Sa Pagtatayo Gamitin ang mga Materyales na Panlaban-sa-Apoy
“Ang ilan ay gagamit ng ginto o pilak o mahahalagang bato sa pagtatayo sa pundasyon; ang iba ay gagamit ng kahoy o damo o dayami.”—1 CORINTO 3:12, Today’s English Version.
1, 2. (a) Ano ang lalong masakit kaysa makita mong nasunog ang iyong bahay? (b) Anong katulad na pagkabigo ang nararanasan kung minsan ng mga ministrong Kristiyano?
MALUNGKOT pagka ang magandang bahay ay nasunog. At lalo na kung ikaw ang nagtayo nito! Anong sakit pagka natupok ang ginugulan mo ng lahat ng panahon at pagod. Subali’t walang-wala ito kung ihahambing sa pagkasiphayo ng magulang na Kristiyano na ang anak ay huminto sa katotohanan dahil sa mga bagay ng sanlibutan. Wala nang hihigit pa riyan sa ganiyang pagkapariwara.
2 Ang lungkot ng ganiyang mga magulang ay baka tulad sa naranasan mong pagkabigo bilang isang ministrong Kristiyano. Baka sa isang inaaralan mo ng Bibliya ay gumugol ka ng kung ilang taon sa pagtuturo sa kaniya ng katotohanan. Dumadalo na siya sa mga pulong at lumalabas sa larangan. Nguni’t biglang nanghina siya sa espirituwal at huminto, at baka nagbalik pa nga sa dating gawi. Anong laking pagkasiphayo!
3. Sa harap ng ganiyang mga kalagayan, anong mga tanong ang bumabangon, at ang mga sagot ay depende sa ano?
3 Ito’y nangyayari manakanaka. Kaya ang tanong: Bakit nangyayari ito? May magagawa ba tayo tungkol dito? Bagaman isang dahilan nito ang kalagayan ng puso ng isang tao, ang sagot sa mga tanong na iyan ay depende sa sagot sa isa pang tanong: Pagka nagtuturo ka, ikaw ba’y nagtatayo sa tamang pundasyon sa pamamagitan ng mga materyales na panlaban-sa-apoy? Sa mainam na pagkaunawa sa kahulugan nito at sa kung paano ginagawa ito ay matutulungan natin ang ating mga tinuturuan—mga inaaralan ng Bibliya pati ating mga anak—upang manindigang matatag sa katotohanan.
Sino ang Nagtatayo?
4. Sa 1 Corinto 3:10, 11, sa ano inihahalintulad ni Pablo ang ministrong Kristiyano, at paano?
4 Sa kasagutan, buklatin natin sa 1 Corinto kabanata 3, na kung saan ang ministrong Kristiyano ay inihahalintulad ni Pablo sa isang tagapagtayo. Sabi: “Ayon sa di-sana nararapat na awa ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo ay inilagay ko ang pundasyon, nguni’t may ibang nagtatayo rito. Nguni’t patuloy na mag-ingat ang bawa’t isa sa kung paano siya nagtatayo rito. Sapagka’t walang taong makapaglalagay ng ano mang ibang pundasyon kaysa roon sa nailagay na, na ito’y si Jesu-Kristo.”—1 Cor 3 Talatang 10, 11.
5. (a) Sang-ayon sa konteksto, anong uri ng pagtatayo ang tinutukoy dito ni Pablo? (b) Sa anong kahulugan ‘nagtatayo ng mga tao’ ang ministrong Kristiyano?
5 Ano bang pagtatayo ang binabanggit ni Pablo? Bueno, pansinin ang konteksto: “Kayong mga tao ang . . . gusali ng Diyos.” (1 Corinto 3:9, 16) Ito nga ay makasagisag na pagtatayo, may kinalaman sa “mga tao.” Ang ministrong Kristiyano ay ‘nagtatayo ng mga tao’ sapagka’t sinisikap niyang itayo sa mga taong interesado ang isang Kristiyanong personalidad o pagkatao, upang gawin silang mga alagad.—Mateo 28:19, 20.
6, 7. (a) Sa kaninong pananagutan nakatuon ang salita ni Pablo sa 1 Corinto 3:9-15? (b) Gayunman, paanong pati ang tinuturuan ay kasangkot? (c) Sa pagtalakay pa sa mga salita ni Pablo, ano ang makikita natin?
