Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/1 p. 9-14
  • Maligaya ang mga Nasumpungang Nagbabantay!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maligaya ang mga Nasumpungang Nagbabantay!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mapagbantay na Nalabing Judio
  • Pagkamapaghintay ng mga Sinaunang Kristiyano
  • Paghihintay ng mga Kristiyano Pagkatapos ng 70 C.E.
  • ‘Maligaya ang mga Nasumpungang Nagbabantay’
  • Manatiling Laging Handa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kung Paano Napawi ang Pag-asang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Patuloy na Maghintay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Ano ang Nangyari sa Kristiyanong Pagbabantay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/1 p. 9-14

Maligaya ang mga Nasumpungang Nagbabantay!

“Maligaya yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nagbabantay!”​—LUCAS 12:37.

1. Bakit sa tuwina’y ang mga lingkod ni Jehova ay ‘nanatiling naghihintay sa kaniya,’ ngunit ano ang maitatanong tungkol sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?

“SI Jehova ay isang Diyos ng kahatulan. Maligaya ang lahat ng nananatiling naghihintay sa kaniya.” (Isaias 30:18) Sapol noong ipabatid ni Jehova ang lubusang pagkatalo ng Ahas at ng pagliligtas sa pamamagitan ng Pinangakong Binhi, ang kaniyang tapat na mga lingkod ay namuhay na hinihintay ang katuparan ng pangakong iyon. (Genesis 3:15) Subalit ang mga teologo ng Sangkakristiyanuhan baga ay tumutulong sa mga miyembro ng kanilang mga relihiyon na manatiling nagbabantay para sa pangkatapusang pagliligtas buhat kay Satanas at sa kaniyang binhi?

2. Bakit ang “mga bansa” ay dapat maghintay sa “Shiloh”?

2 Sa kaniyang hula nang mamamatay na, inihula ni Jacob na ang pinangakong Binhi ay darating sa pamamagitan ng tribo ni Juda. Binigyan ang Binhi ng simbolikong pangalang Shiloh, at sinabi ni Jacob na “sa kaniya tatalima ang mga bansa.” Sang-ayon sa Griegong Septuagint Version, ang Shiloh “ay hihintayin ng mga bansa.” (Genesis 49:10) Ang “mga bansa” ay dapat na sa tuwina’y nakabantay para sa pagdating ng Shiloh sapagkat sinabi ni Jehova sa ninuno ni Jacob na si Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Subalit una muna na ang Binhi, ang Shiloh, o ang Mesiyas, ay kailangang pumarito sa lupa sa gitna ng mga inapo ni Abraham at ipanganak sa tribo ng Juda.

Isang Mapagbantay na Nalabing Judio

3. Ano ang sinasabi ni Lucas tungkol sa paghihintay ng mga Judio noong 29 C.E., at pinatutunayan ba ito ng makasanlibutang kasaysayan?

3 Ang Judiong historiyador na si Lucas ay nagsabi na “nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar [29 C.E.],” “ang bayan ay naghihintay at lahat ay nagbubulay-bulay sa kanilang puso tungkol kay Juan [Bautista]: ‘Siya na nga kaya ang Kristo [Hebreo, Ma·shiʹach, Mesiyas]?’ ” (Lucas 3:1, 15) Pinatutunayan ba ng makasanlibutang kasaysayan ang pananalitang ito ni Lucas? Ang bagong Ingles na edisyon ng History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ ni Emil Schürer ay nagtatanong: “Ang pag-asa [paghihintay sa Mesiyas] na ito ay nanatili bagang palaging buháy sa gitna ng mga tao?” Bilang tugon, sinasabi niyaon: “Noong huling mga siglo bago magpanahong Kristiyano, at lalo na noong unang siglo A.D., ito’y sumigla, at ipinakita ng Pseudepigrapha [apocaliptikong literaturang Judio], Qumran [kasulatan na galing sa palibot ng Dagat na Patay], Josephus at Ebanghelyo. . . . Ang mga pangitain ng aklat ni Daniel . . . ay nakaimpluwensiya nang malaki sa pagkabuo ng kuru-kurong mesianiko.”

4, 5. (a) Bakit inaasahan ng mga Judio ang pagdating ng Mesiyas nang panahong iyon, at paano ito pinatunayan? (b) Anong Mesiyas ang inaasahan ng maraming Judio, ngunit kanino isiniwalat ni Jehova ang pagdating ng tunay na Mesiyas?

