Ang Kahulugan ng mga Balita
‘Napilitang Kumumpromiso’
“Nakabilad ang kaniyang dibdib, may nakakulapol na pulang pintura sa mukha, sa palibot ng ulo’y may nakagayak na mga balahibo ng bird-of-paradise,” ang sabi ng Manchester Guardian Weekly tungkol sa isang 18-anyos na babaing estudyante na nakatayo sa tabi ng papa nang binabasa niya ang isang talata buhat sa Epistola. Ang papa’y naroon sa Papua New Guinea, mga ilang saglit pa’y magmimisa na. Ang babae’y nakadamit ng dating uso para sa paganong seremonya. At, “habang nagsasayaw sa harap ng altar ang mga miyembro ng tribo, naghahagis naman sa itaas ng pulbos na kulay-dilaw, dalanghita at pula bilang tanda ng kasayahan—at para palayasin ang masasamang espiritu.”
Bakit pinapayagan ng Iglesya Katolika ang ganiyang rituwal? “Ang mabubuti at masasamang espiritu na bahagi ng lokal na ‘cosmology’ ay mahirap na pawiin sa isip ng mga tribo,” ang pagtatapos ng ulat. “Kaya’t ang Katolisismo ay napipilitan manakanaka na kumumpromiso, halimbawa sa kaso ng poligamya at sa isa o dalawang kinaugaliang mga rituwal. Nguni’t ganito ba kumukumpromiso ang mga tunay na Kristiyano? Hindi, ang sabi ni apostol Pablo. Tungkol sa idolatriya, sumulat siya: “ ‘Humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag na kayong humipo ng marumi.’ ”—2 Corinto 6:17.
Sariling-Akin na Pagka-Kristiyano
Mayroong “mahigpit na ebidensiya,” ang sabi ng Newsweek magasin, “na ang mga relihiyon ay hindi na mga siguradong kanlungan—sakali mang sila’y naging gayon—laban sa kagusutan sa moral, sa teolohikong kalituhan, hidwaan sa lipunan at pagguho ng pamilya.” Ano’t humantong sa ganitong konklusyon? Ang dahilan ay nasa isang napalathala kamakailan na tatlong-taóng pag-aaral na, sang-ayon sa artikulo, “may malawakan at mahabang pagtalakay kung kaya’t nagbabangon ng mahalagang mga katanungan tungkol sa kung paano lahat ng Kristiyano sa E.U. ay nagpapakahulugan at nagkakapit ng kanilang pananampalataya.” Sang-ayon sa isang mananalaysay ng simbahan, ang tinutukoy ng ulat ay isang “ ‘pulutin-at-piliin’ mo na pagka-Kristiyano” na doon ang isa-isang miyembro ang pumipili o umaayaw sa mga paniwala sang-ayon sa kanilang sariling mga tunguhin sa espirituwal. Sa katunayan, dalawang-katlo ng mga taong sinurbey ang “nagsabi na hindi naman masama kung itakuwil man nila ang mga ibang turo ng kanilang relihiyon.” Ang sabi ng isang babae: “May palagay ako na sa pag-aaral ng relihiyon, gaya rin sa ano pa mang ibang bagay, ang itinuturo sa iyo ay mga saligang aral. Sa pinaka-saligang ito, pinipili mo ang ibig mo o tinatanggihan mo ang anumang ayaw mo.”
Datapuwa’t, si apostol Pablo ay kinasihang sumulat na hindi ganito ang dapat mangyari sa mga tunay na Kristiyano nang kaniyang sabihin: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10.