6 Ang tagapagturong Kristiyano ba lamang ang may pananagutan sa kung ano ang kinalalabasan ng estudyante? Hindi. Una, sapagka’t tayo’y “mga kamanggagawa ng Diyos.” Bagaman ang salita ni Pablo sa 1 Corinto 3:9-15 ay nakatuon sa pananagutan ng taong nagtatayo, o nagtuturo, pati ang tinuturuan ay kasangkot. Ito’y gaya ng paghahanda sa isang kawal para sa labanan. May magsasanay at tutulong sa kaniya, pero minsang nasa labanan na siya ay kailangang lumaban ang kawal, at gamitin ang kaniyang natutuhan. Depende roon ang kaniyang buhay! Tulad nito, sinisikap ng tagapagturo na magtayo ng tunay na Kristiyano, na mananaig sa panggigipit at mga tukso ng sistemang ito. Nguni’t may pananagutan din ang tinuturuan; kailangang ikapit niya sa kaniyang buhay ang kaniyang natutuhan.—Mateo 7:24-27; Filipos 2:12, 13.
7 Gayunman, ang nagtuturo ang may mabigat na pananagutan. Sa pagtalakay pa sa mga salita ni Pablo, makikita natin na sa mga tinuturuan ay mahalagang ituro nang mabisa ang Salita ng Diyos upang magpahalaga sila sa ating makalangit na Ama.
Ilagay ang Tamang Pundasyon
8. Sa makasagisag na pagtatayong ito, ano ang pundasyon?
8 Bago mo maitayo ang isang gusali, kailangang ilagay mo muna ang pundasyon. Kaya’t sa paggawa ng mga alagad, ano ang pundasyon? Ang sagot ni Pablo: “Sapagka’t walang taong makapaglalagay ng ano mang ibang pundasyon kaysa roon sa nailagay na, na ito’y si Jesu-Kristo.” (1 Corinto 3:11) Oo, ang tamang pundasyon na pagtatayuan natin ay si Jesu-Kristo.—Ihambing ang Efeso 2:20-22 at 1 Pedro 2:4-6.
9. (a) Sa pagtuturo sa iba, ano ang kasangkot sa paglalagay kay Kristo bilang isang pundasyon? (b) Bakit mahalaga na maunawaan ng ating mga inaaralan ng Bibliya ang buong katotohanan tungkol kay Jesus?
9 Paano natin mailalagay si Kristo bilang isang pundasyon pagka tayo’y nagtuturo sa iba? Una, ituro natin ang katotohanan tungkol kay Jesus at tulungan ang iba na mapasentro rito ang kanilang buhay. Tulungan sila na sumampalataya kay Jesus bilang ating Katulong at Manunubos na ibinigay ni Jehova. (Mateo 20:28; 1 Juan 2:1, 2) Mayroon pa. Si Jesu-Kristo ang ulo ng kongregasyong Kristiyano. (Colosas 1:18) Siya rin ang Hari sa lupa, at malapit nang kaniyang ‘tapusin ang kaniyang pananakop’ sa Har-Magedon. (Apocalipsis 6:1, 2) Kung gayon, ituro ang buong katotohanan tungkol sa kaniya, at tulungan ang iba na maunawaan ang bahagi ni Jesus sa kaganapan ng layunin ng Diyos. Bakit napakahalaga nito? Kung ang ating mga inaaralan ay sumasampalataya kay Jesus bilang nagpupunong Hari ng Diyos, hindi kapagdaka sila masisiraan ng loob dahilan sa mga kalagayan sa daigdig at sa mga problema ng araw-araw na pamumuhay.—Isaias 28:16; 1 Pedro 2:6-8.
10. (a) Sang-ayon sa Efeso 3:17-19, ano pa ang kasangkot sa paglalagay kay Kristo bilang isang pundasyon? (b) Paano natin hinahayaang si Kristo ay ‘tumahan sa ating puso’?
10 Higit pa ang kasangkot sa paglalagay kay Kristo bilang isang pundasyon. Dapat na may layon tayo na gaya ni apostol Pablo. Para sa mga taga-Efeso ay idinalangin niya na “ang Kristo’y manahan sa inyong mga puso nang may pag-ibig sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kayo’y mag-ugat at magtumibay sa pundasyon, para lubusang mapag-unawa ninyo kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at haba at taas at lalim, at makilala ang pag-ibig ng Kristo na di-masayod ng kaalaman, upang kayo’y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan na ipinagkakaloob ng Diyos.” (Efeso 3:17-19) Pansinin na ang ‘pagkakaugat at pagtibay sa pundasyon’ ay nangangailangan na ‘patahanin sa ating puso’ si Kristo. Ano ang ibig sabihin nito? Si Kristo ay ‘tumatahan sa ating puso’ pagka hinayaan nating ang kaniyang halimbawa at mga turo ang makaapekto sa ating damdamin at mga kilos.
