Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 3/15 p. 4-8
  • Maaaring Magkaroon Ka ng Maligayang Hinaharap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maaaring Magkaroon Ka ng Maligayang Hinaharap
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Saan Natin Matatagpuan ang Gayong Kaalaman?
  • Kaalaman na Kailangan Natin
  • Huwag Matakot sa Karunungan
  • Nasa Kaniya ang “Lahat ng Karunungan”
    Halika Maging Tagasunod Kita
  • ‘Talagang Kahanga-hanga ang Karunungan ng Diyos!’
    Maging Malapít kay Jehova
  • Ipinapakita Mo Ba ang “Karunungan Mula sa Itaas”?
    Maging Malapít kay Jehova
  • Paano Ka Nagpaplano Para sa Hinaharap?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 3/15 p. 4-8

Maaaring Magkaroon Ka ng Maligayang Hinaharap

ISANG litaw na pangyayari noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon ang nagpapakita kung paanong higit pa sa karaniwang karunungan ang kinakailangan kung ibig nating magplano para sa isang matagumpay na hinaharap. Noong mga araw na iyon ang malaking bahagi ng daigdig ay nasa-ilalim ng pamamahala ng imperyo ng Roma. Ang sariling lupain ni Jesu-Kristo, ang Palestina, ay isang munting bahagi lamang ng pagkalawak-lawak na Imperyong Romano. Subali’t ang mga Judio ay may matatayog na pangarap. Sila’y hindi mapakali sa ilalim ng pamamahalang Romano at malimit na naghihimagsik. Ang kanilang kinagisnang paniwala ay na nasa panig nila ang Diyos.

Noong ikapitong dekada ng unang siglo, pinagsumikapan ng mga Judio na iwaksi ang pamatok ng Roma. Isang hukbong Romano ang lumusob sa kanila at halos masakop ang siyudad ng Jerusalem nguni’t umatras din. Ang akala ng mga rebelde ay nagtagumpay na sila sa tulong ng Diyos. Subali’t, inihula na ni Jesus na ang siyudad na iyon ay pupuksain. Sa gayon, sinamantala ng tapat na mga Kristiyano ang pag-urong ng mga Romano bilang isang pagkakataon upang tumakas buhat sa siyudad na iyon. (Mateo 23:33-39; Lucas 21:20-24) Hindi nagtagal pagkaalis nila, ang mga Romano ay nagsibalik. Noong 70 C.E. ang siyudad ng Jerusalem ay nawasak at ang mga tao roon ay nangapatay o dili kaya’y ipinagbili sa pagkaalipin. Yaon lamang mga nakinig sa babala ni Jesus ang nakaligtas sa kakilakilabot na karanasang iyon.

Isang mariing pagtatanghal iyon ng pagiging totoo ng sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay sanggalang na gaya ng salapi na sanggalang; nguni’t ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.” (Eclesiastes 7:12) Sa pamamagitan ni Kristo, binigyan ng Diyos ang mga tagasunod ni Jesus ng kaalaman sa mangyayari. Sila’y may katalinuhang kumilos ayon sa kaalamang iyon, at ang “karunungan ng Diyos” na iyon ang nagligtas sa kanila na kung saan ang salapi, makasanlibutang edukasyon at iba pa ay hindi makapagliligtas.​—1 Corinto 1:21.

Sa walang kasiguruhang daigdig ngayon, marami ang nangangamba na baka sila’y mapaparis sa mga Judiong iyon sa Jerusalem. Lahat ng kanilang plano para sa hinaharap ay maaaring mabigo dahilan sa isang kapahamakan na hindi nila kayang supilin. Kung gayon, ang kailangan natin ay yaon ding uri ng kaalaman na taglay ng mga Kristiyano noong unang siglo​—ang pagkaunawa sa kung anong talaga ang mangyayari sa hinaharap at ano ang pinakamagaling na gawin.

Saan Natin Matatagpuan ang Gayong Kaalaman?

Taun-taon libu-libong aklat ang inilalathala, tungkol sa pagkarami-raming mga paksa. Subali’t, sa kabila ng lahat ng impormasyong ito ang hinaharap ay nagbabanta ng panganib. Gayunman, sa ngayon ay mayroon tayong aklat na naiiba sa lahat ng ibang mga lathalain. Ito’y sinimulang isulat bago pa noong kaarawan ni Salomon, at nakasulat dito ang maraming “mga salitang karunungan” na tulad ng “mga tulis”​—nagtutulak sa isang taong natuturuan na kumilos nang may katalinuhan. (Eclesiastes 12:11) Nang panahon na pumarito si Jesus sa lupa, nakasulat na ang malaking bahagi ng aklat na ito, at malimit na ginagamit niya ang payo nito sa pagtulong sa kaniyang mga alagad upang kumilos nang may katalinuhan. Ang matalinong mga kasabihan na narito ang tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawa’t salita na lumalabas sa bibig ni Jehova.’”​—Mateo 4:4.

