Deuteronomio Nagpapayo sa Atin na Taus-Pusong Maglingkod kay Jehova Nang May Kagalakan
ANG mga sumasamba kay Jehova ay kailangang maglingkod sa kaniya nang may katapatan at taus-pusong kagalakan. Ito’y nililiwanag ng aklat ng Bibliya na Deuteronomio. (Deuteronomio 28:45-47) At ang paghimok nito sa gayong tapat at may kagalakang paglilingkod ay may malaking kahalagahan sa buhay ng mga saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito.
Ang Deuteronomio ay isinulat ng propetang Hebreo na si Moises sa kapatagan ng Moab noong 1473 B.C.E. at ang saklaw nito ay tila mahigit na dalawang buwan. Malamang, ang huling kabanata ay idinagdag ni Josue o ng Mataas na Saserdoteng si Eleazar. Ang Deuteronomio ay binubuo ng apat na pahayag o diskurso, at ng isang awit at isang pagbasbas ni Moises nang ang Israel ay papasok na lamang sa Lupang Pangako. (Deuteronomio 1:3; Josue 1:11; 4:19) Sa Deuteronomio ipinaliwanag at pinalawak pa ni Moises ang mga ilang punto ng Kautusan. Kasali rito na ipinakikita ng aklat na ang kahilingan ni Jehova ay bukud-tanging debosyon sa kaniya. Ito’y nagbibigay-babala rin tungkol sa huwad na pagsamba at hinihimok ang mga lingkod ng Diyos na maging tapat sa banal na paglilingkod sa kaniya.
Subali’t, sa anong espesipikong mga paraan tumulong sa mga Israelita ang mga salitang nakasulat sa Deuteronomio? At paano makikinabang sa aklat na ito ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
Ang mga Israelita ay nasa ilang na nang mga 40 taon nang sila’y magkatipon upang makinig sa pahayag ni Moises. Kaniyang inilahad ang pag-aatas sa mga hukom upang tumulong sa kaniya. Kaniyang binanggit ang masamang ulat ng sampung tiktik na humantong sa paghihimagsik at sa paggala sa ilang. Ipinagunita rin ang mga tagumpay na pinapangyari ng Diyos na kamtin nila. Si Moises ay nagbabala laban sa paggawa ng mga idolo at ipinakadiin niya ito sa pamamagitan ng pagsasabi: “Si Jehova na inyong Diyos ay isang mamumugnaw na apoy, isang Diyos na humihiling ng bukud-tanging debosyon.” Ito’y sinusundan ng panawagan na tumalima sila kay Jehova.—Deuteronomio 1:1–4:49.
Sa ikalawang pahayag, una muna’y sinalita ni Moises ang Sampung Utos at inilahad niya ang tungkol sa pagbibigay ng Kautusan. Idiniin ang pag-ibig kay Jehova ng buong puso, kaluluwa at lakas. Itinatampok ang pagtuturo sa bata. Pitong bansa ng Canaan at ang kani-kanilang mga gamit sa huwad na pagsamba ay itinakdang puksain. Sa mga Israelita’y sinabi na sila ay pinili hindi dahilan sa kanilang katuwiran kundi dahil sa pagiging tapat ni Jehova bilang isang tagapag-ingat ng tipan. Minsang sila’y nasa Lupang Pangako na, sila’y kailangang manatiling masunurin at huwag kalimutan ang Diyos. Ang mga kaso ng pagsuway ay nirepaso, at ipinakita na mahalaga ang taus-pusong pag-ibig at pagkatakot sa Diyos. Ang mga pagpapala at mga sumpa ay binanggit sa harap ng Israel, at hinimok sila na tumalima sa Diyos.—Deuteronomio 5:1–11:32.