11, 12. (a) Paano natin matutulungan ang iba upang si Kristo’y ‘manahan sa kanilang puso’? (b) Bukod sa pagkatuto tungkol kay Jesus, ano pa ang kasangkot?
11 Paano natin matutulungan ang ating mga tinuturuan upang ‘manahan sa kanilang puso’ si Kristo? Mahalaga ang pagtuturo sa kanila ng kaalaman, sapagka’t kailangang “mapag-unawa” nila “ang luwang at haba at taas at lalim” ng katotohanan ng Salita ng Diyos, lalo na yaong tungkol sa buhay at mga turo ni Jesu-Kristo. Ibig nating mapasa-ating mga estudyante “ang isip ni Kristo,” na makilala siyang lubusan bilang isang personang buháy at may damdamin. (1 Corinto 2:16) Ito’y pupukaw sa kanilang puso.
12 Pansinin na sinabi rin ni Pablo: “At makilala [Griego, gnonaiʹ, makilala “sa halos, sa pamamagitan ng karanasan”] ang pag-ibig ng Kristo na di-masayod ng kaalaman.” Makikilala natin ang “pag-ibig” ni Kristo sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa kaniyang buhay at sa pakikitungo niya sa iba. Nguni’t, sa pagtulad kay Jesus mauunawaan natin ang kaniyang damdamin. Sa pamamagitan ng ganitong karanasan makikilala natin “ang pag-ibig ng Kristo na di-masayod ng kaalaman.”
13, 14. (a) Paano natin matutulungan ang ating mga inaaralan na tularan ang mga katangian ni Jesus? (b) Bakit ang pagsisikap na tularan si Jesus ay tutulong sa ating mga inaaralan na magkaroon ng matalik na kaugnayan kay Jehova? (c) Bukod sa tamang pundasyon, ano pa ang dapat nating bigyan ng pansin?
13 Sa paglalagay ng pundasyon, itawag-pansin ang mga katangian ni Jesus—ang kaniyang pag-ibig (Juan 15:13, 14), init at damdamin (Mateo 11:28-30), kababaang-loob (Juan 13:1-15) at pagkamahabagin (Marcos 6:30-34), na ilan lamang. Himukin ang inyong inaaralan na tularan ang mga katangiang ito. Ito’y magsisilbing pundasyon na mapagtatayuan ng iba pang mahalagang mga katangian. Kung minsan, pagka tinatalakay ang paglalahad ng Bibliya tungkol kay Jesus, huminto ka sandali at itanong: ‘Anong katangian ang makikita rito tungkol kay Jesus? Paano mo lalong maipakikita sa iyong pamumuhay ang katangiang ito?’ Ipaliwanag na ang pagtulad kay Jesus ay tutulong upang ang inaaralan ng Bibliya’y magkaroon ng matalik na kaugnayan kay Jehova. Paano? Sapagka’t ang personalidad ni Jesus ay kawangis na kawangis ng sa kaniyang Ama kaya’t pagka tinularan natin si Jesus ang tinutularan natin ay si Jehova mismo!—Juan 14:9.
14 Ang tamang pundasyon ay mahalaga, nguni’t sapat na ba? Ang sagot ni Pablo: “Nguni’t patuloy na mag-ingat ang bawa’t isa sa kung paano siya nagtatayo rito.” Oo, komusta naman ang materyales na ginagamit natin sa pagtatayo ng kayarian na nakapatong sa pundasyong iyon?
Ang mga Materyales na Panlaban-sa-Apoy
15, 16. (a) Sa 1 Corinto 3:12, anong nagkakaibang mga bagay ang itinatawag-pansin ni Pablo? (b) Sa pagkakapit ng ilustrasyon ni Pablo, anong tanong ang napapaharap?
15 Sa 1 Corinto 3:12 ay tinatalakay ni Pablo ang sarisaring materyales sa pagtatayo: “Ngayon kung ang sinuman ay nagtatayo sa pundasyong ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong damo, dayami.” Iyan ay iba’t-ibang materyales na lubhang nagkakaiba-iba! Ibig bang sabihin ni Pablo na sa bawa’t isa nito’y kumuha tayo nang kaunti at gamitin sa ating mga estudyante? Hindi. Ganito ang mga ibang salin niyan: “Ang iba’y gagamit ng ginto o pilak o mga mahahalagang bato sa pagtatayo sa pundasyon; ang iba nama’y gagamit ng kahoy o damo o dayami.” (TEV) “Sa pundasyong ito ay makapagtatayo ka ng ginto, pilak at mga alahas, o kahoy, damo at dayami.” (The Jerusalem Bible) Maliwanag na dalawang klase ng gusali ang ipinakikita rito ni Pablo. Halimbawa, isang magandang palasyo na nagagayakan ng ginto, pilak at mahahalagang hiyas. Sa kabila’y hayun naman ang isang kubong pawid ang bubong at ang dingding ay tuyong kugon na may halong putik.