Mangyari pa, ang aklat na iyon ay ang Bibliya. Subali’t paanong ang Bibliya ay naiiba sa katakut-takot na mga aklat na inilalathala sa ngayon? Unang-una, nagbibigay ito ng isang naiibang uri ng kaalaman. Saan mo pang iba mapapag-alaman ang katotohanan tungkol sa kung paano nilalang ang tao at bakit siya namamatay? Ano pang ibang aklat ang sumasagot sa mga tanong na katulad nito: Bakit pinapayagan ng Diyos na umiral ang kabalakyutan? Ano ba ang kasasapitan ng daigdig na ito? May layunin ba ang buhay? Nasa Bibliya ang mga katotohanang kasagutan sa mga ito at sa marami pang iba.

Ang Bibliya ay nagbibigay din sa atin ng matalino at praktikal na payo tungkol sa araw-araw na pamumuhay. Nagpapaalaala ito ng kasamaang ibubunga ng paglalasing, ng imoralidad at ng karumihan ng katawan. Idinidiin nito ang kabutihang naidudulot ng pag-ibig, pagpipigil sa sarili at kawalang-imbot. Nagbibigay ito ng pamantayan sa pag-aasawa na talagang gumagana at tumutulong upang magkaroon ka ng maligayang buhay pampamilya. Ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay tutulong sa atin na magplano ng isang kapaki-pakinabang na kinabukasan.​—1 Corinto 6:9-11; 13:4-8; Galacia 5:22-24; Efeso 5:21–6:4.

Kaalaman na Kailangan Natin

Datapuwa’t, bukud-tanging kailangan natin ang Bibliya sapagka’t ipinaaalam nito sa atin ang tungkol sa Diyos na Jehova, ang Maylikha. Ang kaalaman tungkol kay Jehova ay mahalaga sapagka’t siya ang Bukal ng lahat ng kaalaman. Aba, kahit na ang mga bagay na natututuhan ng mga tao tungkol sa mga paglalang at sa sansinukob ay makapagtuturo sa kanila tungkol sa Diyos! Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nagsisiwalat ang mga langit ng kaluwalhatian ng Diyos; at ng mga gawang-kamay niya’y nagbabadya ang kalawakan.” Oo, ang ‘di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.’ (Awit 19:1; Roma 1:20) Ang mga mananaliksik at mga siyentipiko na nagwawalang-bahala sa Diyos sa kanilang mga pananaliksik ay malamang na magkakamali sa kanilang mga sinasabi.

Ang pagkatuto tungkol kay Jehova ay mahalaga rin sapagka’t ipinakikita niyaon sa atin na ang Diyos ay may kaniyang sariling mga layunin para sa lupa at sa tao. “Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, nguni’t ang payo ni Jehova ang mananaig.” (Kawikaan 19:21) Anuman ang sikapin ng mga tao na matapos, kung ang kanilang mga plano ay hindi kasuwato ng mga layunin ng Diyos, yao’y hindi magtatagumpay.​—Awit 127:1.

“Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman,” ang sabi ni Haring Salomon. (Kawikaan 1:7) Ang karunungan na salig sa gayong kaalaman ang may tunay na kabuluhan sa pagpaplano ng tao para sa hinaharap. Subali’t ipinakikilala rin ng Bibliya na si Jesus ang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isaias 9:6) Kaya’t paano tayo matagumpay na makapagpaplano para sa hinaharap kung hindi natin siya isasali? Dinggin natin ang kaniyang “mga salita ng buhay na walang hanggan” na nasusulat sa Bibliya. (Juan 6:68) Isa pa, kilalanin natin siya bilang dakilang hinirang ng Diyos na Hari, na Hukom sa buong sangkatauhan. (Juan 5:22) At tumugon tayo sa dakilang pag-ibig na kaniyang ipinakita sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang buhay para sa mga kasalanan ng sangkatauhan.​—Juan 3:16; 1 Juan 2:1, 2.

Oo, si Jesus ang pinaka-sentro na iniikutan ng buong kasaysayan ng tao, at ano mang plano na hindi nagsasaalang-alang sa kaniya ay magiging mabuway. Ito’y totoong-totoo pagka pinag-isipan natin ang sinabi ni propeta Daniel tungkol sa kaniya. May kaugnayan sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo, sinabi niya: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44; Awit 2:1, 9) Kung gayon, kaylapit-lapit nang lahat ng kaharian sa lupang ito ay halinhan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ng Haring si Jesu-Kristo. Kaya naman, ang mga bagay na lumiligalig ngayon sa sangkatauhan​—polusyon, banta ng digmaang nuclear, paghihikahos sa kabuhayan at kawalang kapanatagan ng pamahalaan​—ay malapit nang mawala. (Apocalipsis 11:18) Oo, maaaring maging maligaya ang iyong kinabukasan sa darating na makalupang Paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.​—Lucas 23:43.

