Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 1/15 p. 10-15
  • Organisado Upang Maglingkod kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Organisado Upang Maglingkod kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahal ba Tayo ng Diyos?
  • Si Jehova​—Isang Diyos ng Organisasyon
  • Komusta Naman sa mga Kristiyano?
  • Bakit Kailangang Maging Organisadong Mainam Ngayon?
  • May Organisasyon ba ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Si Jehova​—Isang Organisadong Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Nakikitang Organisasyon ng Diyos
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Bakit Bumuo ng Isang Organisasyon ang Diyos?
    Magandang Balita Mula sa Diyos!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 1/15 p. 10-15

Organisado Upang Maglingkod kay Jehova

“Ang dahilan kung bakit kita iniwan sa Creta ay upang organisahin mo roon ang lahat ng bagay.”​—TITO 1:5, The Jerusalem Bible.

1. Ano ang sinabi ng unang pangulo ng Estados Unidos tungkol sa mga pagkakaiba ng relihiyon?

SA ISANG personal na liham noong Oktubre 20, 1792, ang unang pangulo ng Estados Unidos, si George Washington, ay sumulat: “Sa lahat ng matinding pagkakapootan na umiiral sa gitna ng mga tao, yaong ang sanhi’y mga pagkakaiba ng relihiyon ang lumalabas na pinakamatitindi at pinagmumulan ng alitan, at dapat na itakuwil. Inaasahan kong ang naliwanagan at liberal na patakaran, na umiiral sa kasalukuyang panahon, ay may magagawa upang magkasundo ang mga Kristiyano sa lahat ng denominasyon upang huwag na nating makita na ang kanilang pag-aawayan sa relihiyon ay humantong pa sa anumang magsasapanganib ng kapayapaan ng lipunan.”

2. Paano ba naapektuhan ang iba ng pag-iral ng napakaraming relihiyon?

2 Sa ngayon, marami rin ang nahahapis dahilan sa napakaraming relihiyon at kanilang itinakuwil ang lahat ng relihiyon. Ang iba ay may mga relihiyong kinaaniban nguni’t ang sabi nila’y mayroon daw silang ‘personal na kaugnayan sa Diyos.’ Ano bang talaga ang mga katotohanan? Ang Diyos ba’y nakikitungo sa isa-isang mga tao sa isahan lamang paraan? Tungkol dito ay ano ba ang ipinakikita ng Bibliya?

Mahal ba Tayo ng Diyos?

3. Sa pamamagitan ng mga teksto sa Kasulatan, paano mo sasagutin ang tanong na, May pagtingin ba sa atin ang Diyos bilang isahang mga tao?

3 Ipinakikita ng Kasulatan na si Jehova ay may pagtingin sa mga tao bilang mga indibiduwal. Halimbawa, sa larangan ng relasyon ng mga tao, sa Salita ng Diyos ay mayroong sinasabi na tulad nito: “Sinumang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya.” “Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya, nguni’t siyang kumakalinga sa dukha ay lumuluwalhati sa Kaniya,” samakatuwid nga, si Jehovang Diyos. (Kawikaan 17:5; 14:31) Ang totoo, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawa’t nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16, 36) Gayundin, sinabi ni apostol Pedro: “Tunay ngang talastas ko na hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao, kundi sa bawa’t bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Kaya’t si Jehova ay may pagtingin sa isahang mga tao at mahal niya yaong natatakot sa kaniya at gumagawa ng mabuti.

4. Anong mga tanong ang bumabangon para ating isaalang-alang?

4 Sinasabi rin ng Bibliya: “Nakikilala ni Jehova ang mga kaniya.” (2 Timoteo 2:19) Nguni’t ibig bang sabihin na ang bukud-bukod na isahang mga tao sa maraming mga organisasyong relihiyoso ng sanlibutan ay kalugud-lugod sa Diyos? O dapat bang asahan na ang gayong mga tao ay magsasama-sama, at magiging organisado upang maglingkod kay Jehova?

Si Jehova​—Isang Diyos ng Organisasyon

5. Paano ba kumikilos ang mga anghel may kaugnayan kay Jehova?

5 Ang kinasihang Salita ng Diyos ay nagpapaunawa sa atin ng ilang bagay tungkol sa kaniyang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Halimbawa, nariyan ang di-nakikitang sangkalangitan. Magugulo ba ang mga kalagayan doon? Hinding-hindi! Ang laksa-laksang mga espiritung nilalang ay hindi kumikilos nang hiwalay kay Jehova sa isang padalus-dalos na paraan. Kundi, ating mababasa: “Purihin ninyo si Jehova, Oh ninyong mga anghel niya, ninyong makapangyarihan sa kalakasan, na gumaganap ng kaniyang salita, at nakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Purihin ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga hukbo niya, ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kalooban.” (Awit 103:20, 21) Maliwanag, ang mga banal na anghel ay organisadung-organisado upang maglingkod kay Jehova.

