Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 1/1 p. 27-30
  • Ang Pagkakilala ng Kristiyano sa Kayamanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagkakilala ng Kristiyano sa Kayamanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ibig Mo Bang Yumaman Ka?
  • Ikaw ba’y Mayaman?
  • Ang Pagpapala ni Jehova ang Nagpapayaman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kayamanan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Determinadong Maging Mayaman sa Espirituwal
    Gumising!—2007
  • Paano Ka Magkakaroon ng Timbang na Pangmalas sa Salapi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 1/1 p. 27-30

Ang Pagkakilala ng Kristiyano sa Kayamanan

NABASA mo na ba kamakailan ang unang liham ni apostol Pablo kay Timoteo, lalo na ang kabanata 1 Tim 6:6-19? Idinidiin dito ang bahaging dapat gampanan ng kayamanan upang makapanatiling timbang ang mga Kristiyano. Tinutukoy ng liham na si Timoteo ay naninirahan sa mayamang lunsod ng Efeso. Ang mga Kristiyanong namumuhay sa malaking sentrong iyon ng komersiyo ay kailangang makipagbaka sa hilig na malasin ang makasanlibutang kayamanan bilang isang malaking bagay. Sa maikli, ang mga talatang ito ay nagpapayo: Maging kontento na sa mayroon ka, at huwag kang maghangad na yumaman; yaong mayayaman na, huwag ilagak ang inyong pag-asa sa mga bagay na materyal. Sa halip, lahat ay dapat maging mayaman sa mabubuting gawa at lahat ay dapat magpakita ng kagandahang-loob sa kapuwa.

Ang hindi timbang na pagkakilala sa kayamanan ay nag-uudyok sa mga tao na maging sakim. Ang kasakiman ang unti-unti nguni’t sigurado na nagpapaluwag sa mahigpit na pagkahawak ng Kristiyano sa matatag na mga turo ni Kristo. Palibhasa’y nakahiwalay na siya sa malinaw na pagkakilala sa katotohanan, siya ngayon ay napapasangkot na sa patung-patong na mga suliranin sa kaniyang pakikitungo sa mga tao sa loob at sa labas ng kongregasyon. Ito’y maaaring humantong “sa wala kundi paninibugho, pag-aaway-away, insulto at malisyosong pagpaparunggitan​—patuloy na pagtatalu-talo, sa katunayan, sa gitna ng mga taong may likong mga pag-iisip na wala nang talaga sa katotohanan kundi umaasa lamang na may mapapakinabang sa relihiyong Kristiyano.”​—1 Timoteo 6:3-5, Phillips.

Ganiyan ang nangyayari sa mga gumagamit sa mga koneksiyon nila sa mga kapuwa Kristiyano para sila magkamit ng “pakinabang” na salapi. Naiwawala nila ang tunay na mga kayamanan na dulot lamang ng maka-Diyos na debosyon, ang “pangako ng buhay ngayon at yaong darating.” Sa gayon, ang payo ni Pablo sa lahat ay “maging kontento” sa “pagkain at pananamit.”​—1 Timoteo 4:8; 6:8.

Ibig Mo Bang Yumaman Ka?

Pagka ang taong mayaman ay nagtaas ng kaniyang sarili sa isang pedestal, baka madama ng iba na sila’y pagkaliit-liit, at mapukaw sa kanila ang inggit at pagkatapos ay ang matinding hangaring yumaman o kung hindi man ay mabili nila ang mga bagay na nabibili ng mayayaman. O dahil sa kanilang kainggitan ay baka isipin nila na matuwid lamang na pagsamantalahan nila ang mayayaman pati kanilang kayamanan sa pamamagitan ng pangingikil sa kanila ng salapi na nagsisilbing utang nguni’t iniiwasan nilang bayaran. Salamat na lamang at ang 1 Timoteo 6:6-16 ay nagbibigay ng mabuting payo tungkol sa kung papaano at kung bakit dapat iwasan ng mga Kristiyano ang nakapagpapahamak na hangaring yumaman.

◻ 6:6-8​—Pambihira na ang pagkakontento’y bunga ng kayamanan, subali’t ito ay laging kaagapay ng maka-Diyos na debosyon. Bakit mo nanasain ang mga bagay na mayroon ang iba? Ang mga ito’y pansamantala lamang, sapagka’t tayo’y walang dalang anuman nang tayo’y pumarito sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas pag-alis natin.

◻ 6:9​—Hindi lahat ng mayayaman kundi yaong “mga disididong yumaman” ang, tulad ng walang isip na hayop, kakapit sa kaakit-akit na pain, mahahalubid sa silo, at mahuhuli na at hindi makakawala sa “kapinsa-pinsalang mga hangarin” na “nagbubulusok” sa mga tao sa kapahamakan (sa literal, kinakaladkad sila sa ilalim).

◻ 6:10​—Lahat ng kung anu-anong bagay na masasama ay bunga ng “pag-ibig sa salapi.” Dahilan sa salapi ay pinilipit ng mga tao ang katuwiran, sila’y nagnakaw, nagpatutot, pumatay ng kapuwa, nagtaksil sa iba at hinuwad ang katotohanan. Walang ano mang mabuti na nanggagaling sa ganitong uri ng pag-ibig. Bakit? Sapagka’t ito’y nag-uugat sa masama. Yamang karamihan ng ugat ay nakakubli, hindi gaanong alam ng walang malay na Kristiyano ang pagkalaki-laking kapangyarihan ng “pag-ibig sa salapi” na umakay sa kasamaan. Kahit na lamang “sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito”​—hindi ang pagkakaroon ng salapi​—kung kaya “ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” Ang resulta ay isang tao na ‘tinuhog ng maraming pasakit sa emosyon, sa katawan at sa espiritu’ dahilan sa pagsusumakit sa kayamanan. Kung kayamanan lamang ay hindi nagdudulot ng kaligayahan.