Ang ganiyang kaalaman ang nagbibigay sa atin ng pagkaunawa pagka pinag-iisipan natin ang kawalang-kaya ng mga pinuno ng daigdig na lutasin ang mga suliranin nito. Subali’t may isang suliranin na kailangang mapagtagumpayan.

Huwag Matakot sa Karunungan

Noong unang siglo, walang nakatulad si Jesus bilang isang guro. Pinatunayan ang kaniyang karapatang magturo nang kaniyang pagalingin ang maysakit, ang bulag at ang pilay, at binuhay pa niya ang mga patay. (Mateo 11:5, 6) Ang kahima-himalang mga gawang ito ay kasabay ng walang bahid-dungis na pamumuhay ni Jesus. (Hebreo 7:26) Tunay, ang ganiyang mga bagay ay nagpatunay na si Jesus nga ang malaon nang ipinangakong Mesiyas. Gayunman ay iba sa karaniwang karunungan ang kaniyang ipinangaral, at tinanggihan siya ng karamihan ng mga Judio.

Makalipas ang mga ilang taon ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay nangaral kay Haring Agrippa. Bilang tugon sa taimtim na pananalita ni Pablo, sinabi ni Agrippa: “Sa maikling panahon ay hihikayatin mo ako na maging Kristiyano.” (Gawa 26:28) Maliwanag diyan, nadarama niya ang bisa ng mensaheng iyon. Subali’t wari bang di-karaniwan iyon at kaypala’y kakailanganin ang malaking pagbabago sa kaniyang sistema ng pamumuhay. Kaya’t si Agrippa ay hindi kailanman naging isang Kristiyano.

Tulad ni Haring Agrippa o ng mga Judio na hindi tumugon sa mga turo ni Jesus, marami sa ngayon ang mas nadadalian na sumunod sa karaniwan at dati nang karunungan kaysa tanggapin ang karunungan ng Diyos. Subali’t tandaan na yaon lamang mga Judio na tumugon sa mensahe ni Jesus ang nakaligtas nang puksain ang Jerusalem.

Gayundin sa ngayon, tanging sa pagtugon lamang sa karunungan ng Diyos tayong mga tao’y makakakilos nang may karunungan sa pagpaplano natin ng ating kinabukasan. Totoo, habang umiiral ang sistemang ito ay kailangan ding gumamit tayo ng sentido komun sa pagsasaplano natin ng ating buhay. Subali’t kung lahat ng plano natin para sa hinaharap ay dito lamang nakasalig sa sistemang ito ng mga bagay, sa malao’t-madali ay mauuwi iyon sa wala, sapagka’t ang wakas nito ay malapit na. Ang tunay na karunungan ay ang basahing maingat ang Bibliya upang matutuhan ang mga layunin ng Diyos. Pag-aralan natin ito, kasama ng panalangin, upang mapag-alaman natin kung ano ang kaniyang kalooban para sa atin ngayon. At tayo’y kikilos nang may karunungan kung taimtim na gaganapin natin ang kaniyang kalooban.

“Ang karunungan ng Diyos” ay nagbubunga ng mabuti. Ang kapatid ni Jesus na si Santiago ay nagsabi: “Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang mabuting asal ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. . . . Ang karunungan mula sa itaas ay unang-una malinis, saka mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, puspos ng kaawaan at mabubuting bunga, walang itinatangi, hindi mapagpaimbabaw.” (Santiago 3:13-17) Ang gayong karunungan ang ‘nag-iingat ng buhay ng mga nagtataglay niyaon’! (Eclesiastes 7:12) Ito ang tutulong sa pagpaplano ng isang maligayang hinaharap.

[Blurb sa pahina 5]

“Karunungan ng Diyos” ang nagligtas sa mga sinaunang Kristiyano sa kalagayan na kung saan walang kabuluhan ang salapi

[Blurb sa pahina 7]

Ang karunungan na salig sa kaalaman buhat sa Diyos ang “tunay” na mahalaga sa pagpaplano ng tao para sa hinaharap

[Larawan sa pahina 6]

Sa maingat na pag-aaral ng Bibliya ay nahahayag na ‘babaliin ang mga bansa ng isang pamalong bakal’ ng Haring si Jesu-Kristo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share