16 Kung ikakapit ang ilustrasyon ni Pablo, ang tanong ay: Sa pagtuturo, ang itinatayo mo ba’y “mga palasyo” o “mga kubo”? Ang mga ibang kabataan at mga baguhan ay napapahiwalay dahil marahil sa hindi lahat ay itinayo na may magkakaparehong materyales. Ano ba ang pagkakaiba? Ang kalagayan sa sinaunang kongregasyon sa Corinto ay nagpapatunay ng kaibahan ng pagtatayo sa pamamagitan ng mga materyales na panlaban-sa-apoy at nitong mga madaling tablan ng apoy.
17, 18. (a) Ano ang malubhang problema noon sa kongregasyon sa sinaunang Corinto, at paano itinuwid ni Pablo ang mga bagay? (b) Kaya’t ano ang pinaka-susi sa pagtiyak kung tayo’y gumagamit ng “ginto” o “tuyong damo” sa pagtatayo?
17 Si Pablo ay nagtayo sa wastong pundasyon, nguni’t lumilitaw na ang iba sa Corinto ay nagtatayo roon ng ‘kahoy, damo at dayami’—marurupok na materyales na sumasagisag sa mahihinang katangian. (1 Corinto 3:12) Si Pablo’y sumulat sa mga kapatid doon: “Sa inyo ay may mga pagtatalu-talo. Ang ibig kong sabihin ay ito, na bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi: Ako’y kay Pablo,’ ‘Nguni’t ako’y kay Apolos,’ ‘Nguni’t ako’y kay Cefas,’ ‘Nguni’t ako’y kay Kristo.’ Ang Kristo ay umiiral na baha-bahagi.” (1 Corinto 1:11-13) Kaya’t ang mga miyembro ng kongregasyon ay kampi-kampi. At bakit? Sapagka’t may mga taong labis-labis nilang pinahahalagahan. Sila’y itinuwid ni Pablo: “Ano nga si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila kayo’y naging mga mananampalataya . . . Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, nguni’t ang Diyos ang patuloy na nagpalago.”—1 Corinto 3:5-7.
18 Sa maikli, ang problema ay ito: Sapagka’t labis ang pagpapahalaga nila sa pagsunod sa mga tao, ang ibang mga miyembro ng kongregasyon sa Corinto ay walang matibay at matalik na kaugnayan kay Jehova. Pinaka-susi ito sa pagtiyak kung tayo’y gumagamit ng “ginto” o “tuyong damo,” sa pagtatayo ng “mga palasyo” o “mga kubo,” wika nga.
19. (a) Paanong sa di-sinasadya’y labis na itinatawag-pansin na pala ng isang nagtuturo ang kaniyang sarili o ang iba? (b) Kung ibig nating makapagtayo sa pamamagitan ng ‘ginto, pilak at mahahalagang hiyas,’ ano ang pagsisikapan nating gawin?
19 May mahalagang aral iyan. May magsasabi marahil, ‘Pero hindi ko tinuturuan ang iba na sumunod sa kanino mang tao.’ Nguni’t, maaaring mangyari ito kahit na hindi natin sinasadya. Halimbawa, pagka nagbangon ng tanong ang isang inaaralan, ating ulit-at-ulit na sinasabing, ‘Si Brother (o si Sister) na Ganoo’t-ganiri ang nagsasabing, . . .,’ hindi ba sa di-sinasadya’y labis nating itinatawag-pansin ang isang di-sakdal na lalaki o babae? O, kung may nagtatanong ay sinasabi natin, ‘Hindi ko tiyak, pero ito ang sasabihin ko,’ hindi ba sa di-kinukusa’y labis na itinatawag-pansin natin ang ating sarili? Tandaan, kaydali-dali para sa isang tinuturuan na magkaroon ng mataas na pagkakilala sa kaniyang guro. (Ihambing ang Gawa 10:25, 26 at Apocalipsis 19:10.) Kung ibig nating makapagtayo ng “mga palasyo,” pakaingat tayo laban sa pagtatayo ng mga alagad ng mga tao. Sa halip, tulungan ang ating mga inaaralan na mapaunlad ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova. Kaya magtayo tayo sa pamamagitan ng ‘ginto, pilak at mahahalagang hiyas.’ Ano ang isinasagisag ng mga ito?
