Itinadhana Ka ba ng Diyos sa Kapalaran Mo?
MARAMING tao ang kumbinsido na ang isang tao’y itinatadhana ng Diyos sa kapalaran ng taong iyon. At inaakala nilang pinatutunayan ito ng Bibliya.
Halimbawa, babanggitin ng iba ang halimbawa ni Esau at ni Jacob. Sila’y nasa bahaybata pa nang salitain ng Diyos ang mangyayari sa kanila na ganito: “Ang matanda ay maglilingkod sa bata.” (Genesis 25:23) Gayundin, alam na ng Diyos antimano na sina Samson, Jeremias at Juan Bautista ay gaganap ng makapangyarihang mga gawa sa paglilingkod sa kaniya. (Hukom 13:3-5; Jeremias 1:5; Lucas 1:13-17) Hindi ba ibig sabihin nito na ang gayong mga tao ay itinalaga na antimano sa walang hanggang kaligtasan?
Isa pa, komusta naman si Judas Iscariote? Matagal pa bago siya isinilang, ang mga hula ng Kasulatan ay bumabanggit ng pagkakanulo sa Mesiyas. (Awit 41:9; 55:12, 13) Sinasabi pa ng Bibliya na “buhat pa nang una” ay batid na ni Jesu-Kristo kung sino ang magkakanulo sa kaniya.—Juan 6:64.
Sa liwanag ng nabanggit na, ano ang sasabihin mo? Itinuturo ba ng Bibliya na ang iba’y itinadhana ng Diyos sa walang hanggang kaligtasan at ang iba naman ay sa paghatol? Itinadhana ka ba ng Diyos sa kapalaran mo?
Kapalaran—Mga Ipinahihiwatig
Bago sagutin ang mga tanong na ito, isaalang-alang muna ang mga ipinahihiwatig ng pagtatadhana sa kapalaran. Kung totoo ang doktrinang ito, mangangahulugan na alam na antimano ng Diyos ang lahat ng ibubunga ng kaniyang pagkalikha sa tao—ang pagkakasala ni Adan at Eva, ang mga digmaan, ang krimen, ang imoralidad, ang mga pang-aapi, ang pagsisinungaling, ang pagpapaimbabaw, ang mga sakit. Sa pagsasabing, “Lalangin natin ang tao,” sadyang paandarin ng Diyos ang lahat ng kabalakyutang ito! (Genesis 1:26) Ang paglalagay ng Diyos sa harap nina Adan at Eva ng pag-asang matamo ang buhay na walang hanggan ay magiging pabalat-bunga lamang kung gayon. Gayundin ang anyaya ng Bibliya na, “At ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.”—Apocalipsis 22:17.
Subali’t sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay isang Diyos na “sagana sa kagandahang-loob at sa katotohanan.” (Exodo 34:6) Hindi siya mag-aalok ng isang bagay na alam niyang imposibleng kamtin ng sinuman. Ang tanong ni Jesu-Kristo: “Sino sa inyo ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak—hindi niya bibigyan ito ng bato, di ba? . . . Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?” (Mateo 7:9-11) Isa pa, kung itinadhana na antimano ng Diyos noon pa man ang mga taong magkakamit ng kaligtasan at yaong pupuksain nang walang hanggan, bakit sinasabi ng Bibliya na “si Jehova . . . ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya’y magsisi ang lahat”?—2 Pedro 3:9.
Samakatuwid, ang pagtatadhana sa kapalaran ay salungat sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos. ‘Subali’t hindi ba ang paglalagay ng limitasyon sa kaalaman ng Diyos tungkol sa hinaharap ay isang paninira sa kaniyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat?’ marahil ay itatanong mo. Hindi naman. Sa Tito 1:2, halimbawa, sinasabi na “ang Diyos . . . ay hindi maaaring magsinungaling.” Nguni’t ito ba’y nakasisira sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Hindi, kundi, pinatitingkad pa nga ang pagiging totoo ng Diyos.
Ang mga Kristiyanong may kaloob na manghula ay pinayuhan ni apostol Pablo: “Ang mga kaloob ng espiritu sa mga propeta ay kailangang kontrolado ng mga propeta. Sapagka’t ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:32, 33) Ang gayong mga propeta ay hindi dapat magsalita nang walang patumangga kundi ang kanilang mga hulang pasabi ay kailangang ipamahagi nila sa maayos na paraan. Dito, ang pagpipigil-sa-sarili ang kinakailangan. Kung gayon, tiyak na ang patiunang kaalaman niya ay ginagamit din ng Diyos sa minamarapat niyang mga paraan, kung mayroong dahilan o layunin sa gayong paggamit.—Ihambing ang Genesis 22:1, 12.
Ang Patiunang Kaalaman ng Diyos
Makalipas lamang ang 40 taon pagkatapos na maorganisa ang mga Israelita bilang isang bansa, inihula ng Diyos na kanilang sisirain ang pakikipagtipan nila sa kaniya. Gayunman, may batayan ang gayong patiunang kaalaman niya, sapagka’t bilang isang bansa ay masuwayin na sila at mapaghimagsik. Kaya naman sinabi ng Diyos: “Sapagka’t alam ko ang kanilang iniisip na kanilang inaakala ngayon pa bago ko sila ipasok sa lupain na isinumpa ko sa kanila.” (Deuteronomio 31:20, 21) Kung paanong ang isang mahusay na inhenyero ay makapanghuhula na babagsak ang isang gusali na ginamitan ng mahihinang materyales, gayundin na nakikita ni Jehova ang direksiyon na tinutungo ng mga bansa. Gayunman, ang isahang mga tao ay maaaring tumugon at tumugon nga sila at sa gayo’y nakinabang sa payo na ibinigay ng mga propeta ng Diyos.—Jeremias 21:8, 9; Ezekiel 33:1-20.
