka’t siya’y isinugo ng Diyos sa isang pantanging gawain.—Hebreo 11:26.
Komusta naman ang mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon? Sa Gawa 20:28 sinabihan sila ni apostol Pablo na “hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa.” Iyan ay nang lahat ng Kristiyano na aprobado ng Diyos ay pinahiran ng banal na espiritu at tinawag para sa buhay sa langit.—2 Corinto 1:21, 22; 1 Juan 2:20, 27.
Sa pagsasabing “hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa,” hindi ginamit ni Pablo ang salitang Griego para sa pinahiran. Kaniyang ginamit ang isang anyo ng salitang tithemi, na ibig sabihin ilagay, ipuwesto, itatag, hirangin.—Ihambing ang Marcos 4:21; 16:6; 1 Corinto 3:10; 9:18; 15:25; 2 Timoteo 1:11; Hebreo 1:2.
Ginagamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa paghirang, pagsusugo, o paglalagay, ng matatanda sa kani-kanilang puwesto. Subali’t hindi wastong tukuyin na lahat ng tagapangasiwa sa kongregasyon ay pinahiran. Baka ang maging resulta ay pagkalito, sapagka’t maling nagpapahiwatig na lahat ng matatanda ay pinahiran ng banal na espiritu at tinawag para sa buhay sa langit. Karamihan ng tagapangasiwa sa mga kongregasyon ngayon, ay may pag-asang buhay na walang hanggan sa isasauling makalupang Paraiso.
◼ Sa 1 Timoteo 4:10 ay tinatawag ang Diyos na siyang “Tagapagligtas sa lahat ng uri ng tao, lalung-lalo na sa mga nagsisisampalataya. Kung gayon, mayroon bang mga di-sumasampalataya na maliligtas?
Wala. Ang punto ay na tiyak ang kaligtasan bukud-tangi para sa nagsisisampalataya.
Ipinabatid ni apostol Pablo kay Timoteo na ang napapakinabang sa banal na debosyon ay na “may pangako ng buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:6-8) Pagkatapos ay sumulat si Pablo: “Sapagka’t dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka’t may pag-asa kami sa Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng uri ng tao, lalung-lalo na sa mga nagsisisampalataya.”—1 Timoteo 4:10.
Sa lahat ng tao ay iniaalok ng Diyos ang kaligtasan. Gaya ng isinulat ni Pablo: “May isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus, na ibinigay ang kaniyang sarili na isang katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:5, 6) Nguni’t sino ang tutugon sa pagtubos, na ang pipiliin ay buhay imbis na kamatayan? (Deuteronomio 30:19, 20) May mga taong tumatanggi sa Kristiyanong balita ng kaligtasan, sa iba naman, ang ‘binhi’ ay nag-uugat at lumalaki nang sandali, nguni’t pagtatagal ay kanilang hinahayaan na ang pagsalansang, materyalismo at iba pa ang makahadlang sa kanila sa pagtatamo ng kaligtasan.—Mateo 13:3-8.
Samakatuwid bagaman ang kaligtasang iniaalok ng Diyos ay para sa lahat, ang resulta ng takbo ng mga bagay ang magpapatunay na ang kaligtasan ay bukud-tanging para sa “mga nagsisisampalataya.” Kaya naman ipinayo ni apostol Pedro: “Kaya, mga kapatid, lalong pagsumikapan ninyo na mapanatag kayo sa pagkatawag at pagkapili sa inyo; sapagka’t kung patuloy na gagawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mabibigo kailanman.”—2 Pedro 1:10; Juan 3:16.