4 Bilang komento sa Mateo 2:2, isang iskolar ang sumulat: “Mayroon, nang panahong ito, ng isang umiiral na paniwala na may pambihirang tao na malapit nang lumitaw noon sa Judea. Ang mga Judio ay sabik na naghihintay nang pagdating ng Mesiyas. Sa pamamagitan ng pagkuwenta sa panahong binanggit ni Daniel (kap. ix. 25-27), batid nila na ang panahong iyon ay sasapit pagka lumitaw na ang Mesiyas.” Masasabi rin na ang Romanong historiyador na sina Suetonius at Tacitus, pati ang mga historiyador Judio na sina Josephus at Philo, ay bumanggit ng ganitong paghihintay. Ang Pranses na Manuel Biblique, ni Bacuez at Vigouroux (Tomo 3, pahina 191), ang nagpapatunay nito, at nagsasabi: “Nalalaman ng mga tao na ang pitumpong sanlinggong mga taon na tiniyak ni Daniel ay malapit nang matapos; walang sinuman na nagtataka sa pagkarinig kay Juan Bautista na nagbabalita na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”

5 Samakatuwid, may patotoo ang kasaysayan na ang mga Judio ay naghihintay sa pagdating ng Mesiyas, o Pinangakong Binhi, at na ang paghihintay na ito ay dahilan sa kanilang pagbabantay sa katuparan ng isang hula tungkol sa panahon.a (Daniel 9:24-27) Totoo, karamihan ng mga Judio noong unang siglo na kabilang sa sarisaring sekta ng Judaismo ay umaasa sa pagdating ng isang pulitikal na Mesiyas na, ayon sa sinasabi sa The Concise Jewish Encyclopedia, “ay pupuksa sa mga kaaway ng Israel at magtatatag ng isang sakdal na panahon ng kapayapaan at kasakdalan.” Subalit isang nalabi ng tapat na mga Judio ang naghihintay na talaga sa tunay na Mesiyas. Kabilang sa mga ito sina Zacarias at Elizabeth, ang mga magulang ni Juan Bautista, pati rin si Simeon, si Anna, si Jose at si Maria. (Mateo 1:18-21; Lucas 1:5-17, 30, 31, 46, 54, 55; 2:25, 26, 36-38) Sa mga ito, hindi sa mga lider relihiyoso ng Judaismo, isiniwalat at pinatunayan ni Jehova ang hula ni Daniel tungkol sa panahon kung kaya kanilang nabantayan ang pagparito ng Pinangakong Binhi, o Mesiyas, “pagka ang takdang kapanahunan ay dumating.”​—Galacia 4:4.

Pagkamapaghintay ng mga Sinaunang Kristiyano

6. Paano pinalaki ang mga batang Judio, at paano tumulong ito sa iba upang maging mga alagad ni Jesus?

6 Batid nina Jose at Maria na ang batang si Jesus na kanilang pinalalaki noon ang magiging Mesiyas. Tungkol sa kaniyang paglaki, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Malamang na si Jesus ay lumaki sa gitna ng pagkarelihiyoso na umiiral sa tahanan at sa sinagoga (kasali na rito ang pag-aaral ng Bibliya, pagkamasunurin sa Kautusan, panalangin, at paghihintay ng pangwakas na pagparito ng Mesiyas).” Ang mga ibang bata na pinalaki sa mga tahanan ng tapat na Judiong nalabi ay lumaki rin na taglay ang pag-asa sa Mesiyas, at ang wastong pag-asang ito ang umakay sa ilan sa kanila na paunlakan ang paanyaya na maging mga alagad ni Jesus.​—Marcos 1:17-20; Juan 1:35-37, 43, 49.

7. (a) Itinuro ba ni Jesus na ang Kaharian ay nasa kalooban ng bawat Kristiyano? (b) Sa ano dapat manatiling nagbabantay ang mga Kristiyano?

