Ang Kagilagilalas na Sangkap—Ating Puso!
“PUPURIHIN kita sapagka’t kagilagilalas ang pagkagawa sa akin sa kakilakilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Dapat tayong mapukaw ng sinabing ito ni David, oo, kamangha-mangha ang pagkagawa ng Maylikha sa ating katawan.
Sa kaniyang aklat na Man the Unknown, sinabi ni Alexis Carrel tungkol sa dugo, “ang ilog ng buhay” na tumatakbo sa ating mga ugat: “Dala nito ang pagkain sa lahat ng selula at ito ang basurero na humahakot ng basurang galing sa buháy na mga tisyu. Ito’y may mga sustansiya at mga selula na kumukumpuni sa sirang mga organo. Kataka-taka ang nagagawa nito. Ang agos ng dugo ay parang dumadagsang ilog na, sa tulong ng iniaanod na putik at mga puno, nagkukumpuni ng mga bahay na nasa pampang.” (Pahina 77-8) Gunigunihin ang pagdadala ng pagkain at paghahakot ng basura na magkasabay na ginagawa ng dugo! At ano ang nagpapaagos sa ating katawan ng ilog na ito ng buhay? Ang puso!
Ang puso ay nagpapatotoo sa karunungan ng Maylikha. Isang hungkag na kalamnan ito na halos kasinglaki ng ating kamao. Ito’y may timbang na 11 onsa sa lalaki at 9 onsa sa babae.a Ito’y may apat na pitak, dalawa sa kanan at dalawa sa kaliwa. Ang nasa kanan sa itaas ang tumatanggap sa dugo buhat sa sirkulasyon sa buong katawan. Pagkatapos, ang dugo ay ibinobomba sa pitak na nasa ibaba at pagkatapos ay sa mga baga. Sa pamamagitan ng mga balbula, hindi na umaatras ang agos ng dugo. Pagdating sa baga ay itinatapon ng dugo ang carbon dioxide at pinapalitan iyon ng oksiheno. Mula sa baga ang dugo ay nagtutungo sa itaas na pitak sa kaliwa, saka ito ibinobomba sa pitak sa ibaba at saka tutungo sa sirkulasyon sa buong katawan, at pinakakain ng dugo ang lahat ng selula ng katawan at inaalis ang mga sukal.
Kaya’t may dalawang bomba at dalawang sirkulasyon. Ang dalawang pitak sa kanan ang nag-aasikaso ng sirkulasyon ng dugo sa baga, at ang dalawang pitak sa kaliwa ang nagtutustos ng dugo sa buong katawan. Lahat-lahat, mayroong mga 60,000 milya (97,000 km) ng mga tinatakbuhan ng dugo—arterya, ugat at kapilar.
Ang puso ang may pinakamasalimuot na kalamnan sa katawan. Pagka pinakamabilis ang takbo ng isang tao, pinangyayari nito na ang puso niya’y magtrabaho nang makadoble ang bigat kaysa ibang kalamnan. At ang mga kalamnang iyon ay agad nagiging gastado, nguni’t ang sa puso ay tuluy-tuloy na umaandar buhat sa pagsisilang hanggang sa kamatayan ng tao. Ang puso ay sandaling nagpapahinga pagkatapos ng bawa’t pintig. Sa kapanganakan ang pintig nito ay mga 150 beses isang minuto; sa katandaan ay bumabagal at mga 72 na lamang bawa’t minuto.b Sa mga 70 taon na ikinabuhay ng isa, mga 4,000 milyong beses ang naipintig ng puso. At ito’y nakapagbomba ng 46 na milyong galon, o mga 174 milyong litro, ng dugo. Ang puso ay pipintig nang doble ang bilis kung tayo’y naghehersisyo nang mabigat, kung tayo’y napupukaw, natatakot o nagagalit, at inihahanda tayo na “umabante o umatras.”
Ang puso ay may sariling lakas na nagpapaandar sa kaniya. Sa pamamagitan ng sistema nerbiyosa ay inihahanda ng tiyan ang pagtunaw sa pagkain at ang pag-andar ng mga bituka upang ang mga sukal ng katawan ay umabante, hanggang sa mailabas. Ang puso ay may sariling pinagkukunan ng lakas, ang pacemaker. Ang bagay na ito’y hindi laging napapahalagahan. Ang puso ng ipinaglilihing sanggol ay nagsisimulang pumintig bago ito magkaroon ng mga nerbiyos. At ang puso’y patuloy na pumipintig pagka inalis sa katawan, at lalo na kung ito’y tinustusan ng dugo.
Karapat-dapat ngang asikasuhing mabuti ang mahalagang sangkap nating ito. Dapat dito ang hustong pagkain, pahinga, at hersisyo, para laging malakas ito. Lubusang iwasan ang paninigarilyo. At, tayo’y maging timbang at gamiting may katamtaman ang mabubuting bagay sa buhay.
Napakahalaga ang puso, kaya malimit banggitin ito sa Bibliya. Nguni’t, ang idinidiin ng Bibliya ay ang makasagisag na puso imbis na yaong literal.
[Mga talababa]
a Isang onsa = 28 gramos.
b Para sa lahat ng mamifero (nagpapasuso) mientras maliit ang katawan ay lalong mabilis ang pintig ng puso. Ang puso ng shrew (nahahawig sa bubuwit) ay pumipintig nang mga 1,000 beses isang minuto, nguni’t ang puso ng mga ibang balyena ay pumipintig nang mga 15 beses isang minuto.