20. Ano ang isinasagisag ng ‘ginto, pilak at mahahalagang bato’? (Kawikaan 3:13-15)
20 Ang paghahambing-hambing ng mga teksto gaya ng Awit 19:7-11, Kawikaan 2:1-6 at 1 Pedro 1:6, 7 ay nagpapatunay na ginagamit ang ginto, pilak at mahahalagang hiyas upang sumagisag sa mga katangian, gaya halimbawa ng matibay na pananampalataya, maka-Diyos na karunungan, espirituwal na pagkaunawa, katapatan, maibiging pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga batas. Ang ganiyang mga katangian ay kailangan para ang isa’y magkaroon ng matibay at matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang mga katangiang ito ang mga sangkap ng personalidad na pagsikapan nating maging bahagi ng pagkatao ng ating mga tinuturuan. Ganito ka ba nagtatayo?
Makapananaig Kaya Sila sa “Apoy”?
21. (a) Bakit napakahalaga na tulungan nating magtayo ng matitibay na katangian ang ating tinuturuan? (b) Ano ang isinasagisag ng “apoy”?
21 Bakit napakahalaga na tulungan nating magtayo ng ganiyang matitibay na katangian ang ating tinuturuan? Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Ang gawa ng bawa’t isa ay mahahayag, sapagka’t ang araw ang magsasaysay, sapagka’t iyon ay mapapalantad sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy din ang susubok sa gawa ng bawa’t isa kung anong uri iyon.” (1 Corinto 3:13) Ang “apoy” ang “susubok” kung paano tayo nagtatayo. Ano ang isinasagisag dito ng “apoy”? Marahas na pag-uusig ba? Maliwanag na hindi. Sapagka’t pansinin na “ang gawa ng bawa’t isa” ay susubukin sa “apoy.” Hindi lahat ng Kristiyano ay marahas na pinag-uusig. Kaya’t ang “apoy” ay sumasagisag sa mga panggigipit o tukso na makasisira sa espirituwalidad ng isa.
22. Ano ang ilan sa maaapoy na pagsubok na mararanasan ng iba?
22 Para sa iba baka ang “apoy” ay yaong suliranin sa pagkaneutral. Halimbawa, baka ang iba’y gipitin para sila sumangkot sa politika o kung hindi ay ibibilanggo sila. (Juan 15:19) Kung minsan ang “apoy” ay baka lalong mapangdaya. Baka iyon ay ang tukso na manood ng sini o mga palabas sa TV na tungkol sa sekso at karahasan. Para sa mga kabataang Kristiyano baka ang “apoy” ay yaong pagkahantad nila sa tukso ng imoralidad sa sekso, ng droga o ng pakikibahagi sa malalaswang libangan. Ang likas na hangaring kalugdan ng iba ay makahihila sa mga kabataang Kristiyano na makiisa sa kanila.—1 Juan 2:16.
23. (a) Sa pagharap sa ganiyang mga pagsubok, anong mga tanong ang ibinabangon, at sa ano depende ang mga sagot? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
23 Karamihan ng mga tunay na Kristiyano ay nagtagumpay sa ganiyang mga pagsubok. Nakalulungkot, ang iba ay hindi. Kaya, tanungin natin ang ating sarili: Pagka ang ating mga tinuruan ay napaharap sa “apoy,” paano kaya sila gagawi? Matutulad kaya sila sa magandang palasyo na ginayakan ng nakapananaig-sa-apoy na ginto, pilak at mahahalagang bato, at maninindigang matatag? O sila’y matutulad sa kubo na yaring kahoy, tuyong damo at dayami, at masusunog? Malaki ang depende sa tinuturuan. Nguni’t, malaki rin ang depende sa atin na mga tagapagturo—kung tayo’y sa anong mga materyales yari. Kaya ang tanong: Paano mo itinatayo sa iyong mga tinuturuan ang gayong matitibay na mga katangian? Ito’y tatalakayin sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag mo ba:
◻ Kung paano sa pagtuturo sa iba’y may bahagi kapuwa ang nagtuturo at ang tinuturuan?
◻ Paano mo inilalagay si Kristo bilang isang “pundasyon”?
◻ Ano ang matututuhan buhat sa pangyayari sa kongregasyon sa sinaunang Corinto?
◻ Ano ang “apoy,” at paano idiniriin nito ang kahalagahan ng pagtatayo sa iba ng matitibay na mga katangian?
[Mga larawan sa pahina 11]
Sa pagtuturo sa iba, ang ginagamit mo ba’y mga materyales na panlaban sa apoy o yaong madaling tablan ng apoy?