Ang susunod na binanggit ay mga batas na may epekto sa buhay sa Lupang Pangako. Kabilang dito ang mga regulasyon tungkol sa lubusang pagwawasak sa mga labi ng karumal-dumal na relihiyon, pagkain ng karne at kung paano makikitungo sa dugo, sa mga bulaang propeta at sa apostasya, sa malinis at di-malinis na mga pagkain, at pagbibigay ng ikapu. May mga detalye tungkol sa pagbabayad ng utang, sa pagkaalipin at mga hayop na panganay. Ang tatlong kapistahan sa santaon ay tinatalakay, at gayundin ang ilang mga bagay sa paghatol at mga kautusan para sa mga hari at mga Levita. Pagkatapos ng babala laban sa espiritismo, may binanggit na hula tungkol sa isang propeta na katulad ni Moises.—Deuteronomio 12:1–18:22.
Kabilang pa sa mga regulasyong binanggit ay yaong tungkol sa mga lunsod na ampunan, sa mga ipunupuwera sa hukbo, paglilinis buhat sa kasalanan laban sa dugo, pag-aasawa sa mga babaing nabihag, karapatan ng panganay na anak, mapaghimagsik na mga anak, ang pagpapakundangan sa mga ari-arian ng iba at sa buhay, mga bagay na may kinalaman sa sekso, at ang pagkapuwera sa kongregasyon bilang miyembro niyaon. Mayroon pang mga batas na tungkol sa mga alipin, sa pagbabayad ng tubo at sa mga panata. Ang mga regulasyon tungkol sa diborsiyo, sa mga utang, sa pagpapakita ng kabaitan sa mga ulila at mga babaing balo, pag-aasawa sa bayaw, hustong mga timbangan, paghahandog ng mga unang bunga, at pagbibigay ng ikapu ang tumatapos sa pahayag na ito.—Deuteronomio 19:1–26:19.
Ang ikatlong pahayag ni Moises ay nagsisimula sa mga tagubilin na isulat ang Kautusan sa mga tapyas na bato. Ang mga pagpapala ay sasalitain buhat sa Bundok Gerizim at ang mga sumpa naman ay buhat sa Bundok Ebal. Pagkatapos ay ipinakikita ang pagkakaiba ng mga pagpapala nang dahil sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at ng mga sumpa dahil sa pagsuway.—Deuteronomio 27:1–28:68.
May kaugnayan sa ikaapat na pahayag ni Moises, muling sinariwa ang tungkol sa tipanan ni Jehova at ng mga Israelita. Binanggit ni Moises ang pag-aasikaso sa kanila ng Diyos sa ilang. Nagbabala tungkol sa pagsuway, at idiniin ang awa ni Jehova. Sa wakas, iniharap sa kanila ang pamimili sa buhay o kamatayan. Ang mga Israelita ay maaaring ‘manatiling buháy kung kanilang iibigin si Jehova, makikinig sa kaniyang tinig at hindi hihiwalay sa kaniya.’—Deuteronomio 29:1–30:20.
Hinimok ni Moises ang mga Israelita na magpakatibay-loob pagka pumapasok na sila sa Lupang Pangako, sapagka’t si Jehova ay lumalakad na kasama nila. Ang pagsusugo kay Josue bilang isang lider ay sinusundan ng isang hula tungkol sa pagkamapaghimagsik ng Israel. Susunod, sa awit, ipinagbubunyi ni Moises si Jehova, inihuhula ang mga kaabahan para sa Israel dahilan sa di-katapatan nguni’t nagwawakas sa pamamagitan ng isang katiyakan na darating ang paghihiganti ng Diyos lakip ang panawagan na, “Makigalak kayo, kayong mga bansa, sa kaniyang bayan.” Si Moises ay nagbigay ng pangkatapusang mga pagpapala, at pagkatapos ang 120-taóng-gulang na propeta ay tumanaw sa Lupang Pangako, namatay at inilibing ni Jehova sa isang puntod na walang ano mang palatandaan.—Deuteronomio 31:1–34:12.
Ang binanggit nang buod ay sumasapat sa pagtatakip sa iyong espirituwal na kagutuman. Subali’t habang binabasa mo ang Deuteronomio, baka may bumabangong mahalagang mga tanong. Asam-asamin natin at sagutin ang ilan sa mga iyan.
Unang Pahayag ni Moises
• 4:15-24—Ang mga salitang ito ba laban sa paggawa ng mga larawang inanyuan ay nangangahulugan na mali na magdispley ng mga ritrato ng mga tao?