6. Pagkatapos ng Baha bilang ano nagsimula ang pamilya ni Noe?

6 Subali’t kumusta naman dito sa lupa? Bueno, sa Baha noong kaarawan ni Noe ay nalipol ang lahat ng organisasyon na umiiral noon sa lupa​—maliban sa isa. Si Noe at ang pito pang nakaligtas sa Baha ay lumunsad sa daong bilang isang organisasyon ng pamilya. Ang pinakamahalaga sa kanila ay ang nagkakaisang pagsamba sa Diyos, sapagka’t mababasa natin: “Si Noe ay nagtayo ng isang dambana kay Jehova at kinuha niya ang ilan sa lahat ng malilinis na hayop at lahat ng malilinis na ibon at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana.” Ang mga nakaligtas sa Baha ay hindi agad-agad lumakad ng kani-kaniyang lakad sa kanilang pagsamba, kundi silang lahat ay sama-sama para sa mahalagang pangyayaring ito na ang resulta’y pagpapala, at pagtanggap nila ng tagubilin at ng isang tipan buhat sa Diyos. (Genesis 8:18–9:17) Oo, pagkatapos ng Baha, ang pamilya ni Noe ay nagsimula bilang isang organisasyon na naglilingkod kay Jehova.

7. Kung tungkol sa organisasyon, ano ang matututuhan natin buhat sa aklat ng Exodo?

7 Ang mga inapo ni Abraham ay saganang pinagpala ni Jehova, at walang sinumang makatuwirang makapagkakaila na sila’y naging isang pambansang organisasyon sa wakas. Oo, sa aklat na lamang ng Bibliya na Exodo ay ipinakikita kung paano sila iniligtas sa pagkaalipin sa Ehipto at inurganisa bilang isang teokrasya! Ipinakikilala ng aklat na ito si Jehova bilang ang Diyos ng organisasyong teokratiko. Nang ang mga Israelita ay sumusunod sa Kautusan ng Diyos, sila’y nakakasamba sa kaniya bilang isang organisasyong maayos, matiwasay at maligaya. Hindi maikakaila na sila’y organisado upang maglingkod kay Jehova.a

8. Anong ebidensiya ng mainam na organisasyon ang nakita may kaugnayan sa paglilingkod sa makalupang santuaryo ni Jehova?

8 Ang ebidensiya ng mainam na organisasyon ay makikita may kaugnayan sa paglilingkod sa makalupang santuaryo ni Jehova. Halimbawa, tungkol sa mga Levita, ating mababasa: “Inurganisa sila ni David sa mga dibisyon ayon sa mga anak ni Levi: Gershom, Kohath at Merari.” Gayundin, nagtayo ng “mga dibisyon ng mga anak ni Aaron.” Sa tulong ni Zadok at ni Ahimelech, “sila’y inurganisa ni David ayon sa iniatas na mga gawain sa kanilang paglilingkod . . . Kanilang inurganisa sila sa pamamagitan ng palabunutan.” Pagtatagal, ating mababasa: “Si Jehoiada ay naglagay ng mga bantay sa bahay ng PANGINOON sa ilalim ng pangangasiwa ng mga saserdoteng Levita na inurganisa ni David para mag-asikaso sa bahay ng PANGINOON sa paghahandog ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, kasabay ng pagsasaya at ng pag-aawitan, ayon sa iniutos ni David.” (1 Cronica 23:2-6; 24:1-6; 2 Cronica 23:18, Revised Standard Version) Oo, nag-urganisa ng mga dibisyon ng mga saserdote at mga Levita upang maglingkod kay Jehova.

Komusta Naman sa mga Kristiyano?

9. Ano ang ebidensiya na inurganisa ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod para sa paglilingkod kay Jehova?

