Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/1 p. 15-20
  • Akayin ang mga Baguhan Tungo sa Organisasyon ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Akayin ang mga Baguhan Tungo sa Organisasyon ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Pablo Bilang Isang Organisador
  • Bakit May mga Kongregasyon?
  • Mga Kongregasyon Ngayon sa Iba’t-ibang Lugar
  • Isang Pandaigdig na Kapatiran
  • Ipakilala ang mga Baguhan sa “Buong Samahan”
  • Pagtulong sa Iba Upang Ibigin “ang Buong Samahan”
  • Patibayin ang Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Paano Inoorganisa at Pinangangasiwaan ang Kongregasyon?
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Purihin ng Kongregasyon si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ang Nakikitang Organisasyon ng Diyos
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/1 p. 15-20

Akayin ang mga Baguhan Tungo sa Organisasyon ng Diyos

“Ibigin ninyo ang buong samahan ng magkakapatid.”​—1 PEDRO 2:17.

1, 2. Ano pang mga bagay bukod sa doktrina ang itinuturo ng mga gurong Kristiyano?

ANG gawain ng isang guro ay magturo ng mga bagay na totoo. Subali’t higit pa sa riyan ang ginagawa ng isang mabuting guro. Siya’y nagtuturo ng mga bagay na mahalaga, tinutulungan ang estudyante na makita ang kahalagahan ng kaniyang natutuhan at ipinakikita sa kaniya kung paano niya magagamit ito sa pinakamagaling na paraan. At ito’y lalo nang totoo sa gurong Kristiyano. Totoo, kailangang ituro niya “ang katotohanan ng Diyos.” (Roma 1:25) Subali’t kasangkot diyan hindi lamang ang pagkaalam ng doktrina. Ipinapayo ng Bibliya ang pagtuturo ng takot kay Jehova at pati ng mga katangian ng kabutihan at pagkamakatuwiran.​—Awit 34:11; 119:66.

2 Bumanggit si Jesus ng higit pang mga bagay na kailangang ituro: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Sa “lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo” ay kasali ang pakikibahagi sa pambuong daigdig na pangangaral na inihulang magaganap sa panahon natin. (Mateo 24:14) At mayroon pang isa na dapat tayong ituro sa ating mga estudyante ng Bibliya. Ano iyon? Upang masumpungan ang sagot, isaalang-alang ang ministeryo ni apostol Pablo at pansinin ang isang bagay na kapuna-puna sa kaniyang turo.

Si Pablo Bilang Isang Organisador

3. Ano ba ang ginawa ni Pablo nang siya’y nagtuturo ng mga baguhang interesado sa Corinto?

3 Nang unang dumalaw siya sa Corinto, nakasumpong si apostol Pablo ng maraming tagapakinig, sa kabila ng pagsalansang buhat sa sambayanang Judio. Gayunman, ang mga bagong interesadong ito ay hindi tinuruan ni Pablo nang isa-isa lamang. Ganito ang mababasa natin: “Siya’y lumipat [buhat sa sinagoga ng mga Judio] at naparoon sa bahay ng isang taong nagngangalang Tito Justo, na isang sumasamba sa Diyos, at ang bahay ay katabi ng sinagoga.” (Gawa 18:7) Ang bahay na iyon ay naging isang dakong pinagtitipunan at pinagsasambahang sama-sama ng mga bagong alagad. Hindi nagtagal at sila’y inurganisa ni Pablo sa isang kongregasyon.​—1 Corinto 1:2.

4. Hindi nagtagal, ano ang inurganisa sa Efeso pagkatapos na si Pablo ay magsimula ng pagtuturo roon?

4 Nang malaunan ay nagpatuloy si Pablo ng kaniyang paglalakbay hanggang sa Efeso na kung saan mayroon ding nangyaring katulad niyaon. Isa-isa niyang tinuruan ang mga taong interesado, “sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Subali’t dagling gumawa rin siya ng mga kaayusan upang magkasama-sama ang mga bagong alagad. Kaniyang “inihiwalay sa kanila [na mga Judio] ang mga alagad, at sa araw-araw ay nagbibigay ng mga pahayag sa auditorium ng paaralan ni Tiranno.” (Gawa 19:9) Hindi nagtagal at ang grupong ito man ng mga Kristiyano ay inurganisa sa isang kongregasyon na may hinirang na matatanda.​—Gawa 20:17, 18.