7 Nang magtatapos na ang kaniyang makalupang ministeryo, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manatiling nagbabantay sa kaniyang presensiya o “pagkanaririto” sa hinaharap at sa pagdating ng kaniyang Kaharian. Sinasabi ng Britannica: “Ang tradisyunal na paniwala tungkol sa katapusan ng sanlibutan, Huling Paghuhukom, at bagong sanlibutan ng Diyos ay nasa mga salita ni Jesus na naingatan sa tradisyon ng Ebanghelyo. Sa ganoon, sa anumang paraan ay hindi binago ni Jesus ang Kaharian ng Langit upang maging isa lamang relihiyosong karanasan ng indibiduwal na kaluluwa ng tao o bigyan ang Judiong eschatological na pag-asa na diwa ng isang sistemang ebolusyonaryo na umiiral sa sanlibutan o ng isang tunguhin na makakamit sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. . . . Hindi niya ginawang bahagi ng kaniyang paniwala ni hinimok man niya ang sinuman sa pag-asa sa isang pambansang mesiyas . . . ni hindi niya sinuportahan ang pagsisikap ng mga Zealots na pabilisin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos.” Hindi, kundi kaniyang binigyan ang mga Kristiyano ng isang maraming-bahaging tanda na sa pamamagitan nito kanila munang makikilala ang pagdating ng pagpuksa sa Jerusalem, pagkatapos, sa matagal-tagal din na panahon, kanilang makikilala ang ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’​—Mateo 24:3 hanggang 25:46; Lucas 21:20-22.

8. Ano ang nagpapakita na si Jesus ay hindi naniniwala na siya’y darating noon sa pinakamadaling panahon sa kaniyang Kaharian, kaya’t anong payo ang ibinigay niya sa kaniyang mga tagasunod?

8 Ang mga taong may malalayang kaisipan at kahit na ang iba sa mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ay nag-aangkin na ang mga sinaunang Kristiyano ay naniniwala na ang parousia, ni Kristo, o kaniyang presensiya, ay mangyayari sa kanilang kaarawan. Ang iba ay nagmumungkahi pa rin na si Jesus mismo ay naniniwala na siya’y darating noon sa pinakamadaling panahon sa kaniyang Kaharian. Subalit sa kaniyang mga ilustrasyon ng mga talento at ng mga mina, pinakita ni Jesus na tangi lamang “pagkatapos ng mahabang panahon” siya babalik taglay ang makaharing kapangyarihan at makikipagsulit sa kaniyang mga alipin na pinagkatiwalaan niya ng kaniyang mga ari-arian. (Mateo 25:14, 19; Lucas 19:11, 12, 15) At sa kaniyang hula tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay,’ inamin niya na “maging ang mga anghel sa langit ni ang Anak, kundi tanging ang Ama” ang nakakaalam ng “araw at oras” ng pagdating ng wakas. Sinusog niya: “Manatiling nagbabantay kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”​—Mateo 24:3, 14, 36, 42.

9. Nagbigay ba si apostol Pablo ng impresyon na naniniwala siyang magaganap ang pagkanaririto ni Kristo noong kaniyang kaarawan? Ipaliwanag.

9 Tungkol sa mga paniwala ng mga sinaunang Kristiyano sa kaganapan ng pagkanaririto ni Kristo, isang aklat na reperensiyab ang nagsasabi: “Ang pagpapalagay na inasahan ni Pablo ang parousia noon din sa 1 Tes. ay malayo sa katotohanan. Sing-aga ng sinasabi sa 1 Tes. 5:10 binanggit ni Pablo ang posibilidad na siya ay baka mamatay. Ang posibilidad ay hindi maaaring itabi na lamang at sabihin na sa pagbanggit ng ‘tayo’ sa 1 Tes. 4:15 at 17 si Pablo ay nagsasabing kabilang siya sa huling lahi at hindi niya tinitiyak na siya ay kabilang na roon.” Sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, malinaw na sinabi ni Pablo na hindi niya inaasahan na tatanggapin niya ang kaniyang gantimpala kundi “sa araw na yaon,” ang araw ng “pagpapakita” ni Kristo sa kaniyang Kaharian, pagka Kaniyang “huhukuman ang mga buháy at ang mga patay.”​—2 Timoteo 4:1, 8.