9 Nang si Jesu-Kristo’y nasa lupa, sa lahat ng sa kaniya’y sumasampalataya ay hindi niya sinabing sila’y magkani-kaniyang lakad at ibuhos ang kanilang isip sa isang ‘personal na kaugnayan sa Diyos.’ Bagkus, ang mga alagad ay nagkatipon kay Jesus, at sa kanila’y pumili siya ng 12 lalaki bilang mga apostol. Sila’y pinili pagkatapos ng isang gabing pananalangin at sa gayo’y sa tulong at pagsang-ayon ni Jehova. (Lucas 6:12-16) Ito’y nagpapakilala sa isang organisasyon na itinataguyod ng Diyos. Isa pa, inurganisa ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang maging isang tinuruang grupo ng mga tagapagbalita ng Kaharian. Halimbawa, siya’y nagbigay ng kinakailangang tagubilin sa tinuruan niyang 70 alagad na sinugo sa isang organisadong paraan.​—Lucas 10:1-24.

10. Paano ipinakikita ng Kasulatan na ang mga sinaunang alagad ni Jesus ay organisadong mainam?

10 Maliwanag na ipinakikita ng Kasulatang Griego Kristiyano na ang mga sinaunang alagad ni Jesus ay organisadong mainam. Sila’y hindi lamang sa personal na pagbabasa ng Kasulatan umasa. Kundi, natatag ang mga kongregasyon at regular na nagpupulong upang mag-aral ng Salita ng Diyos. Ang mga kongregasyong ito ay hindi nagsasariling mga yunit na independiyente, kundi sila’y gumagawang sama-sama sa pag-ibig. Halimbawa, ang mga kongregasyon ay nagpapalitan ng taus-pusong mga pagbabatian, at ang organisadong mga grupo sa Macedonia ay ‘patuloy na nakiusap na bigyan sila ng pribilehiyong magkawanggawa’ sa maralitang “mga banal” sa ibang lugar. (1 Corinto 16:19, 20; 2 Corinto 8:1-7; Colosas 4:14-16) Oo, ang mga unang kongregasyong Kristiyano ay nagtutulungan sa isa’t-isa sa ilalim ng pamamatnugot ng isang lupong tagapamahala na binubuo ng mga apostol at mga nakatatandang lalaki sa Jerusalem.​—Gawa 15:1–16:5.

11. Bakit dapat nating asahan na ang “kongregasyon ng Diyos” ay organisadong mainam?

11 Si Pablo ay tumulong sa pagtatatag ng ilan sa organisadong-mainam na mga kongregasyon na napatatag dahilan sa pagpapala ng Diyos sa gawaing pangangaral. Isa pa, sinabi ni Pablo na si Jehova “ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Binanggit din ng apostol na “inurganisa ng Diyos ang katawan” ng pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ayon sa Kaniyang minagaling. Sa gayon, dapat nating asahan na ang “kongregasyon ng Diyos” ay organisadong mainam at kikilos nang mapayapa, at nagkakasuwato.​—1 Corinto 14:33; 12:24, The Riverside New Testament; 1 Timoteo 3:5.

12, 13. (a) Ano ang sinabi tungkol sa mga kongregasyon na organisado ng mga apostol ni Jesus? (b) Tulad din ng mga kongregasyon noong unang siglo, sino ang nag-aasikaso sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova?

12 Tungkol sa organisasyon ng mga tagasunod ni Jesus, ang historyador na si J. L. von Mosheim ay sumulat: “Kung . . . ito’y hindi mapag-aalinlanganan ng sino mang Kristiyano, na ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay pinakilos ng isang makalangit na pag-uutos at patnubay, ang mga sinaunang iglesyang iyon na nanggaling sa iglesya ng Jerusalem, na itinayo at inurganisa ng mga apostol mismo, ay maituturing na buhat sa Diyos.”​—Institutes of Ecclesiastical History, Ancient and Modern, Tomo I, pahina 67-8.

13 Kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na ang mga kongregasyon noong unang siglo ng mga tagasunod ni Jesus ay organisado ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya naman, tulad din noon, sa mga Saksi ngayon ang mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod ay hinihirang ng banal na espiritu upang mag-asikaso sa mga kongregasyon.​—Gawa 20:28; Filipos 1:1.

14. (a) Paano ang pamamanihala sa mga kongregasyon Kristiyano noong unang siglo? (b) Bakit si Tito ay iniwan ni apostol Pablo sa Creta?