Ang ibinabawal ng mga talatang ito ay paggawa ng mga larawan para sa huwad na pagsamba. Subali’t ang mga Israelita ay hindi pinagbawalan ng paggawa ng mga larawan para sa mga ibang layunin. Halimbawa, sinang-ayunan ng Diyos ang paggawa ng mga wangis ng mga kerubin sa mga tela sa tabernakulo at sa takip ng banal na kaban. Hindi angkop na ang karaniwang pagpaparitrato at pagdidispley ng ritrato ay iugnay sa idolatriya, maliban sa kung ang mga ito ay sinadyang gamitin sa mga layuning may kaugnayan sa huwad na pagsamba. Pangkaraniwan, walang batayan sa Kasulatan ang pagtutol sa paggamit ng potograpya, painting at iskultura para sa mga layuning kapaki-pakinabang o artistiko upang mailarawan ang mga tao o mga bagay-bagay.
Ang Ikalawang Pahayag ni Moises
• 6:6-9—Ang utos bang ito na ‘itali sa kamay ang kautusan ng Diyos’ ay literal?
Ang mga talatang ito ay hindi sumusuporta sa kaugalian na pagsasakbat ng mga pilakterya (maliliit na lalagyan ng mga teksto sa Bibliya). Bagkus, batay sa pananalita nito ay isang talinghaga ito. (Ihambing ang Exodo 13:9; Kawikaan 7:2, 3.) Hindi sinasabi na ang mga utos ay dapat isulat sa ano mang bagay at pagkatapos ay isakbat ng isang tao o kaya’y ipaskil sa mga haligi ng pinto at mga tarangkahan. Sa lahat ng panahon ang mga Israelita ay kailangang laging nakatingin sa mga utos ng Diyos, sila man ay nasa tahanan, nasa daan o malapit sa mga pintuang-bayan, na kung saan lumilitis sa legal na mga kaso ang matatanda. Kailangang nasa kanilang puso ang kautusan ng Diyos, at ituturo nila iyon sa kanilang mga anak at ipakikita nila sa pamamagitan ng kilos (na ipinapahayag ng mga kamay) na sila’y sumusunod doon. Kailangang patunayan sa madla ng mga mamamayan na sila’y sumusunod sa kautusan ni Jehova, na para bagang iyon ay nakasulat sa pagitan ng kanilang mga mata upang makita ng lahat. Gayundin naman, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagsisikap na patunayang sila’y mga masunuring lingkod ng Diyos. Ang kaniyang puso ang nagpapakilos sa kanila na sundin ang kaniyang Salita, at ang kanilang mga isip ay pinupuno nila ng mga bagay na totoo, karapat-dapat pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kagalingan at kapurihan. Sa lahat ng paraan ay sinisikap nilang ipakita na nasa harapan nila sa lahat ng panahon ang mga utos ni Jehova.—Filipos 4:8; Colosas 3:23.
• 8:3, 4—Ang ibig ba lamang sabihin nito ay na hinalinhan ang kanilang mga nalumang damit?
Ang paglalaan ng manna ay isang patuluyang himala. Gayundin ang bagay na hindi naluma ang kanilang mga damit at hindi namaga ang kanilang mga paa sa loob ng 40 taon na sila’y nasa ilang. Kung ang mga damit nila’y hinalinhan lamang sa karaniwang paraan, hindi iyon magiging isang himala. Hindi magiging problema ang paggamit ng iyundi’t-iyunding mga damit sa buong panahong iyon, sapagka’t ang damit ng mga bata ay maaaring ipasuot sa mga kasunod nila pagka napagkalakhan nila at ang mga damit ng matatanda ay maaaring ipamana sa iba pagkamatay ng may-ari. Yamang ang bilang ng mga Israelita nang matatapos na ang paglalakbay sa ilang ay halos kasingdami na nila nang magsimula silang maglakbay, ang dating damit nila ay makakatawid sa loob ng 40 taon.—Bilang 2:32; 26:51.
• 14:21—Yamang ang mga Israelita ay hindi maaaring kumain ng “ano mang bagay na namatay sa sarili,” bakit maaaring ibigay iyon sa isang tagaibang bayan o ipagbili sa isang banyaga?