5. Sa pinakamaagang panahon hangga’t maaari, ano ang ginawa sa mga baguhan ng mga sinaunang gurong Kristiyano?

5 Maliwanag, sa pagtanggap ng mga baguhan ng katotohanan noong unang siglo, sila’y hindi pinabayaan sa ganang kanilang sarili. Sila’y tinipon sa mga kongregasyon. Sila’y nagagalak na tumanggap ng pampatibay-loob buhat sa lupong tagapamahala noong panahong iyon. Ang maygulang na mga kapatid, tulad nina Pablo at Bernabe, ay gumugol ng malaking panahon sa pagtuturo sa bagong katatatag na mga kongregasyong ito at sa “pangangaral, kasama ng marami pa, ng mabuting balita ng salita ni Jehova.” (Gawa 15:30-35) Bakit nga ganito? Bakit ang mga baguhan ay hindi pinabayaang mag-isa upang doon umasa sa kanilang bagong kasasanay na mga budhi upang umakay sa kanila sa pagsasagawa ng matuwid?

Bakit May mga Kongregasyon?

6. Bakit ang mga sinaunang Kristiyano ay inurganisa sa mga kongregasyon?

6 Maraming mga dahilan, na ang ilan ay babanggitin dito. Una, pagka ang isang tao’y naging Kristiyano, napapaiba na siya sa sanlibutan na nakapalibot sa kaniya. (Juan 17:14, 15) Kung siya’y pinabayaang nag-iisa, sa ganang sarili na lamang niya, pagkalungkut-lungkot na kalagayan iyan. Subali’t, pagka siya’y kasa-kasama ng mga kapuwa Kristiyano sa lokal na kongregasyon, siya’y mapalalakas nila upang siya’y manatiling nakahiwalay. Isa pa, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magiging “isa.” (Juan 17:11) Ang pagiging isang iyan ay lalung-lalo nang nakita sa mga kongregasyon. Sinabi rin ni Jesus: “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) Upang ang mga Kristiyano ay makitaan ng pag-ibig na ito sa paraan na magsisilbing tanda sa mga tagalabas, sila’y kailangan na umiiral bilang mga komunidad o pamayanan. Ang mga komunidad na iyon ay ang lokal na mga kongregasyong Kristiyano, na doo’y binabantayan ng mga Kristiyano ang espirituwal at pisikal na kapakanan ng isa’t-isa. (Filipos 2:4) Halimbawa, ang tulong para sa mga babaing balo na tinukoy ni Pablo kay Timoteo ay maliwanag na inurganisa sa pamamagitan ng mga kongregasyon.​—1 Timoteo 5:3-10.

7. (a) Ano ang kahulugan ng mga salita ni Pablo sa Hebreo 10:24, 25? (b) Ano ang bahagi ng unang-siglong mga kongregasyong Kristiyano sa gawaing pangangaral?

7 Sa gayon, ang mga salita ni Pablo ay isang tuwirang paghimok na suportahan ang lokal na kongregasyon nang kaniyang sabihin: “Sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t-isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Isa pa, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa gayon na lamang natatanging paraan noong unang siglo ay maliwanag na naisagawa sa isang organisadong paraan sa pamamagitan ng mga kongregasyon. (Roma 10:11-15) Samakatuwid, ang banal na espiritu ang umakay sa mga matatanda (elders) sa kongregasyon sa Antioquia upang sina Pablo at Barnabas ay ipadala bilang mga misyonero sa di pa naiaatas na mga teritoryo, at tinanggap ni Pablo ang autoridad ng mga matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem upang bigyan siya ng mga tagubilin tungkol sa kung saan siya dapat mangaral.​—Gawa 13:1-3; Galacia 2:8-10.

Mga Kongregasyon Ngayon sa Iba’t-ibang Lugar

8, 9. Ano ang ilang mga dahilan kung bakit tayo man ay dapat nating akayin sa lokal na kongregasyon ang ating inaaralang mga interesado?

8 Ano ngayon ang matututuhan natin sa nakaraang kasaysayang ito? Na tayo man ay dapat ding mag-akay sa mga baguhang interesado tungo sa lokal na kongregasyon. Sa ngayon, gaya rin noong kaarawan ni Pablo, ang pagka-Kristiyano ay hindi isang relihiyon ng mga mapagbukod. “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay maghahanap ng kaniyang sariling mapag-imbot na hangarin,” ang babala ng aklat ng mga Kawikaan. (Kawikaan 18:1) Sa kabilang dako, “siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas.” (Kawikaan 13:20) Ang mga bago ay nangangailangan ng espirituwal, moral at emosyonal na suporta na iniaalok ng kongregasyong Kristiyano. Kailangang maranasan nila ang pag-ibig ng mga kapuwa Kristiyano, ang paglilingkod ng matatanda at ang maligayang pagkakaisa na nagtatangi sa Kristiyano upang magkaroon ng gayong nakagagalak at pambihirang karanasan.​—Awit 133:1.