14 Noong unang siglo, ang mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem ang pangkalahatang mga tagapamanihala sa mga kongregasyon, bagaman may mga lalaking nangangasiwa sa partikular na mga lugar at maaari silang humirang ng kinatawan nila. (Gawa 14:21-23; 15:1, 2) Sa gayon, inatasan ni apostol Pablo ang Kristiyanong tagapangasiwang si Tito upang mag-asikaso ng mga ilang bagay sa isla ng Creta sa Mediteraneo. Tungkol dito, sinabi ni Pablo kay Tito: “Ang dahilan kung bakit kita iniwan sa Creta ay upang organisahin mo roon ang lahat ng bagay at humirang ng matatanda sa bawa’t bayan, ayon sa sinabi ko sa iyo.” (Tito 1:5, JB) Matitiyak natin na ang mga tagubiling nasa sulat kay Tito ay tumulong sa kaniya na gampanan ang gawaing iniatas sa kaniya upang ang mga Kristiyano roon ay maging organisadong mainam upang makapaglingkod kay Jehova.

Bakit Kailangang Maging Organisadong Mainam Ngayon?

15, 16. Sa anong mga dahilan masasabi natin na yaong mga kalugud-lugod kay Jehova ay hindi maaaring mayroon lamang ng ‘isang personal na kaugnayan sa Diyos’ at nakakalat sa lahat ng relihiyon ng sanlibutan?

15 Hanggang dito, ipinakita buhat sa Kasulatan na ang mabuting organisasyon ay isang palatandaan ng mga lingkod ni Jehova noong lumipas na panahon. Samakatuwid, pareho rin ang mga kalagayan ngayon. At mayroong napakainam na mga dahilan kung bakit ang modernong mga saksi ni Jehova ay dapat na organisadong mainam ngayon.

16 Yaong mga kalugud-lugod kay Jehova ay hindi maaaring mayroon lamang, bawa’t isa, na ‘personal na kaugnayan sa Diyos’ at nakakalat sa lahat ng relihiyon ng sanlibutan. Ang hinihiling ni Jehova ay tunay na pagsamba at saglit na lamang at wawakasan niya ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Juan 4:24; Santiago 1:27; Apocalipsis 18:1-8) Isa pa, pagkakaisa ang kahilingan sa mga tunay na Kristiyano. Sa ngayon lalung-lalo na kailangang sama-sama sila sa iisang organisasyon upang masunod nilang lubusan ang payo ni apostol Pablo: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.”​—1 Corinto 1:10.

17. Papaano ipinakikita ng mga salita ng Hebreo 10:24, 25 na ang mga lingkod ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ay kailangang maging bahagi ng iisang organisasyon?

17 Isa pa, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi dapat magpabaya sa pagtitipon nilang sama-sama sa regular na mga pagpupulong. Lalung-lalo na ngayon, habang patuloy na lumalapit ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (Hebreo 10:24, 25) Maliwanag, na upang masunod ang kinasihang payong iyan ang mga tunay na lingkod ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ay kailangang maging bahagi ng iisang organisasyon.

18. (a) Papaano ipinakikita ng 1 Juan 1:3 na lahat ng pinahirang mga Kristiyano ay kailangang sama-sama sa iisang organisasyon? (b) Sino ang napasama sa inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Jesus sa “panahon ng kawakasan” na ito, at ano ang mga katotohanan tungkol sa pagtutulungan ng mga Saksi ni Jehova?

18 Hinihiling ng Kasulatan ang pagsasama-sama ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus. Tungkol dito ay sumulat si apostol Juan: “Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo man ay magkaroon ng pakikipagkaisa [isang pakikibahagi; pakikisama] sa amin. At, gayundin, tayo’y may pakikipagkaisa sa Ama at sa kaniyang anak na si Jesu-Kristo.” (1 Juan 1:3, Byington; New World Translation; Authorized Version) Kung ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay bawa’t isa mayroon lamang isang ‘personal na kaugnayan sa Diyos’ at hindi sama-samang nagkakaisa sa iisang organisasyon, papaano nila tatamasahin yaong pagkakaisa, pakikisama o pakikibahaging ito? Ang kahilingang ito ay matutugunan lamang sa pamamagitan ng pagiging organisado. Sa ngayon, sa inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Jesus ay may napasamang isang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa.” Sang-ayon sa pagkalarawan ni Jesus sa mga taong tulad-tupa, aasahan natin na ang “mga ibang tupa” ay makikipagtulungang lubusan sa kaniyang pinahirang mga tagasunod upang lahat sila ay maging: “isang kawan” sa ilalim niya bilang ang “isang pastol.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) At ganiyang-ganiyan ang nakikita natin sa gitna ng mga lingkod ni Jehova sa “panahon ng kawakasan” na ito. (Daniel 12:4) Bilang isang pangglobong kapatiran, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay organisadong mainam upang maglingkod sa Diyos.​—Ihambing ang 1 Pedro 2:17.