10. Paanong ang wastong pagbabantay Kristiyano ay nagligtas sa buhay ng mga Kristiyano sa Judea noong unang siglo?

10 Samantalang hinihintay ang pagkanaririto ni Jesu-Kristo at ang pagdating ng kaniyang Kaharian, ang mga Kristiyano ay kailangang manatiling mapagbantay. Ang tumpak na Kristiyanong pagkamapagbantay ang nagpapangyari sa mga Kristiyano sa Judea na makilala ang tanda na ibinigay ni Jesus tungkol sa dumarating na pagkapuksa ng Jerusalem. (Lucas 21:20-24) Nang si Cestius Gallus ay umatake sa Jerusalem noong 66 C.E., ang laging gising na mga Kristiyano ay nagsamantala sa kaniyang biglaan at di-maipaliwanag na pag-urong at tumakas sila sa lunsod pati na rin sa nakapalibot na teritoryo ng Judea. Sang-ayon sa sinaunang mga historiyador ng iglesya na sina Hegesippus, Eusebius at Epiphanius, ang mga Kristiyanong Judeano ay nagkanlong sa isang lugar na tinatawag na Pella pagkatapos na sila’y tumawid sa Jordan. Yamang sila’y espirituwal na gising na gising sila’y nakaligtas sa kamatayan o pagkabihag nang ang mga hukbong Romano ay bumalik noong 70 C.E. sa ilalim ni Heneral Tito at pinuksa ang Jerusalem. Anong ligaya ng mga Kristiyanong ito na sila ay nanatiling nagbabantay!

Paghihintay ng mga Kristiyano Pagkatapos ng 70 C.E.

11, 12. Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano pagkatapos mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., at paano sila iingatan nito?

11 Yamang ang pagkanaririto ni Jesus ay nakatakdang maganap tangi lamang “pagkatapos ng isang mahabang panahon,” ano ang dapat na maging tumpak na saloobin para sa mga Kristiyano pagkatapos ng pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. at sa buong nalakarang mga siglo hanggang sa panahon ng kawakasan? Ang pag-asang Kristiyano ba ay dapat na manlamig, “maging sinlamig ng yelo,” wika nga? Hindi! Ang tatlong liham ni apostol Juan at ang Apocalipsis, o Pahayag, ay pawang napasulat pagkaraan ng 70 C.E. Sa kaniyang unang liham, si Juan ay nagbabala laban sa “anti-Kristo,” at sinasabihan niya ang mga Kristiyano na manatiling kaisa ni Kristo samantalang naghihintay ng Kaniyang “pagkanaririto” at ng Kaniyang pagpapakita. (1 Juan 2:18, 28; 3:2) Sa lahat ng tatlong liham, nagbabala si Juan laban sa mga apostata. Tungkol sa Apocalipsis, mula sa pasimula hanggang sa katapusan ay nakatuon ang diwa nito sa pagparito ni Kristo sa kaluwalhatian ng kaniyang Kaharian, at ang pahayag bago magtapos ay: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”​—Apocalipsis 22:20.

12 Ang mga Kristiyano ay kailangang maging palaisip tungkol sa parousia. Alalaong baga, sa araw-araw ay kailangang mamuhay sila na naghihintay sa “pagkanaririto” ni Kristo. Si Ernst Benz, isang propesor ng kasaysayan ng simbahan, ay sumulat: “Ang ‘mga huling bagay’ ang mga unang bagay, kung tungkol sa pagkaapurahan, para sa mga tapat ng sinaunang iglesya. Ang pinakamahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya at ang kanilang pag-asa ay ang darating na Kaharian ng Diyos.” Kahit na kung ang Kaharian ay hindi darating sa panahong kanilang ikinabubuhay, ang tumpak na saloobing ito ng paghihintay ang mag-iingat sa mga Kristiyano upang huwag maging antukin sa espirituwal at mapasangkot sa sanlibutan ni Satanas.​—1 Juan 2:15-17.

13, 14. Anong dalawang sukdulan ang paniniwala ng apostatang mga Kristiyano noong ikalawa at ikatlong mga siglo C.E.?

13 Ang nangyari, samantalang umuunlad ang apostasya pagkamatay ng mga apostol, ang iba ay nagkaroon ng maling kuru-kuro tungkol sa pagkamalapit ng pagdating ni Kristo sa kaniyang Kaharian. Sa kaniyang sinulat na The Early Church and the World, si C. J. Cadoux ay nagsasabi: “Si Irenæus [ikalawang siglo C.E.] at si Hippolytus [huling bahagi ng ikalawa, maagang bahagi ng ikatlong siglo C.E.] ay kapuwa may akala na posible na karkulahin nang may kawastuhan ang panahon kung kailan darating ang wakas.” Ang iba, dahilan sa maling kronolohiya, ay nag-akala na ang 6,000 taon ng kasaysayan ng tao ay halos natapos na at na ang pagsapit ng ikapitong milenyo ay malapit na. Mangyari pa, sila ay nagkamali. Subalit sa papaano man sinisikap nila noon na manatiling gising sa espirituwal.

