Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 1/15 p. 28-30
  • Pinagpala sa Pagtataguyod ng Kapayapaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinagpala sa Pagtataguyod ng Kapayapaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Nasumpungan Ko ang Tunay na Kayamanan sa Australia
    Gumising!—1994
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 1/15 p. 28-30

Pinagpala sa Pagtataguyod ng Kapayapaan

BINANGGIT ni apostol Pedro na yaong “magnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw” ay kailangang “hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon.” (1 Pedro 3:10, 11) Hindi laging madali ito, nguni’t ang bunga’y mga pagpapala. Bilang halimbawa, isaalang-alang ang sumusunod na karanasan ng isa sa mga Saksi ni Jehova sa Canada.

Kakukumple ko lang ng ika-20 taóng gulang at halos matutupad na ang isang pangarap ko noong kamusmusan ko. Ako’y napaanib sa Royal Canadian Mounted Police. Ganoon nagsimula ang sa palagay ko’y isang ganap na karera bilang isang pulis. Datapuwa’t makalipas ang halos 16 na taon ng paglilingkod, ako’y nagbitiw sa tungkulin.

Bago ko ipaliwanag ang dahilan ko ng pagbibitiw, baka makatulong ang ilang impormasyon tungkol sa nakalipas na pamumuhay ko. Ang mga unang araw ko sa RCMP (Royal Canadian Mounted Police) ay ginugol ko sa probinsiya ng New Brunswick. Noon ko nakilala ang isang magandang dalaga na naging asawa ko. Kami’y nakatira sa isang pagkaliit-liit na apartment na ang tagapag-asikaso’y isang mag-asawa na nagkataong mga Saksi ni Jehova. Malimit na sila’y nangangaral sa amin. Subali’t, noon ay hindi ko gaanong pansin ang relihiyon. Sa kabilang dako, agad tinanggap ng aking maybahay ang katotohanan at nang magkagayo’y naging isang bautismadong saksi ni Jehova. Ang masasabi ko’y hindi iyon nakabagbag ng aking damdamin. Ginawa ko ang lahat upang baguhin ang kaniyang kaisipan, nguni’t nabigo. Nag-anyaya pa man din ako ng isang pari upang ituwid siya sa kaniyang pagkaligaw. Datapuwa’t, dahil sa nahalata niya ang kawalang-alam ng pari sa Kasulatan, sa palagay ko’y naging lalong matibay ang kaniyang paniniwala sa katotohanan.

Halos anim na taóng sinikap kong ipakita sa aking maybahay ang kamangmangan ng kaniyang paniniwala, gayunma’y nanindigan siyang matatag sa panig ni Jehova. Sa tinagal-tagal, ako’y nanlamig na rin at naisip kong payagan na lamang siyang gawin ang anomang ibig niya at basta susundin ko ang aking sariling mga paniwala. Siempre pa, noon ay hindi maka-Kasulatan ang aking mga hangarin; hangga’t maaari’y ibig kong umasenso ako sa RCMP. Kaya naman ako nagboluntaryo para sa karagdagan pang mga gawain at sinikap kong mapasangkot sa de-kampanilyang mga kaso upang makatawag-pansin sa aking mga hepe. At ang kapalit nito’y panahon na dapat sanang gugulin ko sa pag-aasikaso sa aking pamilya.

Patuloy ako sa ganitong pamumuhay hangga noong tag-araw ng 1978. Ibig ng maybahay ko na dumalo sa “Mapanagumpay na Pananampalatayang” Internasyonal Kumbensiyon sa Montreal, sa lalawigan ng Quebec. Pumayag akong ihahatid ko siya ng kotse sa Montreal, subali’t tumanggi akong dumalo sa alinman sa mga sesyon. Pagkatapos ng unang araw ng kombensiyon, sinabi sa akin ng aking maybahay na ang programa raw sa kinabukasan ay nakasentro ang tema sa buhay pam-pamilya at kinumbinse ako na dapat akong dumalo. Hanggang sa araw na ito ay napasasalamat ako kay Jehova at nakadalo ako. Ganiyan na lamang ang pagkamangha ko sa nasaksihan kong kaayusan sa napakalaking grupong ito ng mga tao. Walang naninigarilyo, walang malalaswang pananalita, at para bang masayang-masaya ang mga tao at nagkakasundu-sundo. Bagaman halos wala akong kaalaman sa Bibliya, ang napakinggan kong mga pahayag ay totoong nakapagtuturo at praktikal. Ang mga taong ito ay nagsisikap na matuto at ikapit ang mga kautusan ng Diyos na nasa Bibliya. Bilang isang pulis, nakita ko na maraming tao, bagaman nakakaalam ng batas, ang nagtatangkang makakita ng butas upang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling paraan. Ngayon ay humanga ako. Hindi nagluwat pagkauwi ko galing sa kombensiyon, nagsimula na akong nakipag-aral ng Bibliya at nabautismuhan ako noong Oktubre ng 1979.