◻ 6:11-16​—Sa halip na habulin ang kayamanan, ang mga pantas na Kristiyano ay tumatakas buhat sa kasakiman. Hindi napakalaki ang aguwat ng kaligtasan. Kanilang ginugugol ang kanilang lakas sa pagkakamit ng mga katangian ng “katuwiran, maka-Diyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, kahinahunan” upang sila’y “makahawak nang mahigpit sa buhay na walang hanggan,” at maging “walang dungis at walang kapintasan” sa paningin ni Jehova, ni Kristo at ng mga kapananampalataya.

Ikaw ba’y Mayaman?

Ang iba sa mga Kristiyano noong unang siglo ay mayayaman. Kanilang namana ang kanilang kayamanan o dili kaya’y kinamit nila iyon sa paraang walang kapintasan sa pamamagitan ng negosyo. Halimbawa, si Lydia na taga-Filipos ay isang negosyanteng nagbibili ng pangkulay o de-kulor na mga tela. Yamang ang pangkulay-ube at ang mga kasuotang may gayong kulay ay magastos, malamang na si Lydia ay mayaman. Papaano niya ginamit ang kaniyang kayamanan? Siya’y hindi nagpasikat. May kababaang-loob na ginamit niya ang kaniyang mga pag-aari upang magpakita ng tunay na kagandahang-loob ng isang Kristiyano at upang mapalaganap ang mabuting balita. Nakatutuwang malaman na sa ngayon ay mayroon ding mga tao na may gayong kalooban.​—Gawa 16:14, 15, 40.

Ang 1 Timoteo 6:17-19 ay may magandang payo sa mga ibig tumulad kay Lydia.

◻ 6:17​—Imbis na ipagmayabang ang kayamanan, ang mayayaman ay pinayuhan na magpakita ng kababaang-loob​—huwag isiping sila’y mas magagaling kaysa mga dukha. Dapat patunayan ng kanilang pamumuhay sa mga nagmamasid sa kanila na ang talagang pinagtitiwalaan nila ay hindi ang kayamanan, kundi, yaong mga bagay na may kinalaman sa Diyos. Kaya naman sa ganito’y hindi sila naglalagay ng katitisuran sa harap ng mga taong di-mayayaman; hindi sila pumupukaw ng kasakiman na ang sanhi’y pagkainggit. At, huwag nilang kalilimutan na ang materyal na ari-arian at kayamanan ay walang kasiguruhan at maaaring matunaw nang mabilis pa kaysa yelo pagka sinikatan ng mainit na araw.

◻ 6:18, 19​—Gamitin at pakinabangan ang iyong kayamanan upang matulungan ka at ang iba na maglingkod kay Jehova, ito ang payo ni Pablo. Ang mayayaman ay dapat sumagana sa mabubuting gawa, handang magbigay ng materyal na tulong sa talagang may pisikal na pangangailangan, at maligayang makisama sa lahat sa kongregasyon, pati na sa pinakadukha at pinakaaba.

Ibig bang sabihin na ang mga hindi mayayaman ay makahihingi na sila’y palaging bigyan ng kanilang mayayamang kapananampalataya? Hindi. Binanggit sa 2 Tesalonica 3:10-12 at 1 Timoteo 5: 8, na bawa’t may kakayahang Kristiyano ay obligadong magtrabaho upang matustusan ang kaniyang sariling sambahayan. Kaya’t kung ang isang tao’y ayaw magtrabaho, ang pagbibigay sa kaniya ng salapi ay hindi talagang makatutulong. Ganiyan din kung tungkol sa nagwawaldas ng kanilang salapi. Ang pagbibigay ng higit pang salapi sa kaniya ay hindi tunay na makatutulong. Subali’t anong laking pagpapala sa kongregasyon pagka ang tapat na mga mananampalataya na tunay na nangangailangan ay may kagandahang-loob na binigyan ng pisikal o espirituwal na tulong. Sa ganitong paraan, lahat ng puso ay nakatuon sa pagtitipon sa langit ng kayamanan na maghahatid ng saganang pakinabang bilang espirituwal na mga kagantihan na nanggagaling kay Jehova.

Kung gayon, lahat tayo ngayon ay dapat na nag-iisip tungkol sa ating katayuan sa harap ng Diyos at ni Kristo. Ang Kawikaan 11:4 ay nagpapagunita sa atin: “Ang kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng poot, nguni’t ang katuwiran ay magliligtas buhat sa kamatayan.” Kaya’t bakit magpapakalabis ka ng paggamit sa naghihingalong sanlibutang ito na nagbabago? (1 Corinto 7:29-31) Limitado ang panahon natin upang makapagtipon ng mabubuting gawa. Harinawang masumpungan tayo na isang bayan na may saganang kayamanan sa langit.​—Mateo 6:20.

[Larawan sa pahina 28]

Ginamit ni Lydia ang kaniyang kayamanan upang tumulong sa iba at sa pagpapalaganap ng mabuting balita

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share