14 Sa kabilang panig, karamihan ng mga apostatang Kristiyano ay nawalan ng pagkadama na apurahan ang panahon at kailangang asahan ang pagdating ng Kaharian. Sinasabi sa atin ng Theological Dictionary of the New Testament: “Pagkatapos na maimpluwensiyahan ng metaphysics [pilosopya] ni Plato at ng etika ng mga Stoico, ang mga Apologists na Kristiyano [yaong mga “ama” ng simbahan noong ikalawa at bandang una ng ikatlong siglo] ay bahagyang gumamit sa turo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa kanilang pagkakaroon ng eschatology, yaon ay dominado ng ideya ng kasakdalan ng indibiduwal na Kristiyano. . . . Ang mga kuru-kurong Griego ng imortalidad, buhay na walang hanggan at kaalaman ay mas mahalaga kaysa Biblikal na turo ng [Kaharian ng Diyos]. . . . Gayundin naman kay Origen [c. 185-c. 254 C.E.], . . . halos walang dako na anuman ang Biblikal na mensahe ng kaharian ng Diyos.”

15. Samantalang umuunlad ang apostasya, ano ang naging saloobin ng tatag na mga relihiyon tungkol sa turo ng “mga Huling Bagay”?

15 Sa malaking bahagi, ito ang saloobin na umiral sa buong lumipas na mga siglo sa gitna ng umano’y mga relihiyong Kristiyano. Isinisiwalat ng The Encyclopædia Britannica: “Sapol nang panahon ng Emperador Romanong si Constantino (namatay 337) ang makapulitikang pagkilala sa pagka-Kristiyano ay inuunawa na isang natupad na pag-asa sa Kaharian ni Kristo. Ang panghinaharap na eschatology ay nagpatuloy na umiral sa sinugpong mga sekta na umiiral nang palihim.” “Sa yugto ng panahon bago mag-ika-16 na siglo ng Repormasyon, mga grupo ng erehes . . . ang umakusa sa Iglesya Romana ng pagtatakwil ng orihinal na eschatological na paghihintay.”

‘Maligaya ang mga Nasumpungang Nagbabantay’

16. Anong mga grupo ang lumitaw noong ika-19 na siglo, at ano ang paniniwala ng iba sa kanila?

16 Sapol nang ang “lalong matatatag na mga relihiyong Kristiyano” ay hindi na nagbabantay sa pagkanaririto ni Kristo sa kaniyang pagtanggap ng kapangyarihan sa Kaharian, pinaubaya na gawin iyon ng tinatawag ng mga relihiyong ito na “mga grupo ng erehes.” Noong ika-19 siglo, maraming grupong ganoon ang lumitaw sa mga lupain na kung saan ang Bibliya at ang mga pantulong na aralin sa pag-aaral nito ay sumasa-kamay ng mga karaniwang tao. Ang palasak na mga relihiyon na para sa kanila’y naging walang kabuluhan ang anumang turo tungkol sa “mga Huling Bagay,” ay ang pakutyang tawag sa gayong mga grupo’y mga adventista o mga milenyanista, dahilan sa ang gayong mga grupo ay nagbabantay sa ikalawang pagparito ni Kristo at sila’y naniniwala na si Kristo ay maghahari sa loob ng isang libong taon. Marami sa mga grupong ito ang umaasang si Kristo ay babalik sa lupa upang itatag ang kaniyang milenyong Kaharian. Ang iba sa kanila ay may kalkulasyon na ang ikalawang pagparito ni Kristo ay nakatakdang maganap noong 1835 (ang sa mga Irvingites, sa Inglatera), 1836 (mga tagasunod ni Bengel, sa Alemanya), 1843 (mga tagasunod ni Miller, sa Estados Unidos) at 1889 (isang grupong Mennonita sa Rusya).

