Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa halamanan ng Eden, papaano nakipag-usap kay Eva ang ahas upang tuksuhin siya?
Ang Genesis 3:1 ay nagsasabi: “Ang ahas nga ay lalong tuso kaysa alinman sa maiilap na mga hayop sa parang na nilikha ng Diyos na Jehova. At sinabi niyaon sa babae: ‘Tunay bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng alin mang punungkahoy sa halamanan?’”
May iminungkahing iba’t-ibang paraan ng ginawa ng ahas na pakikipag-usap kay Eva, kasali na ang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng pagsasalita ng katawan o ng mga senyas. Halimbawa, ang klerigong Ingles na si Joseph Benson ay nagsabi ng ganito: “Hindi sinasabi sa atin kung paano ito nakipag-usap sa kaniya: nguni’t malamang na sa pamamagitan ng mga senyas. May paniwala ang iba na noong una ang mga ahas ay may abilidad na mangatuwiran at magsalita at, kung gayon, si Eva ay hindi namangha sa pangangatuwiran at pagsasalita sa kaniya ng ahas; subali’t tayo’y walang katibayan nito.”a
Ipinangatuwiran din na ang mismong pagkanaroroon at ikinilos ng ahas ay may mensaheng ibig ipatalastas. Mangyari pa, hindi sa mga hayop, kundi sa tao (si Adan) sinabi ng Diyos: “Sa punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama ay huwag kayong kakain ng bunga niyaon . . . sapagka’t sa araw na kumain kayo ay tiyak na mamamatay kayo.” (Genesis 2:17) Gayunman, kung ang ahas—na kilala bilang napaka-“maingat”—ay nasa punungkahoy, baka naisip ni Eva na hindi gaanong mapanganib ang punong iyon. Baka nga kumilos ang ahas na parang ipinakikita niya na makabubuti ang makialam sa punong iyon.
Subali’t hindi lamang ang mga pasenyas na pakikipag-usap ang ipinahihiwatig ng mababasa sa Genesis 3:1-5, tulad nang ipatalastas ng ahas kay Eva na siya’y magiging gaya ng Diyos at makakakilala ng kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Isa pa, sinasabi ng kinasihang kasaysayan na ang ahas ay “nagsabi sa babae.” May katuwiran si Eva na sumagot sa pamamagitan ng pagsasalita. Pagkatapos, “ang ahas ay nagsabi sa babae” ng iba pa. Kung, gaya ng sabi ni Joseph Benson, ang ahas ay nakipagtalastasan sa pamamagitan lamang ng mga senyas o mga ikinilos, ang gayon ay aakay sa paniwala na si Eva’y tumugon din sa pamamagitan ng ganoong paraan.
Tinukoy ni apostol Pablo ang pangyayaring ito at ang babala niya sa mga Kristiyano sa Corinto, “Ako’y natatakot na sa paanuman, kung paanong nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan baka ang inyong mga isip naman ay pasamain.” Ang panganib na iyan ay buhat sa “mga bulaang apostol, magdarayang mga manggagawa.” Tunay na ang panganib buhat sa “pinakamagagaling na apostol” ay higit pa kaysa mga senyas at mga hitsura lamang; kasali pati kaniyang pananalita, mga salitang sinabi at pinaglubid-lubid upang makadaya at mailigaw ang iba.—2 Corinto 11:3, 5, 13.
Datapuwa’t, ang literal na ahas ay wala namang mga kuwerdas vocales na magagamit sa pagsasalita, di ba? Walang anumang nagpapahiwatig na mayroon iyon nito. Nguni’t hindi na kailangan ito. Nang si Jehova ay magsalita kay Balaam sa pamamagitan ng isang asno, hindi ibig sabihin na ito’y may mga sangkap sa pagsasalita na gaya niyaong nasa lalamunan ni Balaam. Ating mababasa: “Sa wakas ibinuka ni Jehova ang bibig ng asno at sinabi nito kay Balaam . . . ” Sinagot ni Balaam ang tanong ng hayop na iyon, kung kaya’t nagpatuloy pa ng pagsasalita ang hayop na ito na wala namang sangkap sa pagsasalita na tulad ng sa tao. (Bilang 22:26-31) Sa pangyayaring iyan, idinilat ni Jehova ang mga mata ni Balaam upang makita na naroroon ang isang anghel, na espiritung mas mataas kaysa tao. Samakatuwid nang ‘ang piping asnong ito ay magsalita nang may tinig-tao,’ yao’y nagbubuhat sa dako ng mga espiritu.—2 Pedro 2:16.
Kung gayon, ang ginamit ba ni Jehova ay isang uri ng kahima-himalang ventriloquia? Marahil, nguni’t hindi natin tiyakang masasabi kung ano ang talagang pamamaraang ginamit. Pinatutunayan ng Juan 8:44 at Apocalipsis 12:9 na ang nasa likod ng literal na ahas sa Eden ay yaong nang dakong huli’y “tinatawag na Diyablo at Satanas.” Siya ay isa ring espiritung nakatataas sa tao, nguni’t isang balakyot.—Ihambing ang 1 Samuel 28:7, 8, 15-19.
Kaya, kahit na kung ang mga ikinilos ng literal na ahas ay nakapagpatunay kay Eva na totoo ang ipinatatalastas niyaon, maliwanag na aktuwal na pagsasalita—mga pagsasalitang narinig ni Eva at maaari niyang tugunin—ang isinagawa. At ang pasimuno nito’y ang pusakal na manlilinlang, si Satanas, na “patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.”—2 Corinto 11:14.
[Talababa]
a Noong 1907, si C. T. Russell ay sumulat: “Kung iyon baga ay nagsalita sa sariling tinig o sa pamamagitan ng kilos, hindi natin alam—baka itong huli ang totoo, gaya ng sinasabi natin kung minsan, ‘mas malakas magsalita ang kilos kaysa mga salita.’ ”