Samantalang sumusulong ako sa espirituwal, nakakalag ako sa dating makasanlibutang mga ugali at sa wakas ay nabigyan ng pribilehiyo na maglingkod sa Diyos na Jehova bilang isang ministeryal na lingkod. Ang pagbibihis ko ng isang bagong pagkataong Kristiyano ay agad napansin ng kasamahan kong mga opisyales ng pulisya, na, sa primero, ay biro lamang nang biro sa akin dahil sa aking bagong relihiyon. (Efeso 4:22-24) Subali’t nang maglaon, ang kanilang mga pagbibiro ay sinamantala ko upang ako’y makapagpatotoo. Habang napapabalita sa buong departamento na ako’y isang saksi ni Jehova, marami ang lumalapit sa akin upang magtanong. Lubhang napasasalamat din ako sa aking mga superbisor na, dahil sa iginagalang nila ang aking pananampalataya, ang ibinigay na gawain sa akin ay yaong hindi hihila sa akin na ikompromiso ang aking kaugnayan kay Jehova.

Oo, lahat ay waring ayós naman. Isang gabi nang umuwi ako galing sa trabaho, may kasabikang binabasa ng asawa ko ang Hulyo 15, 1983, na Watchtower, sa partikular ang artikulo sa pag-aaral sa mga pahina 21-6 na pinamagatang “Seek Peace and Pursue It.” (“Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon”). Tungkol iyon sa pag-iwas sa “hanapbuhay na kung saan magdadala ka ng armas na gagamitin sa iyong kapuwa-tao,” sapagka’t “nariyang lagi ang panganib na maging salarin ka dahil sa paggamit mo ng armas na iyon sa pagkitil ng buhay.” (Isaias 2:4; Roma 12:17, 18) Sinabi pa ng artikulo: “Habang nagiging lalong marahas ang daigdig ang isang kapatid na nagpapatuloy sa trabahong nangangailangan ng pagdadala ng armas ay hindi natin maituturing na uliran. Maaaring bigyan siya ng anim na buwang pataan upang magbago. Kung hindi siya magbabago, wala siya sa katayuan na maghawak ng pantanging mga pribilehiyo sa paglilingkod at ng pananagutan sa kongregasyon.​—1 Timoteo 3:2; Tito 1:5, 6.”

Maliwanag, may napakahalagang desisyon na dapat akong gawin noon. Bilang isang pamilya, tinalakay namin ang bagay na iyon at inilapit namin kay Jehova sa panalangin. Kinabukasan ay lumapit ako sa aking boss at ipinaliwanag ko ang aking kalagayan. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, nahinuha namin na malamang na hindi kami payagang mapapuwera sa mga nagdadala ng armas. Kaya naman, nagbigay ako ng abiso na magbibitiw ako sa loob ng hinaharap na anim na buwan.

Wala akong naiisip na pagsisimulan na paghahanapan ng trabaho, yamang patuluyang nagtatrabaho ako sapol nang huminto ako ng pag-aaral. Isa pa, ang ekonomiya ay may impluwensiya sa paghahanap ng trabaho. Mayroon akong ilang koneksiyon sa mga mangangalakal na napaunlad ko noong nakalipas na mga taon, kaya’t tinawagan ko ang mga ito. Kamangha-mangha, wala pang isang linggo ay itinuro ako sa isang tatag na kompanya na naghahanap ng isang mailalagay sa isang bagong puwesto bilang isang imbestigador. Nakipag-usap ako sa taong may pananagutan sa paglalagay ng aplikante sa puwestong iyon at napag-alaman ko na labis-labis na kuwalipikado ako para sa trabahong iyon. Kagayang-kagaya iyon ng aking gawain bilang isang imbestigador ng mga pandaraya, at hindi ako kailangang magdala ng armas. Maguguniguni mo na ang pagkabilis-bilis na pagpiprisinta ko roon ng aking résumé.

Nang ako’y kapanayamin para sa trabahong iyon, naisip kong ang pinakamagaling ay prangkahan kong sabihin ang aking dahilan ng pag-alis sa RCMP. Nagtaka ako nang sabihin ng tagapagpanayam (na magiging aking superbisor) na kaniyang iniwan ang kaniyang dating trabaho dahil sa inuusig siya ng kaniyang budhi at kaniyang nauunawaan ang aking kalagayan. Kaniya ring sinabi na ang kailangang mapalagay sa puwestong ito ay isang taong hindi mapag-aalinlangan ang integridad. Kaniyang pinasalamatan ako sa pagiging gayong kaprangka at binanggit niya na kaniyang irerekomenda ako para sa puwestong iyon. Hindi nakalipas ang dalawang linggo at ako’y inilagay sa puwestong iyon.

Natitiyak ko na ang espiritu ni Jehova ang tumulong sa akin at sa aking pamilya sa buong karanasan kong ito. Marahil ay mayroong mga kapatid na nakaharap sa ganiyan ding kalagayan. Aking idinadalangin na ang karanasan ko’y magpalakas-loob sa kanila na umasa kay Jehova at hayaang siya ang magpapangyari sa mga bagay ayon sa kaniyang sariling paraan.​—Mateo 6:33.

Gaya ng ipinakikita ng inilahad na karanasan, ang pagtataguyod ng kapayapaan at pagpapahalaga at paglalagay sa Kaharian ng Diyos sa pangunahing dako sa iyong buhay ay nangangailangan ng pagsusumikap at marahil ng ilang pagbabago sa iyong buhay. Nguni’t ang mga pagpapala ay nakakamit ng mga taong nagkakapit ng payo ng Kasulatan, sa gayo’y nagpapakita ng espiritu na nahahawig sa espiritu ng salmistang si David, na nagsabi: “Turuan mo ako, Oh Jehova, sa iyong daan, at patnubayan mo ako sa landas ng katuwiran.”​—Awit 27:11.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share