17, 18. Paano naapektuhan ang matatag na mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ngunit ano ang sinabi ni Jesus na kaniyang hahanapin ‘pagdating’ niya?

17 Natural, “ang lalong matatatag na relihiyong Kristiyano” ay nangagalak nang ang mga paghulang ito ay lumabas na mali pala. Tiyak, ang mga Katoliko, Orthodoxo at pangunahing mga Simbahang Protestante ay hindi gumawa ng gayong mga pagkakamali. Para sa kanila, ang turo tungkol sa “mga Huling Bagay” ay “walang kabuluhan.” Malaon nang sila’y huminto ng “pananatiling nagbabantay.”​—Marcos 13:37.

18 Gayunman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Maligaya yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nagbabantay! . . . Sino nga baga ang katiwalang tapat, at maingat, na hihirangin ng kaniyang panginoon upang mamanihala sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod para patuloy na bigyan sila ng kanilang bahagi ng pagkain sa wastong panahon? Maligaya ang aliping iyon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang ginagawa niya!”​—Lucas 12:37-43.

19, 20. (a) Anong grupo ang lumitaw noong mga taon ng 1870’s, at bakit sila humiwalay sa mga ibang grupo? (b) Anong magasin ang naging opisyal na lathalain ng grupong ito, at paano tinutulungan ng magasing ito ang dumaraming bilang ng mga tunay na Kristiyano?

19 Kabilang sa tinatawag na mga grupo ng erehes na nagbabantay para sa tanda ng pagbabalik ni Kristo sa huling ikatlong bahagi ng ika-19 na siglo ay isang klase sa pag-aaral sa Bibliya na pinangungunahan ni Charles Russell sa Pittsburgh, Estados Unidos. Sumulat si Russell: “Mula noong 1870 hanggang 1875 ay isang panahon ng patuloy na paglago sa biyaya at kaalaman at pag-ibig ng Diyos at ng kaniyang Salita. . . . Gayumpaman, noon ang nakakamit namin ay yaong pangkalahatang balangkas ng plano ng Diyos at hindi yaong maraming malaon nang pinakahahangad na mga ibig maalis na mga kamalian. . . . Lubhang ikinalungkot namin ang pagkakamali ng mga Ikalawang Adventista, na ang inaasahan ay darating si Kristo na tao.”

20 Si Russell at ang kaniyang mga kasamahan ay dagling nakaunawa na ang pagkanaririto ni Kristo ay magiging hindi nakikita. Sila’y nagsihiwalay sa mga ibang grupo at, noong 1879, kanilang sinimulang ilathala ang espirituwal na pagkain sa Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Mula sa unang taon ng paglalathala, ang magasing ito ay nakaturo sa hinaharap, sa pamamagitan ng matibay na batayan sa Kasulatan, sa petsang 1914 bilang isang makasaysayang petsa sa kronolohiya ng Bibliya. Kaya’t nang ang di nakikitang pagkanaririto ni Kristo ay nagsimula noong 1914, maligaya ang mga Kristiyanong ito na nasumpungang nagbabantay! Sa loob ng mahigit na isang siglo, ang magasing ito, tinatawag ngayon na Ang Bantayan​—Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ay nakatulong sa patuloy na dumaraming mga tunay na Kristiyano na “manatiling nagmamasid” at “manatiling gising.” (Marcos 13:33) Kung papaano ito isinagawa ay isasaalang-alang sa sumusunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Para sa isang ganap na pagtalakay sa hulang ito tungkol sa panahon, tingnan ang “Let Your Kingdom Come,” pahina 58-66.

b The New International Dictionary of New Testament Theology, Tomo 2, pahina 923.

Mga Ilang Tanong sa Repaso

◻ Ano ang nagpapatunay na noong unang-siglo ay naghihintay ang mga Judio sa Mesiyas?

◻ Papaanong ang pagkamapagbantay ay tumulong sa mga Kristiyano sa Judea?

◻ Ano ang epekto ng apostasya sa paghihintay ng mga Kristiyano?

◻ Anong uri ng alipin ang hahanapin ni Kristo habang nalalapit ang katapusan?

◻ Anong grupo ng mga Kristiyano ang nakakatugon sa mga kahilingang ito, at sa tulong ng anong magasin?

[Larawan sa pahina 12]

Laging mapagbantay ang tagalathala ng magasing ito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share