9 Sa ngayon man naman ang pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay isinasagawa ang kalakihang bahagi sa organisadong paraan sa pamamagitan ng mga kongregasyong Kristiyano sa iba’t-ibang lugar. (Mateo 24:14) Kung gayon, pagka tayo’y nagtuturo sa mga baguhan ng kanilang obligasyon na makibahagi sa gawaing iyan, kailangang akayin natin sila sa lokal na kongregasyon at ipakita sa kanila kung paano makikipagtulungan dito.

Isang Pandaigdig na Kapatiran

10. Banggitin ang mga ilang teksto na tumutukoy sa pandaigdig na pagkakaisa ng unang-siglong mga Kristiyano.

10 Datapuwa’t, ang mga baguhan ay ipinakilala ni apostol Pablo sa hindi lamang isang lokal na kongregasyon. Sinabi niya sa mga taga-Efeso: “May isang katawan, at isang espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pag-asa ng pagtawag sa inyo.” (Efeso 4:4) Mayroon lamang iisang “katawan” sa buong daigdig, hindi maraming bukud-bukod sa sari-sariling lokal na mga kongregasyon. Si Jesus ay tumutukoy din sa buháy na mga miyembro ng “katawan” na ito sa lupa nang kaniyang banggitin ang isang “tapat at maingat na alipin,” na binigyan ng kapamahalaan na ‘magpakain’ sa “magkakasambahay.” (Mateo 24:45-47) Ang isahang mga Kristiyano sa buong daigdig ay kailangang kumilala sa kapamahalaan ng “alipin” na ito kung ibig nilang ‘mapakain’ sila nito. Ang resulta nito’y isang pandaigdig na samahan ng mga Kristiyano.

11. (a) Ano ang itinawag ni Pedro sa pandaigdig na organisasyong ito ng mga Kristiyano? (b) Ano ang kaayusan sa unang-siglong mga Kristiyano upang mapanatili ang pagkakaisa ng doktrina? Papaano ipinakita ni Pablo na kaniyang kinikilala ang kaayusang ito?

11 Sa gayon, lahat ng Kristiyano noong kaniyang kaarawan ay tinukoy ni apostol Pedro bilang “ang buong samahan ng magkakapatid.” (1 Pedro 2:17) Sila’y isang pandaigdig na “samahan” (Griego, adelphotesʹ, “kapatiran”). Ang mga baguhan ay naging bahagi hindi lamang ng lokal na kongregasyon kundi ng buong pandaigdig na kapatirang ito. Ang mga kongregasyon ay may ugnayan sa isa’t-isa. (Colosas 4:15, 16) Pagka may bumangong mga suliranin tungkol sa doktrina, hindi ang mga Kristiyano ang gumagawa ng kanilang sariling mga desisyon. Para sa kasagutan na may autoridad, sila’y doon umaasa sa matatanda o elders ng kongregasyon sa Jerusalem na nagsilbing isang pandaigdig na lupong tagapamahala noong mga araw na iyon. (Gawa 15:2, 6-22) Si Pablo mismo ay kumilala sa kapamahalaan ng lupon na iyon na magpasiya tungkol sa doktrina. Bagaman kaniyang tinanggap ang katotohanan sa pamamagitan ng isang natatanging pagsisiwalat buhat kay Jesu-Kristo gayunman ay naglakbay siya at naparoon sa Jerusalem upang ipaliwanag sa kanila ang mabuting balita na kaniyang ipinangangaral noon, ‘sapagka’t baka sa papaanuman ay tumatakbo o tumakbo siya noon nang walang kabuluhan.’​—Galacia 1:11, 12; 2:1, 2, 7-10.

12. Ano pang mga kaayusan ang nagbuklod sa “buong samahan ng magkakapatid” upang magkaroon ng matalik na pagsasamahan?

12 Upang mapanatili ang pagkakaisa ng kaisipan at pagkilos ng “buong samahan” ng magkakapatid, naglalakbay na mga ministro, tulad baga nina Timoteo, Tito at Epaprodito, ang sinugo upang dumalaw at patibayin sila, at mga liham tulad baga niyaong kina Pablo, Pedro, Santiago, Juan at Judas ang ipinalibot sa kanila. Dahilan sa umiiral ang gayong kapatiran, ang mas nakaririwasang mga Kristiyano sa mga ibang lupain ay nakabalita ng pangangailangan ng kanilang kapatid sa Judea nang panahon na sila’y naghihirap doon, at​—sa pamamagitan ng mga kongregasyon​—si Pablo ay nakapag-urganisa ng pagpapadala ng tulong sa mga nangangailangan. (1 Corinto 16:1-4) Ang indibiduwal na mga Kristiyano ay nagkaroon din ng lakas ng loob nang sila’y makabalita ng tungkol sa pagtitiis at pananampalataya ng ‘buong samahan ng kanilang mga kapatid sa daigdig.’​—1 Pedro 5:9.