Bilang kataas-taasang Tagapagbigay-Batas, may karapatan si Jehova na magbawal ng anuman sa mga Israelita lamang. Sila’y “isang banal na bayan” sa kaniya. Ang mga ibang bansa ay hindi sumusunod sa pagbabawal na ito na huwag kakain ng ano mang hayop na namatay sa ganang sarili. Walang masama sa pagbibigay sa isang tagaibang bayan ng karne na hindi napatulo ang dugo o pagbibili niyaon sa isang banyaga, sapagka’t hindi naman ikinaila ng mga Israelita ang katotohanan tungkol doon at ang pinagbibigyan o ang bumibili ay nagkusa na tanggapin iyon. Masasabi pa na ang Deuteronomio 14:21 ay kasuwato ng Levitico 17:10, na nagbabawal sa tagaibang bayan na kumain ng dugo. Ang tagaibang bayan na isang proselita ay hindi dapat kumain ng dugo, nguni’t ang pagbabawal na ito ay hindi kumakapit sa isang taga-ibang bayan na hindi isang ganap na proselita. Ang gayong tao ay baka may paggagamitan sa karne ng hayop na hindi pinatulo ang dugo at itinuturing na marumi ng isang tapat na Israelita o proselita.
• 17:5-7—Bakit ang kamay ng mga tumistigong saksi ang unang mambabato sa isang taong sinentensiyahan ng kamatayan?
Lahat sa Israel ay kailangang maging masigasig sa tunay na pagsamba at nagsusumikap na panatilihing malinis ang organisasyon upang huwag mapulaan ang pangalan ni Jehova. Ang mga saksi ang magpapakita ng gayong sigasig sa pamamagitan ng pangunguna sa pagtupad sa inihatol. (Ihambing ang Bilang 25:6-9; Deuteronomio 13:6-11.) Subali’t, dalawang magkaibang bagay ang tumistigo ka laban sa kaninuman at ang pumatay ka ng sinuman. Kaya’t ang isang tumitistigo ay magpapakaingat sa pagtistigo tungkol sa ebidensiya, at tanging ang isang balakyot na tao ang titistigo ng kasinungalingan yamang alam niya na siya ang unang-unang kikilos upang patayin ang taong nahatulan. Maikakapit ng mga Saksi ni Jehova ang mga simulaing ito sa pamamagitan ng pagiging masigasig sa kalinisan ng kongregasyon at pagpapakaingat sa pagpapatotoo na talagang katotohanan. Mangyari pa, lahat tayo ay mananagot sa Kataas-taasang Hukom, si Jehova.—Mateo 12:36, 37.
• 22:5—Dahilan sa ganitong pagbabawal, angkop ba para sa isang babae na magsuot ng slacks o pantalon?
Ang maliwanag na layunin ng pagbabawal na ito ay upang maiwasan ang pag-aabuso sa sekso at ang pagkalito sa pagkakilala kung ang isa’y lalaki o babae. Sa hitsura at bihis, ibig ng isang normal na lalaki na siya’y magtinging lalaki at ng isang normal na babae na siya’y magtinging babae. Kung ang isang Israelita’y kikilos nang labag dito ang gayon ay maaaring humantong sa homoseksuwalidad. Bagaman ang mga lalaki at mga babae noon ay kapuwa may mahahabang damit, may pagkakaiba naman ang kasuotan ng mga lalaki sa mga babae. Ngayon, sa mga ilang panig ng mundo, ang mga lalaki at mga babae ay kapuwa nagsusuot ng slacks, bagaman nagkakaiba ang mga istilo. Batay sa simulain ng tekstong ito hindi masama na kung minsan ang isang babaing Kristiyano’y magsuot ng slacks, gaya kung nagtatrabaho sa bahay o sa bukid. At ipinahihintulot ng kaugalian at ng pangangailangan na sa pagkalalamig na mga klima ay slacks ang maging kasuotan. Ipinapayo ng Bibliya sa mga babae na “magsigayak ng maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan.”—1 Timoteo 2:9, 10.
• 24:6—Papaanong ang pag-ilit sa isinangla sa iyong gilingan o batong panggiling niyaon ay nakakatulad ng pag-ilit na rin sa isang kaluluwa?