Gayundin na si Jesu-Kristo ay humula na mapapahamak ang mga pinunong relihiyoso na tinatawag na mga eskriba at mga Fariseo. (Mateo 23:15, 33) Gayunman, hindi ibig sabihin na bawa’t Fariseo o eskriba ay tutungo sa Gehenna. Si apostol Pablo mismo ay isang dating masigasig na Fariseo!—Gawa 26:4, 5.
Totoo, inihula ng Diyos ang landas na tatahakin ng mga ilang tao, gaya baga ni Jacob at ni Esau. Subali’t ito’y hindi pagtatadhana sa kapalaran. Sa kaso ni Esau at ni Jacob, ang alam lamang ng Diyos antimano ay kung alin sa mga bansang manggagaling sa kanila ang mangingibabaw sa iba. (Genesis 25:23-26) Gayunman, walang ipinakikita na itinakda ng Diyos ang kanilang walang hanggang kapalaran. Ang pangkalahatang ugali at asal ng isang bata ay lumilitaw na hinuhubog ng mga minana sa magulang. Maaaring isinaalang-alang ni Jehova ang gayong mga ugali at asal na mamanahin ng ipinagbubuntis na sina Esau at Jacob sa pag-alam niya kung alin sa dalawang ito ang mananaig doon sa isa.—Ihambing ang Awit 139:14-16.
Gayundin, ginamit ni Jehova ang kaniyang patiunang kaalaman tungkol kay Samson, Jeremias at Juan Bautista. Gayunman, ang patiunang kaalamang ito ay hindi garantiya na sila’y mananatiling tapat hanggang kamatayan. Inihula rin ng Diyos na ang isa sa mga anak ni David ay panganganlan ng Salomon at na si Salomon ay gagamitin upang magtayo ng templo. (1 Cronica 22:9, 10) Datapuwa’t, si Salomon ay naging isang apostata noong siya’y matanda na.—1 Hari 11:4, 9-13.
Nguni’t komusta naman si Judas Iscariote? Hindi ba ang pagtataksil ng isa sa mga alagad ni Jesus ay maliwanag na inihula na nang patiuna? Oo, nguni’t hindi tinukoy ng mga hula kung aling alagad ang magkakanulo? Ano kaya kung alam na antimano ni Jesus na siya’y ipagkakanulo ni Judas? Kung gayon, ang ganoong pagpili ni Jesus kay Judas bilang isang apostol ay ‘magdadamay’ sa Kaniya sa mga kasalanan ng traidor na iyan. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:22.) Ang Diyos man ay magiging kasapakat din, sapagka’t taimtim na nanalangin muna si Jesus kay Jehova bago niya pinili si Judas.—Lucas 6:12-16.
Subali’t, si Jehova’y ‘hindi walang-malay sa mga hangarin ni Satanas.’ (Ihambing ang 2 Corinto 2:11.) Batid niya na ginamit ni Satanas na Diyablo ang isang matalik na kaibigan ng isang tao upang magtaksil sa kaniya, gaya sa kaso ng kaibigan ni David na si Ahithophel. Samakatuwid, si Satanas, hindi ang Diyos, ang “naglagay sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo” si Jesu-Kristo. (Juan 13:2; 2 Samuel 15:31) Imbis na labanan ang impluwensiya ni Satanas, si Judas ay napadaig sa kasalanan. At nabasa naman ni Jesus ang nasa puso ni Judas at sa gayo’y nahulaan niya ang gagawin nitong pagkakanulo. (Juan 13:10, 11) Sa gayo’y batid ni Jesus ang gagawin ni Judas na pagkakanulo buhat pa “nang una”—hindi dahil sa nakikilala niya si Judas, kundi buhat pa “nang una” na kumilos nang patraidor ang isang iyan.—Juan 6:64.
Patiunang Itinalaga Na ng Diyos
Samakatuwid, ang paggamit ng Diyos ng patiunang kaalaman ay hindi bunga ng ano mang kapritso niya. Sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano ay sinabi ni apostol Pablo: “Noong una pa ay itinalaga na tayo ayon sa layunin niya [ng Diyos na Jehova] na nagpapakilos ng lahat ng bagay ayon sa ipinapayo ng kaniyang kalooban.” (Efeso 1:11) Sapol nang mahulog ang tao sa pagkakasala, naging layunin na ng Diyos na ipagbangong-puri ang Kaniyang pangalan sa pamamagitan ng Kaniyang Kaharian. Kaya naman, may mga panahon na ginagamit ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan na makita ang mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, kaniyang itinalaga noong una pa na magkakaroon ng isang pangkat ng mga kasamang tagapagmana si Jesu-Kristo sa Kaharian, bagaman ang mga indibiduwal ay kailangang magpatunay na tapat upang maging bahagi niyaon.—2 Pedro 1:10, 11.
Ang pagkaalam ng malinaw na turo ng Bibliya tungkol dito ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mainam na pangitain tungkol sa hinaharap. Hindi ka itinadhana ng Diyos sa iyong kapalaran. Sa halip, malaya mong magagamit ang iyong sariling kalooban na isinangkap ng Diyos na Jehova sa mga nilalang na ginawa “ayon sa kaniyang larawan.” (Genesis 1:27) Makagagawa ka ng matalinong pagpili at buong-pusong makatutugon sa inihahandog ng Diyos na Jehova na buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 5]
Kung alam ng Diyos na sina Adan at Eva ay nakatalagang magkasala, ang paglalagay sa harapan nila ng buhay na walang hanggan ay isang malupit na pandaraya
[Larawan sa pahina 6]
Alam ba ni Jesus na ipagkakanulo siya ni Judas?