Ipakilala ang mga Baguhan sa “Buong Samahan”

13. Ano ang mga ilang pagkakatulad ng “buong samahan ng magkakapatid” sa buong daigdig noong unang siglo at ngayon?

13 Mayroon ba ring katulad na “buong samahan ng magkakapatid” sa ngayon? Oo, mayroon. “Ang tapat at maingat na alipin” ay umiiral pa rin at may pananagutan pa rin sa ‘pagpapakain’ sa “mga kasambahay.” (Mateo 24:45-47) Tulad noong kaarawan ni Pablo, isang Lupong Tagapamahala ang kumakatawan sa “alipin” na ito at nagdidirekta sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng “mabuting balita.” Ang pandaigdig na pagkakaisa ay pinatibay din naman sa ngayon sa pamamagitan ng mga liham at nakalimbag na literatura buhat sa Lupong Tagapamahalang ito, at ng maygulang na mga guro na naglilingkod sa mga kongregasyon. Samakatuwid, pagka natutuhan ng isang tao ang katotohanan, siya’y natututo na maging bahagi ng lokal na kongregasyon at nadarama niya na siya’y bahagi ng ‘buong samahan ng magkakapatid’ sa buong daigdig. Pananagutan ng gurong Kristiyano na tulungan ang kaniyang inaaralan ng Bibliya na gawin ito. Paano niya magagawa iyan?

Pagtulong sa Iba Upang Ibigin “ang Buong Samahan”

14. Anong mga paraan ang nasumpungang matagumpay sa pagbanggit sa mga inaaralan ng Bibliya tungkol sa lokal na kongregasyon at pati rin sa pandaigdig na organisasyon ng bayan ng Diyos?

14 Sa kaniyang inaaralan ang gurong Kristiyano ay maaaring bumanggit ng tungkol sa kongregasyon at sa pandaigdig na kapatiran, pagkatapos ay kaniyang maipakikita ito sa kaniya. Paano niya maaaring banggitin ito sa kanila? Narito ang ilang paraan na nasumpungang mabisa ng may karanasang mga guro: Gumugol ng panahon bago o pagkatapos ng pag-aaral sa Bibliya upang pag-usapan ang kongregasyon at ang kahalagahang ibinibigay dito ng Kasulatan, at pati na rin “ang tapat at maingat na alipin” at ang paraan ng paglilingkod nito sa atin ngayon. Magpaliwanag tungkol sa Kingdom Hall at sa mga pulong dito. Pag-usapan ang tungkol sa interesanteng mga bagay na natutuhan mo sa panahon ng mga pulong. Sa mga panalangin mo bago at pagkatapos ng pag-aaral, banggitin ang lokal na kongregasyon at pati ang pandaigdig na kapatiran.

15. Ano ang ilan sa pinakamaiinam na paraan upang maipakita sa mga interesado ang lokal na kongregasyon at ang pandaigdig na organisasyon?

15 Subali’t papaano niya maipakikita ang mga bagay na ito? Narito ang mga ilang paraan na napatunayang matagumpay: Sa pinakamadaling panahon na maaari, anyayahan ang mga kapuwa miyembro ng kongregasyon upang sumama sa iyo sa pag-aaral upang ang inaaralan mo ay magsimula nang magkaroon ng mga bagong kaibigan sa pinakamadaling panahong maaari. Mahalaga na kaniyang matalos agad na anuman ang nawala sa kaniyang mga kaibigan sa matandang sistema ng mga bagay ay mahahalinhan naman ng higit pang mga bagong kakilala sa ‘buong samahan ng mga kapatid sa sanlibutan.’ (1 Pedro 5:9; Mateo 19:27-29) Gamitin nang husto ang broshur na Jehovah’s Witnesses in the Twentieth Century. Ito’y nagpapaliwanag tungkol sa modernong pandaigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova at mayroong ilang maiinam na ilustrasyon ng isang malaking kombensiyon, ng isang karaniwang Kingdom Hall, ng isang ginaganap na pulong, ng gawaing pangangaral, at iba pa. Magbibigay ito sa iyong inaaralan ng isang nakikitang larawan ng “buong samahan ng magkakapatid.” Gayundin, ang kabanata 23 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, ay nagbibigay ng isang mainam na paglalarawan tungkol sa organisasyon ng Diyos ngayon sa tulong ng kaakit-akit na mga larawan.