Karaniwan, ang tinapay ay iniluluto sa hurno araw-araw at malimit na ang trigo ay kailangang gilingin upang maging harina. Kaya’t ang araw-araw na kinakain ng isang pamilya ay depende sa gilingan. Kung gayon, maawaing ibinabawal ng kautusan ng Diyos ang pag-ilit ng gilingan ng isang tao o ng batong panggiling niyaon. Kung iilitin mo ang alinman dito para mo na ring inalisan ang isang pamilya ng araw-araw na pagkain at katumbas iyon ng pag-ilit sa isang “kaluluwa” o “ikinabubuhay.”
Katapusang Pahayag, Awit at Pagpapala
• 32:39—Papaano masasabing walang mga diyos na maiyaagapay kay Jehova gayong sinasabi ng Juan 1:1 na ‘ang Verbo o Salita ay kasama ng Diyos at isang diyos’?
Ang mga tekstong ito ay tungkol sa lubusang nagkakaibang mga bagay. Ang punto sa Deuteronomio 32:39 ay na walang bahagi sa tunay na Diyos, si Jehova, ang mga huwad na diyos sa kaniyang mga gawang pagliligtas. Hindi nila maililigtas sa kapahamakan ang mga sumasamba sa kanila, at ang gayong mga diyos ay hindi kasama ni Jehova sa anuman na kaniyang ginawa. Bagaman ang “Salita” ay isang diyos o isang makapangyarihan, siya’y hindi sumasalungat kay Jehova o nagiging karibal niya, di-gaya ng mga huwad na diyos.—Deuteronomio 32:12, 37, 38.
• 33:1-29—Bakit si Simeon ay hindi binabanggit sa pagpapalang ito?
Si Simeon at si Levi ay nagkaisa ng paggawa ng kalupitan, at bagaman sila’y binigyan ng mga bahagi sa Israel, hindi katulad niyaong sa mga ibang tribo. Ang mga Levita ay binigyan ng 48 lunsod sa buong lupain, samantalang ang bahagi ni Simeon ay nasa loob ng teritoryo ni Juda. (Genesis 34:13-31; 49:5-7; Josue 19:9; 21:41, 42) Kaya nang ibaling ni Moises ang kaniyang pansin sa Juda, batid niya na kasali roon ang bahagi ni Simeon. Isa pa, ang tribo ni Simeon ay suma-ilalim ng pangkalahatang pagpapala: ‘Maligaya ka, Oh Israel! Sino ang kagaya mo, isang bayan na nagtatamasa ng kaligtasan kay Jehova?”—Deuteronomio 33:29.
Walang Hanggang Tulong sa Tapat na mga Lingkod
Sa Deuteronomio ay may walang hanggang pakinabang ang mga lingkod ni Jehova, at tayo’y makakakuha rito ng mahalagang aral. Halimbawa, nang kanilang nilulusob ang Canaan, si Josue ay lubusang sumunod sa payo na nakasulat ngayon sa aklat na ito. Gayundin tayo, agad tanggapin natin ang makalangit na patnubay. (Deuteronomio 20:15-18; 21:23; Josue 8:24-29) Si Jesu-Kristo ay sumipi sa Deuteronomio sa matagumpay na pananaig kay Satanas. Tulad ni Jesus ating kinikilala na ang tao’y kailangang mabuhay sa mga salita ni Jehova, na hindi natin dapat ilagay ang Diyos sa pagsubok at siya lamang ang dapat nating pag-ukulan ng banal na paglilingkod.—Mateo 4:1-11; Deuteronomio 5:9; 6:13, 16; 8:3.
Ipinakikilala ng aklat na ito si Jehova bilang isang Diyos na humihingi ng bukud-tanging debosyon. (Deuteronomio 4:24; 6:15) Sinasabi rin nito: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:5) Sa pinaka-buod, kung gayon, tayo’y hinihimok ng Deuteronomio na maglingkod kay Jehova nang may katapatan. Sa gayon, sana’y maglingkod tayo sa kaniya nang may katapatan at taus-pusong kagalakan.