19. Bakit ang pagtupad sa pagkasugong mangaral ay nangangailangan ng pagtutulungan sa loob ng isang organisasyon na pinatnubayan ng iisang espiritu?

19 Ang pagtupad sa pagkasugo na mangaral at gumawa ng mga alagad ay nangangailangan din ng pagtutulungan sa loob ng isang nagkakaisang organisasyon. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:6-8) Kung ang bawa’t nag-aangking Kristiyano ay mayroon lamang isang ‘personal na kaugnayan sa Diyos’ at kasapi sa kung ano na lamang grupong relihiyoso, papaano nila maisasagawa ang pagkasugong magpatotoo? Aba, ang totoo, ang magiging bigkas ng iba’y “Shibboleth” at ang iba’y “Sibboleth”! (Hukom 12:4-6) Papaanong ang mga makakarinig ng gayong iba’t-ibang mensahe ay makakaalam ng kung ano ang dapat paniwalaan? Ang pinahirang mga Kristiyano ay kailangang ‘lubusang magsumikap na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan,’ at sila’y kailangan na may “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; isang Diyos at Ama ng lahat.” (Efeso 4:1-6) Kailangang may pagkakasundo ang lahat ng tunay na mga Kristiyano, may isang nagkakaisang mensahe, kung makikinig ang mga tao sa aral na tama, sila’y sasampalataya sa tunay na Diyos at tatawag sa pangalan ni Jehova upang maligtas. Gayundin, isang organisasyon na pinapatnubayan ng iisang espiritu ang kailangang gamitin may kaugnayan sa pagsusugo sa mga mangangaral na iyon ng katotohanang “mabuting balita.”​—Roma 10:11-15.

20. Anong kaisa-isang organisasyon ang tumutupad ngayon ng Mateo 24:14, at ano ang ebidensiya na pinagpapala ng Diyos ang gayong organisadung-organisadong gawain?

20 At, ngayon, upang makatugon sa hula ni Jesus tungkol sa kaniyang “pagkanaririto” at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” kailangan ang isang nagkakaisang organisasyon na ‘nangangaral ng mabuting balitang ito ng kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa bago dumating ang wakas.’ (Mateo 24:3, 14) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nangangaral ng mabuting balita na ang Kaharian ay umaandar na sa langit sapol noong 1914 at ang Hari nito’y si Jesu-Kristo. Mayroong mahigit na 2,650,000 nitong organisadung-organisadong mga mangangaral na ito ng Kaharian, at sila’y mabilis na dumarami dahilan sa pagpapala ng Diyos.​—Isaias 43:10-12; 60:22.

21. Kung tungkol sa organisasyon ni Jehova, ano ang susunod na tatalakayin natin?

21 Sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, anong laking pribilehiyo na makabilang ka sa pulutong ng mga tao na organisadung-organisado upang maglingkod kay Jehova! (2 Timoteo 3:1) Lahat ng buong-pusong naglilingkod sa Diyos ay may matatag na saligan sa Kasulatan sa pagpapatuloy ng tapat na paglilingkod kasama ng kaniyang organisadong mga lingkod. At gaya ng makikita natin, may mabubuting dahilan sa pagtatayo ng isang sigurado at maligayang kinabukasan kasama ng organisasyon ni Jehova.

[Talababa]

a Pakisuyong tingnan ang The Watchtower ng Oktubre 15, 1983, pahina 28-31.

Ano ang Sagot Mo?

◻ Papaano ba kumikilos ang mga banal na anghel may kaugnayan kay Jehova?

◻ Ano ang ebidensiya na may mabuting organisasyon sa sinaunang Israel?

◻ Papaano mo patutunayan sa Kasulatan na organisadung-organisado ang mga sinaunang tagasunod ni Jesu-Kristo?

◻ Bakit sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian ay kailangan ang pagtutulungan sa loob ng isang organisasyon?

[Larawan sa pahina 11]

Noong kaarawan ni David, ang mga dibisyon ng mga saserdote at mga Levita ay organisado upang maglingkod kay Jehova

[Larawan sa pahina 12]

Ang lupong tagapamahala ang namatnugot sa organisadong-mainam na mga kongregasyon noong unang siglo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share