16. (a) Tungkol sa ating mga inaaralan ng Bibliya ano ang dapat nating gawin sa pinakamaagang panahon na maaari? (b) Paano tayo maaaring makinabang buhat sa pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito o distrito upang matulungan ang ating mga inaaralan ng Bibliya na maging bahagi ng bayan ng Diyos?

16 Tandaan din na si Pablo ay nag-urganisa ng mga pulong sa Efeso halos kaagad-agad na makasumpong siya ng mga taong interesado. (Gawa 19:9, 10) Sinabihan niya ang kongregasyon sa Corinto na kapag ang “sino mang di-sumasampalataya o karaniwang tao” ay pumasok sa isang dako na kung saan may isang maayos na pagpupulong ang mga Kristiyano, “ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag, kung kaya’t siya’y magpapatirapa at sasamba sa Diyos, at ipapahayag, ‘Ang Diyos ay talagang nasa gitna ninyo.’ ” (1 Corinto 14:24, 25) Gayundin sa ngayon, mientras pinakamadaling umuugnay sa lokal na kongregasyon ang isang interesadong inaaralan, lalong madaling makilala niya agad kung nasaan talaga ang katotohanan. Kaya naman, ang mga gurong Kristiyano ay nag-aanyaya sa kanilang mga inaaralan na magsidalo sa mga pulong ng kongregasyon at sa mas malalaking asamblea sa pinakamaagang panahon na maaari. Kung kinakailangan, kanilang dinaraanan ang taong interesado at isinasama sa mga pulong. Pagka ang kanilang kongregasyon ay dinalaw ng isang modernong-panahong “Tito” o “Epaprodito,” isang tagapangasiwa ng sirkito o distrito, kanilang tinitiyak na maipakilala sa kaniya at sa kaniyang maybahay ang kanilang inaaralan ng Bibliya, at iniimbitahan pa ang mga bisita na makibahagi sa regular na pag-aaral ng Bibliya.

17. Samakatuwid, ano ang mahalagang bahagi ng ating gawaing pagtuturo at paggawa ng mga alagad? (Mateo 28:19, 20) Paano ito pinakikinabangan ng ating mga inaaralan?

17 Ang pambuong daigdig na kongregasyon ni Jehova ng mga pinahiran ay “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Upang ang mga baguhang interesado ay makinabang sa “suhay” na iyan, kailangang makisama sila sa daan-daang libong maamong tao na humuhugos ng pakikisama sa mga pinahirang ito. (Zacarias 8:23) Sa ngayon ang maaamong taong ito ay bumubuo ng isang pandaigdig na kapatiran na mahigit na dalawa at kalahating milyon na pawang malalakas, at kasali sa pagtanggap sa katotohanan ang pakikisama sa pandaigdig na pagkakapatirang iyan. Pagka ang mga baguhan ay naging bahagi nito, ang buong suhay at proteksiyon na dulot nito ay kanilang tinatamasa. Sila’y naliligayahan sa pag-iibigang pangmagkakapatid na tinatamasa nila sa kanilang mga kapuwa Kristiyano at may pagkakataon sila na gantihin din ng pag-ibig ang gayong ipinakikita sa kanila. (Hebreo 13:1) Ito’y nangangahulugan din na sila’y nagiging bahagi ng isang walang bilang na lubhang karamihan sa buong daigdig na makaliligtas sa dumarating na malaking kapighatian at maligayang magsasama-sama magpakailanman sa walang hanggan. (Apocalipsis 7:9-17) Kung gayon samantalang nagtuturo ka ng doktrina sa iyong inaaralan ng Bibliya, huwag kalilimutan na akayin sila, at turuan sila na magkaroon ng pag-ibig sa “buong samahan ng magkakapatid.”​—1 Pedro 2:17.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang ginawa ni Pablo sa nasumpungang mga bagong interesado sa Efeso at Corinto?

◻ Papaano nakinabang kay Pablo ang mga baguhan?

◻ Bukod sa pagtuturo ng mga doktrina, sa ano dapat tayong listo na ipakilala ang ating mga inaaralan ng Bibliya?

◻ Ano ang ilan sa mga praktikal na paraan ng paggawa nito?

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang mga baguhan ay masiglang tinatanggap sa “buong samahan ng magkakapatid”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share